NGAYONG NAGBALIK na si General Alan Purisima sa Philippine National Police (PNP), tila nagkaroon ng pag-aalinlangan ang maraming opisyal sa loob ng organisasyon dahil ang pinakamataas na heneral ay nagbalik na sa serbisyo. Ang nag-iisang 4 star general na ranggo ay karaniwang hinahawakan ang pinakamataas na posisyon na PNP director. Subalit, hindi ganito ang sitwasyon ngayon.
Ang 3 star ranking officer na si General Leonardo Espina ang acting PNP Director ngayon bunsod ng pagbibitiw ni Purisima sa pagiging PNP director. Matatandaang kasama si Purisima sa mga iniimbestigahan ngayon sa naganap na madugong Mamasapano Massacre, kung saan 44 na miyembro ng PNP-SAF ang nasawi.
Pinaparatangan si Purisima ng pangingialam at pagbasag ng chain of command sa PNP dahil sa pakikisangkot nito at pagdidirekta sa operasyon ng PNP-SAF sa Mamasapano sa kabila ng pagiging suspendido nito sa pagiging PNP Director, kasunod ang patung-patong na kaso ng katiwalian at mga kayamanang hindi maipaliwanag.
ANG PROBLEMA ngayon, hindi malaman ng organisasyon kung saan ilalagay at ano ang maaaring ipagawa kay Purisima ng organisasyon. Paano nga naman uutusan ni Espina na isa lamang 3 star general ang 4 star general na si Purisima? Ang seniority ay sagrado sa isang institusyong gaya ng sa military. Ito rin ang dahilan ng mandatory 3-year residency promotion ng mga opisyal ng AFP.
Halimbawa, ang isang Philippine Military Academy (PMA) graduate ay may mandatory promotion every 3 years ng kanilang residency sa AFP bilang active member nito. Hiwalay pa rito ang mga meritorious na promotions mula sa pagiging mahusay na sundalo, paglutas ng isang problema sa military operation, at kabayanihan. Ibig sabihin ay binibigyang-diin sa military at police institutions ang seniority by rank.
Isang malaking palaisipan ngayon ang pagbabalik ni Purisima sa PNP habang naghihintay siya ng kanyang mandatory age of retirement dahil tila walang maipagawa o maiutos sa pinakamataas na 4 star general. Isang palakad-lakad na 4 star general na walang tiyak na gampanin at bukod dito ay nagdadala pa siya ng kagulimihanan sa isip ng mga tao sa PNP.
ANG PROBLEMA sa sistema ng PNP institution ngayon ay nag-uugat sa code of conduct ng institution, kung saan nakalapat ang organizational structure nito. Mayroon lamang iisang 4 star general sa organisasyon ng PNP dahil inaasahang makukuha mo lamang ito mula sa merit ng pagkakatalaga sa isang opisyal bilang PNP Chief Director. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi maibigay kay Espina ang appointment ng pagiging PNP Chief Director at hindi lamang sa isang “acting” capacity dahil hindi maibibigay sa kanya ang 4 star rank sapagkat nananatili pa sa serbisyo si Purisima na may hawak ngayon ng 4 star general rank.
Ganito ang sitwasyon noon ni Senator Panfilo Lacson pagkatapos magbitaw bilang PNP Chief Director kasunod ng isang People Power 2 laban sa dating napatalsik sa puwesto na si dating Pangulong Joseph Estrada. Minarapat ni Lacson na magretiro nang maaga mula sa serbisyo ng pagiging 4 star general para mayroong mapagbigyan ng ranggo na 4 star general para sa bagong itatalagang PNP Director sa panahon ng panunungkulang ni President Gloria Macapagal-Arroyo na pumalit kay Estrada mula sa pagkakapatalsik dito.
Sa isang mas simpleng paliwanag, dapat ay nagretiro na rin nang maaga si General Purisima gaya ng ginawa noon ni Lacson para hindi magkaroon ng krisis sa loob ng PNP organizational structure. Isang krisis na ngang maituturing ang nagaganap ngayon sa PNP dahil nananatili sa serbisyo ang isang 4 star general habang hindi niya hinahawakan ang pinakamataas na posisyon sa organisasyon. Isang institutional crisis na ang solusyon ay nasa kamay lamang ng isang tao.
BAHAGI NG code of conduct ng isang police o military officer ang pagiging maginoo. Ang ibig sabihin ng pagiging maginoo sa kontekstong ito ay ang pagbabaubaya sa ranggo na pinakamataas, ang 4 star general rank, sa ibang opisyal na inaatasan ng isang importanteng posisyon sa PNP organization. Kailangan ang pagsasakripisyo, pagtitiwala, pagpaparaya, at pagpapakumbaba para maging isang tunay na maginoo sa kontekstong ito. Ang tanong ay kaya ba itong gawin ni Purisima?
Bakit hindi sang-ayunan ni Pangulong Aquino at pagpayuhan din si Purisima, katulad ng pagpayo ni Lacson kay Purisima? Naaapektuhan ang buong organisasyon ng PNP at pati na ang serbisyo nito sa bansa dahil lamang sa isang general na pasaway. Hindi na siguro kailangang ipayo pa ang ganito sa isang opisyal na sumusunod sa code of comduct ng kanyang sariling organisasyon na kinabibilangan.
Matatandaan natin na pahirapan din noon ang pagkukumbinsi kay Purisima na mag-leave of absence mula sa posisyong PNP Chief Director, dahil sa mga alegasyon ng korapsyon at kasong katiwalian sa gobyerno. Kinailangan pa na suspendihin ito ng Ombudsman para bumaba sa puwesto. Noong naisip ni Purisima na mag-resign sa pagiging PNP Director bunsod ng Mamasapano incident, dapat ay naiisip na rin niya na magretiro sana para sa mas maayos na pagtatalaga ng bagong PNP Director. Hindi niya ito ginawa dahil siguro… gusto lang niyang maging pasaway!
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Akyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Panoorin ang inyong lingkod sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am – 12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5, tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo