PASKO NA naman at bagyo na naman. Ito na nga raw ang bagong “normal” sa ating panahon. Mag-iisang dekada na, kung saan ang December ay tuwinang binibisita ng malalakas na bagyo na may dalang malakas na hangin at maraming tubig. Hindi ba natin pansin na sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan at kakambal na nito ang mga kababayan nating nasasalanta ng bagyo? Ito ang bagong “shift” ng panahong dulot ng tinatawag na “climate change”.
Mag-iisang dekada na rin simula nang maipalabas ang dokumentaryong “The Inconvenient Truth”. Ang pangunahing karakter dito, director, producer, at mananaliksik, ay ang siyentipiko at kilalang pulitiko na si dating US Vice President Al Gore. Ipinakita at ipinaliwanag sa film ang paksang “climate change”.
Base sa mga datos ng NASA at mga scientists, malaki ang naging pagbabago sa ating klima dulot ng industrialization. Dahil sa mga makinang nilikha ng tao para mapagaang ang mga trabaho, nagdulot ng malawakang pag-init sa loob ng atmosphere ng mundo mula sa mga polusyong likha ng makina. Ito ang tinawag nilang “global warming”. Ang global warming ang pangunahing dahilan ng climate change.
Ang epekto ng climate change sa Pilipinas ay nagsanga-sanga sa iba’t ibang aspeto. Ang kabuuan ng mga epektong ito ay siya namang nagpapabago sa kultura at pagkatao ng mga Pilipino. Sa iba’t ibang aspeto ng kultura gaya ng tradisyon, relihiyon, pulitika, at moralidad matatanaw ang pagbabagong dulot ng climate change. Isa na siguro sa pinakaramdam na pagbabago sa kamalayang Pilipino ay ang pagkakabuo ng ugnayang Pasko at bagyo!
SAPUL NA sapul ang Central Luzon sa bagyong “Nona”. Gaya ng dati ay marami na naman sa ating mga kababayan ang nasalanta nito. Kaakibat ng pagkakasalanta sa kanila ng bagyong Nona ay ang pagkawala ng kanilang mga tirahan, pagkawasak ng mga pananim at iba pang pinagkakakitaan. Sabi nga ng matatanda ay kung kailan pa magpa-Pasko ay saka naman sila dinaanan ng bagyo.
Kung dati ay isang matalinhagang pahayag lamang ang mga katagang “mukha kang dinaanan ng bagyo sa Pasko”, na ang kahulugan ay may lungkot sa mata ng isang tao, hindi na ito ngayon masasabing isang “metaphor” dahil makatotohanan na ito.
Sa datos ng PAGASA, sa loob ng 10 taon ay mayroong 1-2 bagyo ang tumatama sa Pilipinas tuwing magpa-Pasko o sa buwan ng December. Ang pag-aaral na ito ay akma rin sa mga pagbabago ng pagtama ng bagyo sa iba pang mga bansa na madalas ding daanan ng mga bagyong namumuo mula sa karagatan ng Pasipiko.
Sa katunayan, hindi pa man din tuluyang lumalabas ng bansa ang bagyong “Nona” ay may namataan na naman ang PAGASA na isang papalapit na bagyo sa Mindanao. Ito ay ang bagyong Onyok. Inaasahan ng PAGASA na magla-landfall ang bagyo sa darating na Sabado o Linggo. Madaragdagan na naman ang mga magdadalamhati sa Pasko na mawawalan ng tahanan at kabuhayan.
GAYA NG dati, ang mga lumang problema ng pagbaha ay nariyan pa rin. Muli na naman nitong ipaaalala ang kakulangan ng pamahalaan sa pagtugon sa ganitong mga problema. Kailan kaya darating ang panahon na hindi na mangangamba ang mga tao na hindi sila babahain kahit pa bumuhos ang malakas na ulan lalo na rito sa Metro Manila.
Kakambal kasi ng baha ay ang lalong pagbigat ng traffic. Parang natural na nga lamang na kapag may baha sa Metro Manila, siguradong hindi na gagalaw ang traffic at magpapaumaga na ang mga motorista sa kalsada. Ito ang tinawag nilang “carmageddon”.
Palibhasa, ang mga proyektong magreresolba sana sa pagbaha ay hindi pa rin tapos o hindi na tuluyang tinapos. Kaya ang resulta ay dating mga problema pa rin sa pagbaha. Ang mga kalsadang binabaha noon, pagkatapos ng 6 taon ng pamahalaang Aquino ay binabaha pa rin ngayon.
Ang mas nakaiinis ay nadagdagan pa ang mga lugar na binabaha sa Metro Manila. Sa pagtatapos ng araw, ang napala natin sa pamahalaang ito ay mas maraming baha at mas mabigat na traffic. Hindi maikakaila ni PNoy na mas ramdam ng mahihirap ang mga baha at bigat ng traffic kaysa sa kaunlaran na ipinagmamalaki ng kanyang gobyerno.
Isang magandang puntong pag-usapan sa mga ihahaing plataporma ng mga kakandidato para sa pagka-pangulo ang usaping climate change. Hindi dapat nauubos ang panahon ng mga kandidato sa kanilang patutsadahan sa mga bagay na walang kuwenta at maidudulot na mabuti sa bayan.
Mahalaga rin ang mga kongkretong solusyon sa problemang pagbaha sa Metro Manila. Ang mabuting pangulo ng bansa ay dapat magsulong ng kanyang platapormang tatalakay sa climate change. Ito ay isang pangdaigdigang problema at tayo na bahagi ng southeastern Asia ay higit na apektado sa problemang ito.
ANG PINAKAARAL na dulot ng bagyo sa Pasko ay ang kamalayang pagtulong sa mga biktima ng bagyo. Ngayon ay mas makatotohanan ang mga alay na tulong sa nangangailangan. Pagkain, damit at gamit sa bahay ang kadalasang natatanggap natin sa mga exchange gifts sa mga Christmas party.
Ngayon, tinuruan tayo ng kalikasan magbigay ng pagkain, damit at mga gamit sa bahay ng walang kapalit at hindi sa konteksto ng isang exchange gift sa isang party. Isang tunay na pagbabahagi sa nangangailangan at isang tunay na pag-ibig sa kapwa ang ating natutunan ngayon Pasko at bagyo!
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo