DINAIG PA yata ang pinakamalakas na paputok ng Bagong Taon ang pasabog ng Department of Transportation and Communication (DOTC). Ang lahat ng mananakay ng MRT at LRT ay nagulat at nagalit sa pasabog na ito ng naturang ahensya nitong Lunes, kung saan ay siyang unang araw ng pagbabalik ng mga manggagawa sa kani-kanilang mga trabaho ay binulaga sila ng taas-pasaheng ginawa ng MRT at LRT. Pakiramdam ng lahat ay tila isang pasimpleng pang-iisa ang nangyari. Maging si Senadora Grace Poe ay nagulat dito at inihalintulad ito sa isang panghuhudas sa taong bayan.
Talaga yatang tuluyan nang nawalan ng hiya sa tao ang mga opisyales ng gobyerno na nagpakana ng pagtataas na ito sa pasahe sa MRT at LRT. Pagkatapos ng napakaraming kapalpakan na ipinakita ng MRT sa serbisyo nito sa mga tao ay nakuha pa nilang magtaas ng pasahe. Sana man lang ay tinugunan muna nila ang mga kapalpakan at pagkukulang ng kanilang serbisyo bago sila nagtaas ng pamasahe.
Nandyan na ang nasirang tren ng MRT na tumilapon sa labas ng riles nito kung saan ay marami ang nasugatan. Ang halos linggu-linggong pagtigil ng mga bagon nito na nagdulot ng pagka-late at pagka-absent ng maraming taong sumasakay nito sa kanilang mga trabaho. Ang mahabang pila araw-araw at siksikan sa loob at labas ng tren. At ang bagsak na grading na nakuha nito mula sa mga ekspertong nagpunta rito sa bansa para maisagawa ng inspection sa MRT at LRT. Lahat ito ay tila balewala sa kanila.
NAKALULUNGKOT ISIPIN na tila wala talagang respeto at pagpapahalaga sa tao ang pamahalaang ito. Imbes na tugunan ang mga reklamo at kahilingan ng mga tao na pagandahin ang serbisyo ng MRT ay tinaasan pa ng bayad ang mga pobreng mananakay ng MRT. Ito ba ang matinong gobyerno? Ganito ba dapat nakikitungo ang pamahalaan sa kanyang mamamayan?
Ang pagtataas ng pamasahe ng MRT ay hindi lang simpleng pagtaas ng gastusin ng mga ordinaryong tao na sumasakay sa MRT. Ipinapakita rin dito ang kawalan ng pagrespeto at pagpapahalaga ng gobyerno sa mga tao, lalo na sa mga mahihirap na mananakay ng MRT. Hindi na inisip ng gobyerno ang damdamin at kapakanan ng mga tao. Para bang ipinapalagay nila na wala namang magagawa ang mga tao kung itataas nila ang pamasahe dahil wala naman silang maaaring pagpilian.
Itinaon pa nilang bakasyon ang Korte Suprema nang naglabas sila ng advisory sa mga tao kaya’t hindi ito naidulog nang maayos sa korte. Halatang inisahan nila ang mga grupong nagkikilos-protesta at pumipigil sa pagtatas na ito at iba pang kalupitan ng pamahalaan sa mga ordinaryong tao.
MAGING ANG mambabatas na si Poe ay nagulat sa ginawang pagtataas na ito. Hindi niya inaasahan na magtataas ang MRT sa kabila nang inaprubahan naman ng Senado ang budget na hiningi ng DOTC para umano sa mga pagpapaayos at pagpapabuti ng serbisyo ng MRT sa mga tao. Para saan ba ang dagdag-budget na hiningi ng DOTC sa Senado kung magtataas din sila ng singil sa pasahe. Malinaw naman ang unawaan nila ni Poe na kaya ipinasa ang budget ay para magkaroon ng sapat na pondo ang MRT para pagbutihin ang serbisyo nila sa tao.
Normal naman sa ibang mga tindahan o mga kumpanyang nagbibigay-serbisyo sa tao na hindi naman maaaring hindi mo aayusin ang iyong serbisyo bago ka magtaas ng presyo o humingi ng dagdag. Palibhasa ay hindi gaya ng ibang nagseserbisyo sa tao na mayroon silang kakompitensya na puwedeng puntahan ng mga tao kung sakaling pangit ang serbisyo ng isang tindahan kumpara sa isang may maayos na gawain. Alam ng pamahalaan na walang ibang pagpipilian ang mga tao kaya madali nilang abusuhin ang mga ito.
Wala nang magagawa ang taong-bayan kundi tiisin ang pagpapahirap na ito ng pamahalaang PNoy. Kung ikukumpara kasi sa mga pamasahe sa bus ay mas mababa pa rin ang pamasahe sa MRT kahit nagtaas na ito. Ngunit ang pinag-uuspan dito ay serbisyo para sa taong-bayan. Kakapiranggot na serbisyo na lang ang naibibigay ng gobyerno sa taong-bayan ay aalisin pa ito.
ANG SUBSIDIYA na ibinibigay ng pamahalaan sa mga mananakay ng MRT ay hindi dapat alisin dahil ito ay serbisyo ng pamahalaan sa tao. Kung tutuusin ay pera rin ng mga taong-bayan ang ginagamit para tustusan sila sa pamasahe sa MRT. Hindi rin naman katanggap-tanggap ang argumento ng pamahalaan ni PNoy na nalulugi ang mga taga-Visayas at Mindanao dahil hindi naman sila sumasakay sa MRT at LRT.
Ang mga taga-NCR na tax payers ang may pinakamalaking kontribusyon sa kaban ng bayan kaya dapat lang na bigyan sila ng subsidiya sa pamasahe sa MRT at LRT. Ang mga proyekto rin ng pamahalaan gaya ng malaking pondong ilalaan sa Mindanao ay galing din sa kaban ng bayan ngunit hindi naman iniisip ng mga taga-NCR na lugi sila sa ganitong subsidiya ng pamahalaan para sa mga taga-Mindanao.
Ang pagtulong ng pamahalaan sa taong bayan, kahit saang lugar pa man ito ay hindi dapat binibigyang-kulay, pinagkukumpara, nag-iinggitan at nagkokompetisyon. Ang ikinabubuti ng mga tao dahil sa tulong na ginagawa ng pamahalaan ay nakabubuti sa buong bansa. Ang ginawang ito ng pamahalaan ay isang pagtalikod sa obligasyon nito sa taong-bayan. Sa aking palagay ko ay dapat natin itong kondenahin at pigilan.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo