ANG PAGDIRIWANG ng mahal na araw ay itinuturing na mahalaga sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas. Marahil kaya nga “mahal na araw” ang tawag dito ay sa dahilang tinatanaw ito bilang mahalaga sa paghuhubog ng ating pagkatao at pagpapaunlad ng ating kultura.
Ang ating bansa bilang natatanging Kristiyanong estado sa buong Asya ay nagpapatupad ng mga alituntuning may kinalaman sa ating pagka-Kristiyano. Ang mga batas na hinahabi at ipinapasa sa Kongreso ay pinaniniwalaang dumadaan sa isang proseso ng pagsusuri na batay sa mga moral na pamantayang maka-Kristiyano.
Ang Kuwaresma o Mahal na Araw ay isang pagbabalik-tanaw sa dinaanang mga pagpapakasakit ni Hesus na Anak ng Diyos at ang pagpapaka-Diyos ng Anak sa araw ng muling pagkabuhay. Ito ay tinatawag din na Pasko ng Pagkabuhay. Ang salitang “Pasko” na mas naiuugnay ang kahulugan sa pagsilang ni Hesus at kagalakang dala nito sa puso ng bawat Kristiyanong nananampalataya sa pagsilang ng tagapagligtas sa kulturang Judaismo, ay nauugat sa “paskuwa” o sa tinatawag na “pass-over”. Isang uri ito ng pagsalin ng panahon sa isang bagong yugto ng buhay.
Ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ay mas kumakatawan sa katuparan ng isang pagsalin ng bagong panahon sa yugto ng pananampalatayang Judaismo patungong Kristiyanismo. Sa pagsalin ng panahon ay nalikha ang bagong pananampalatayang Kristianismo o mga tagasunod ni Kristong Anak ng Diyos. Nakapaloob sa pananampalatayang ito ang isang bansang umaasa sa bagong pag-asa sa buhay.
Ang Pasko ng Pagkabuhay na ito ay nananatiling makabuluhan sa atin magpasahanggang ngayon. Ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ay mas mabibigyan natin ng kahulugan kung gagawin natin itong inspirasyon para muli tayong makabangon sa ating pinagdaraanan bilang isang bansa.
SA PAGBABALIK ng lahat sa trabaho ngayong araw na ito, muli nating haharapin ang mga problemang iniwan natin bago sumapit ang Mahal na Araw. Ang bawat isa sa atin ay humaharap sa iba’t ibang pagsubok na ito at pilit tayong nakikibaka upang mapagtagumpayan ang laban sa buhay. Sa ating muling pagharap sa laban ay bitbit natin ang sandata ng pag-asa mula sa misteryo ng muling pagkabuhay. Dito ay mas nabibigyan natin ng kahulugan at kahalagahan ang Pasko ng Pagkabuhay.
Kung tayo ay nagigipit sa salapi, magsisimula tayong humanap ng solusyon para rito at ang kagipitan ay magiging isang hamon para mas maging malakas tayo sa paghahanap ng alternatibo upang makahanap ng magpupuno sa ating pinansyal na pangangailangan. Ang mga naghahanap ng trabaho ay makasusumpong ng bagong hanap-buhay. Ang mga hindi nagkaunawaan ay muling makahahanap ng daan para sa muling pag-uusap at pagkaintidihan ang mga bagay na naging malabo ang kahulugan para sa dalawang panig.
Ang muli nating pagharap sa ating buhay ay muling pagkabuhay ng ating pag-asa para sa mas magandang kinabukasan para sa ating mga sarili, pamilya, at kababayan. Ang mga damdaming pagod at bugbog sa pangambang wala nang darating pang umaga sa madilim na panahon ng pagsubok ay muling mag-aalab kung saan ay sisiklab ang apoy at liwanag ng pag-asa.
MAY DARATING na bagong pag-asa sa nanganganib na kapayapaan sa Mindanao. May muling pagkabuhay sa halos namatay na usapang Bangsamoro Basic Law (BBL). Maaaring muling bigyang-puwang sa puso ng mga mambabatas ang paniniwala na iisang kapayapaan ang isinusulong ng BBL, MILF, at ating Saligang Batas. Ang mga pagdududa, galit, at pighati sa damdamin ay naibaon na sa limot ng pagpapatawad dahil sa bagong buhay, bagong pagkabuhay, at muling pagkabuhay.
May bagong pag-asa sa problemang supply ng kuryente. Ang mga nagigipit na planta ng kuryente dahil sa panahon, katandaan ng planta, at kamahalan ng gasolinang ginagamit dito ay may pag-asang makahahanap ng alternatibong paraan ng pagpapalakas at pagkalap ng kinakailangang enerhiyang ipagagamit sa bawat tahanan, kumpanya, at paggawaan sa ating bansa.
Ang problema sa MRT ay mas haharapin natin nang may positibong pagtingin at kakayanin ang ano pa mang pagsubok na darating. Ang mga riles na kailangang palitan ay mapapalitan na at ang mga lumang bagon ay maipaparada na rin dahil mayroon ng mga bagong tren na maaaring gamitin. Malakas na ang aircon at hindi na titirik ang mga tren na ito. Magiging sapat na rin ang mga bagong bagon para sa mga pasaherong araw-araw ay pumipila nang mahaba. Matatapos din ang pagpilang ito at hindi na tatagaktak ang pawis sa ilalim ng init ng panahon dahil sa matagal na pananatili sa pila.
ANG GOBYERNONG Aquino na dagok sa pagsubok ay makababangon din sa mga kritisismo at sisi upang mas makapagbigay-serbisyo sa taong bayan. Ang mga naulilang pamilya ng SAF-commandos at mga bayaning sundalong namatay rin sa bakbakan ng AFP at BIFF ay muling makahahanap ng bagong buhay kung saan ay wala nang pighati at pasakit na babalot sa kanilang mga puso. Isang bagong buhay, isang bagong pag-asa, isang bagong umaga, at isang muling pagkabuhay.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at AksyonTV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo