PASKO NA nga ang pinakapaboritong okasyon ng mga Pilipino, bata man o matanda. Kaya ngayon na halos wala nang isang buwan, Pasko ay muli na namang sasapit, paniguradong lahat ay nananabik na salubungin ito.
Nariyan ‘yung kabilaan na sa daan at sa mga bahay-bahay ang mga nagkikislapang Christmas lights at mga naggagandahang parol. Usung-uso rin ang pagpapatugtog ng mga Christmas songs sa radyo. Nobyembre pa lang, LSS na tayo sa mga kanta ni Jose Mari Chan at Jamie Rivera.
Hindi rin mawawala sa pagdiwang ng Pasko ng mga Pinoy ang mga batang kumakatok at nagdo-doorbell sa mga pintuan upang handugan tayo ng kanta, o sa madaling salita, ang pangangaroling ng mga chikiting. Kaya kung gusto n’yong matawag na mababait, aba… aba… aba, bigyan sila ng aginaldo. Pero kung wala kayong maibibigay at puro patawad na lang, asahan n’yo ang mga linya na “thank you, thank you, ang babarat ninyo, thank you!”.
Dumarami rin sa paligid ang mga nagbebenta ng mga kakanin gaya ng bibingka, puto bumbong, maja blanca, kutsinta at kung anu-ano pa. Siyempre, in na in ‘yun lalo na kapag Pasko dahil sinisimbolo ng mga kakanin na iyon ang pagkakabuklod-buklod at magandang samahan ng pamilyang Pilipino.
Malamang sa malamang, ngayon pa lang, nagkakaroon na ng meeting ang mga class officers ng bawat klase para pag-usapan ang program ng kanilang Christmas party.
Trending na naman ang monito-monita o exchange gift! Alam ko, bukod sa kainan ‘yun ang isa sa pinakapinananabikan ng mga bagets tuwing Christmas party. Boring din ang party kung walang special number. Kaya tuwing Christmas Parties, nakadidiskubre tayo ng mga Talentadong Pinoy o The Voice of the Philippines.
Tuwing magpa-Pasko rin, talagang dinarayo ngayon ang COD o Christmas on Display. Mula noong nasa Cubao pa man ito at hanggang ngayon na nasa Greenhills na, talagang dinadagsa pa rin ito ng mga pamilyang Pinoy.
Trending din ang Lantern Parade sa University of the Philippines, kung saan pinaparada ng mga kolehiyo sa UP ang kanilang sariling gawa na mga parol. At siyempre, hindi puwedeng mawala sa listahan ang kakaibang pagdiwang ng Pasko ng ating mga kaibigan na Tomasino, ang Paskuhan. Ito na nga ang pinakamalaking school party tuwing Pasko.
Tatak Pinoy rin ang pagkakaroon ng Simbang Gabi. Tayo lang ang may tradisyon na ganito kaya naman ispesyal talaga sa bawat isa ang pagkumpleto ng Simbang Gabi. Kahit pa nagkakaroon ng biruan na ginagawang Simbang Tabi ng mga bagets ang tradisyon na ito, nangingibabaw pa rin na ginagawa natin ang tradisyon na ito hindi para makipagkita kung kanino man, kung hindi para magdasal at magpasalamat sa Diyos.
At siyempre, hindi puwedeng mawala sa Paskong Pinoy ang salu-salo ng pamilya. Tuwing Pasko, tila ba nagkakaroon tayo ng grand reunion!
Tuwing Pasko, hindi mahalaga kung ano ang handa sa hapag kainan, hindi na importante kung magkano ang price tag ng mga regalong ibibigay. Dahil tuwing Pasko, makumpleto at makasama lang ang buong Pamilya, ito na ang perpektong paraan para ipagdiwang ang Pasko.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo