BUHOS ANG grasya at biyaya kay boxing champ Manny Pacquiao. Pambihirang suwerte at kapalaran. Kung matutuloy – at magwawagi siya – ang laban niya kay Floyd Mayweather Jr., siya na ang tatanghaling the undisputed greatest boxer of all times!
Nu’ng 1999, nagkapalad akong makausap nang 10 minuto si Pacquiao sa kanyang pag-courtesy call kay dating Pangulong Erap sa Malacañang. Nag-uumpisa pa lang ang kanyang pagsikat. Very humble at soft-spoken. Mahigit isang oras silang nag-usap ni Erap na isang rabid boxing aficionado. Pagkatapos ng picture-taking, sinabayan pa mismo ni Erap si Pacquiao patungo sa kanyang sasakyan.
Mula sa pusali hanggang sa ikapitong langit. Buod ng buhay at tagumpay ni Pacquiao sa loob lang ng isang dekada. Isa nang bilyonaryo, kanyang mga bilyon ay aanak pa ng mga bilyon sa wastong investment at pagpapalago. ‘Di na iilan ang mga mansion sa upscale Forbes Park, Dasmariñas Village at Sta. Rosa, Laguna. Si Pacquiao ba lang ang anak ng Diyos?
Wika sa Banal na Aklat: “To those much is given, much is required.” Namnamin at pakaisipin sana ito ni Pacquiao. Ang kanyang grasya at biyaya ay ‘di lamang ukol sa kanya. Instrumento siya para ang mga ito ay makapag-angat at dugtong ng buhay sa kanyang mahihirap na kapwa. Mga nilalang na nabubuhay sa lason at amoy ng pusali. Kailangang araw-araw dugtungan ang hininga ng mapagkawanggawa.
Sa mga pahayagan, sumisigaw ang ubod niyang kayamanan: mula sa mamahaling handbag ng kanyang maybahay hanggang sa sapatos at alahas ng kanyang ina. Kaliwa’t kanan ang tapon ng mararangyang handaan. At napabalita pa ang pagkagumon niya sa sabong at iba pang sugal. Naalaala ko ang wika ng aking nasirang lolo: “’Pag minsan, ang sukdulang suwerte ay nakakatakot. Lalo na kung ang biyayang ito ay ‘di mo ginugugol sa mabuti o pagtulong sa kapwa.” Buong buhay ko inisip ang ibig sabihin nito. Ngayo’y alam ko na.
Sana’y magising si Pacquiao sa katotohanan na ang buhay ay maikli at ang paghahanap ng kaligayahan ay walang katapusan.
Nakaraang araw, napabalita rin ang P25-M yacht na niregalo ni Pacquiao sa kanyang maybahay. Super bigatin na talaga siya!
Sigaw ng mga dukhang dating kasama niya sa pusali: “Pasakay naman, champ!
SAMUT-SAMOT
TRIP BA ninyong magbasa ng memoirs ni dating Pa-ngulong GMA? Ayon sa kanyang tagapagsalita, Elena Bautista-Horn, sinimulan nang sulatin ito. Long hand dahil bawal ang laptop at iba pang communications gadgets sa piitang ospital. Nagpatikim si GMA ng isang topic: It’s the economy, student! Isang duldulang batikos sa diumano’y mismanagement ni Pangulong Noy sa ekonomiya.
PAGKARAAN NG anim na buwang pagkaupo ng bagong Ombudsman Conchita Martinez-Morales, umarangkada na sa paglilitis ang maraming high-profiled corruption cases na inupuan ng dating Ombudsman. ‘Di nagkamali si P-Noy sa paghirang sa kanya. Kung gugustuhin, kaya pala namang gawin. Sana naman ang Sandigang Bayan ay bilisan din ang aksyon. Ang mata ng publiko sa kanila nakatuon.
VERY EDUCATIONAL at entertaining ang History Channel sa Skycable. Imbes na iyakang teleserye at showbiz ng kabaklaan, switch on na rito. Sa tatlong episodes ng Hidden Cities, prominently featured ang dalawang lugar sa bansa: Iwahig Penal Colony at Palawan. Napag-isip ko na tourist pa pala ako sa sariling bayan. Nakaraang araw, highlights din ang episodes ng World War I & II kasama ang untold stories ng pagkaimbento ng atomic bomb.
NAKABABAHALA NA 2 major TV channels ay may programang nagha-highlight sa alitan at pag-aaway ng magkakapit-bahay sa barangay. Harap-harapan ang confrontation ng pamilyang nag-aaway, nagtatapunan ng putik ng galit at mga unprintables. Dapat suriin ito ng MTRCB. Walang positibong values na pino-promote, bagkus nagpapalaganap pa ng kultura ng alipusta sa kapwa.
HILING KO lang sa Maykapal ay umabot ako ng 50 edad. Ngunit nu’ng Jan. 12, matahimik akong nagdiwang ng aking 68 na kaarawan. Napakaraming grasya at biyaya ang nakamtan ko sa Maykapal. Isang buo at mapagmahal na pamilya. Maraming tapat na kaibigan. At isang kumportableng buhay sa pagtanda. Maraming tagumpay. Marami ring kabiguan. Sa lahat lahat, ang aking taimtim na pasasalamat sa Maykapal.
BUONG UMAGA ko araw-araw ay nakatutok sa NBA Premium Season. Nakakainit ng lahat ng ugat kung panoorin lalo na kung L.A. Lakers ang nakasalang. As usual, Miami, Orlando, Dallas, Lakers, San Antonio teams ang bumabandera. Ito ang problema ng koponan. Maliliit at mahihinang teams ay ‘di kumikita sa takilya. ‘Di balance kasi ang distribution ng top-notch players.
MATAGAL KO nang kinalimutan ang PBA. Walang binatbat sa MICAA tournament nu’ng dekada ‘60s. Nag-deteriorate ang uri ng laro nu’ng mahaluan ng Fil-Am players. Nasaan na kaya paborito kong MICAA greats katulad nina Danny Florencio, Adriano Papa, Robert Jaworski, etc?
DEBACLE SA 2011 Southeast Asian Games ay dapat imbestigahan. Biro mo 6th tayo behind Vietnam at Laos. Nasaan na ang milyun-milyong budget sa ating sports program?
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez