HUNYO NA, pasukan na! Marahil ang ilan sa atin ay nagsimula na ang unang araw ng pasukan nila noong June 2 pa lang, ‘yung iba naman ay June 9 at habang ang iba naman ay sinusulit na ang nalalabing araw ng bakasyon dahil sa isang linggo o makalawa, pasukan na rin nila. Kapag pasukan nga naman, ang daming kailangang isaalang-alang. Nariyan ang mga huwag kakalimutan na dapat dalhin. Hindi rin mawawala ang mga dapat asahan sa pagsapit ng pasukan. Nariyan din ang mga dapat at hindi dapat gawin ngayong pasukan na.
Para sa mga kailangang dalhin ngayong pasukan, mabuti nang laging maging handa. Maliban sa mga pangkaraniwan na dapat bitbitin katulad ng notebooks, papel, ballpen, pencil, kakabit na ng buwan ng Hunyo ang pagiging buwan ng tag-ulan. Kaya dahil diyan, mamarapatin lang na magdala ng payong at kapote. Magdala rin ng tsinelas, iwan lang sa locker o kaya sa iyong bag. Dahil din sa panahon na naman ng tag-ulan, uso ngayon ang mga sakit kaya magdala ng mga panangga sa karamdaman gaya ng alcohol at paracetamol. Ayon din sa Department of Health, sa buwan ng Hunyo rin dumarami ang nagiging biktima ng Dengue, kaya ugaliing maglagay ng insect repellant lotion sa katawan at huwag tatambay sa mga maruruming lugar. Iwas-iwas din sa sakit. Mahirap pa namang maka-miss ng klase.
Para naman sa mga dapat asahan ngayong pasukan, tinutukoy ko rito ay parehong maganda at hindi maganda. Asahan ang pagkaaga-agang flag ceremonies; asahan din ang mabigat na daloy ng trapiko; asahan din ang siksikan sa mga LRT at MRT; asahan din ang mahahabang pila sa sakayan. Dahil aasahan n’yo ang mga pangyayaring nabanggit, aasahan din kayo sa mabilis n’yong pagkilos at pagpasok n’yo nang maaga. Bawal ang babagal-bagal. Late ang kaparusahan. Panigurado naman ako na ayaw n’yong maging cleaner nang isang linggo o kaya ayaw n’yo ring mag-community work kaya hangga’t maaari, huwag male-late. Asahan din ang mataas na presyo ng bilihin sa canteen, para makatipid, magbaon na lang o kaya i-budget muna ang allowance na bigay nina mommy and daddy at huwag gasta nang gasta.
Para naman sa dapat gawin ngayong pasukan, iisa lang naman ito kaya lang marami itong sangay-sangay na dapat mo ring gawin. Ang tinutukoy ko ay ang pag-aaral nang mabuti. Ito naman talaga ang pinakarason bakit tayo nasa paaralan, kailangan nating matuto. Para makapag-aral nang mabuti, maraming hindi dapat gawin. Nariyan ang hindi pagbababad sa inyong mga social networking sites gaya ng Facebook, Twitter at Instagram. Hindi rin puwedeng magpuyat dahil sa pagma-marathon ng iyong paboritong TV series. Bawal din ang text nang text. Aral muna bago love life. Kung iniipon mo na lang sana ang pinang-load mo, ano po? Hindi rin puwede ang lakwatsa nang lakwatsa.
Sa mga dapat gawin naman, kailangang mag-advance reading ng mga aralin para hindi mahihirapang makasunod sa lesson ng guro. Kailangan n’yo ring gawin ang takdang aralin agad-agad at ‘di na pinatatagal. Kailangan n’yo ring matulog nang maaga at tamang oras ng pahinga para may sapat na lakas sa pagharap sa araw-araw na pagsusulit sa eskuwela. At, kailangan ding sumunod sa mga alituntunin ng guro at ng inyong mga magulang.
Mga bagets, ang tanging kailangan n’yo lang gawin ay makapagtapos ng pag-aaral kaya pokus muna.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo