SA TRADISYON at kultura ng mga Pinoy, Pasko na nga ang isa sa mga paborito nating okasyon. Pinakahihintay natin ito. Pagsapit pa nga lang ng Setyembre, unang buwan ng ber months, nagsisimula na ang countdown natin. Wala ring kaduda-duda na talagang bawat isa sa atin ay kanya-kanya ng paghahanda na ginagawa tuwing sasapit ang Pasko. Nariyan ang pamimili ng regalo sa mga mahal sa buhay. Nariyan din ang pag-iisip ng mga bagong recipe na iluluto na pagsasaluhan ng inyong mga kamag-anak at kaibigan. Hindi rin mawawala ang ating pang Christmas shopping. Nakabubutas ng bulsa ang pagdiriwang ng Pasko, pero hindi ito mabigat para sa atin dahil ang Pasko naman ay okasyon ng pagbibigayan. Lalo na kung ang pagbibigyan mo ay ang iyong mga mahal sa buhay.
Ngunit, subalit, datapwa’t, sa mundong ating ginagalawan, hindi puro saya ang nangingibabaw. May masasamang tao pa rin na pilit sisirain ang kasiyahan ng kapwa. Kay lalim naman ng hugot ko. Ganito lang naman ang gusto kong sabihin. Nagkalat ang magnanakaw sa mundo lalo na ngayong sasapit na ang Pasko. Kaya dapat ingat-ingat din, mga bagets!
Ang mga magnanakaw ngayon, hi-tech na! Pati online na pagnanakaw, pinapasok na. Ano ba ang tinutukoy ko? Kasabay ng pagmoderno ng mga buhay natin ay ang pagmoderno rin ng banking industry. Patok na patok ngayon ang online banking, kung saan puwede kang mag-deposit, magbayad gamit ang online banking. Ngayong malapit na ang Pasko, kabilaan ang mga hackers at mga gumagawa ng bogus bank websites. Huwag kayong magpapaniwala rito. Kapag nakaramdam na kayo ng kakaiba sa online website na pinapasok n’yo, ipagbigay-alam agad sa awtoridad. Makipagugnayan din sa mga bank staff kung ano ba ang tamang online banking site nang maiwasan ang panloloko ng iba.
Kailan lang, nagsisulputan ang mga biktima ng ATM skimming. Karagdagang ingat ang dapat tandaan. Huwag magwi-withdraw sa mga ATM machines na hindi ganoon kaganda ang seguridad ng paligid. Mas maganda kung ikaw ay magwi-withdraw sa mga machines na may presensiya ng guards. Iwasan ding mag-withdraw sa dilim, hangga’t maaari. Ugaliin din na buwan-buwan palitan ang inyong ATM P.I.N. para maiwasang makopya ang inyong P.I.N. Huwag na huwag ding gagawing P.I.N. ang inyong petsa ng kapanganakan dahil madaling-madali itong mahuhulaan. Kapag ikaw ay nadukutan, ipa-block agad ang inyong cards nang hindi na ito magagamit ng mga magnanakaw.
Nakalulungkot lang na kay raming masasamang tao ang gustong nakawin ang pinaghirapan ng ibang tao. Mahirap nang mawala ito. Kaya dagdag na pag-iingat ang inyong isagawa, para sa Pasko, tuloy ang saya!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo