PARA SA mga kababayan natin na madalas na lumalabas ng bansa, upang magtrabaho o kahit magbakasyon lang, mahalaga na malaman natin ang mga regulasyon kaugnay sa validity o expiration ng ating mga passport. Ano ang maaaring gawin halimbawang nasa airport ka na nang malaman mo na tatlong buwan na lang pala ang validity ng iyong passport? Maaari ka pa bang makalabas ng bansa para hindi naman masayang ang bayad mo sa tiket ng eroplano at sa hotel du’n sa lugar na iyong pupuntahan? Hindi ka ba haharangin ng mga tauhan ng Bureau of Immigration habang nandito pa sa Pilipinas?
Sa mga nakaranas nang lumabas ng bansa, alam ng karamihan na hindi dapat bababa sa anim na buwan ang validity ng iyong passport upang makabiyahe sa ibang bansa. Ganyan din ang regulasyon dito sa Pilipinas para sa mga dayuhan na naglalayon na pumasok sa ating teritoryo. Ito ang tinatawag na “six-month rule”. Dahil dito, karaniwan na sinisita ng airline companies o ng Bureau of Immigration ang mga kababayan natin na gustong lumabas ng bansa kung mag-e-expire na ang kanilang mga passport sa loob ng anim na buwan. Ngunit, maaari ka pa bang makalabas ng Pilipinas kahit tatlong buwan na lang ang validity ng iyong passport? Ang sagot ay nakasalalay sa bansa na iyong pupuntahan.
‘Yung mahihigpit na bansa kagaya ng China, Singapore, Thailand, India, Malaysia, at Belgium ay nagtatakda na ang validity ng passport ay dapat higit pa sa anim na buwan. Hindi ka papapasukin sa kanilang bansa kung malapit nang mag-expire ang iyong passport. Ganu’npaman, hindi lahat ng bansa ay sumusunod sa “six-month rule”. Ang ibang bansa kagaya ng America, France, at Portugal ay nagtatakda lamang na valid lang ang passport sa panahon ng pagbisita sa kanilang bansa. Samantala, isang buwan na validity lang ng passport ang kinakailangan para makapasok sa Hong Kong.
Ang problema lang, hindi lahat ng mga tauhan ng Immigration dito sa Pilipinas ay alam ang mga regulasyon ng mga bansang nabanggit sa taas. Haharangin ka pa rin nila kapag mababa na sa anim na buwan ang validity ng iyong passport kahit sa Hong Kong ka lang pupunta. Maaari itong ipaliwanag nang mabuti sa kanila at maaari ka nilang papirmahin ng “waiver” na nagsasabing wala silang pananagutan kapag ikaw ay na-deport mula sa bansang iyong pupuntahan. Matapos nu’n, maaari ka nang bumiyahe palabas ng bansa. Siguruhin lamang na magpa-renew na ng passport sa lalong madaling panahon upang makaiwas sa abala.
Maraming salamat sa aking inang si Cristy para sa kaalaman ko sa mga bagay na ito. Maligayang kaarawan din sa aking anak na si Gummy na tatlong taong gulang na ngayong araw.
Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac