ANG MGA bagets sa panahon ngayon ay madaling ma-stress sa mga bagay-bagay. Nangunguna riyan ang stress na nakukuha sa eskuwelahan. Lalo na ngayon, kagagaling lang natin sa halos dalawang buwan ng pagiging bakasyon grande. Panigurado, nakai-stress kaagad ang tambak ng samu’t saring deadlines ng mga proyekto, takdang araling, pagsusulit, at reporting. Naku! Lakas talagang makapagdulot ng stress niyan sa mga bagets ngayon.
Nariyan din ang stress na nakukuha sa insecurities sa katawan. Aminin n’yo, nai-stress kayo kapag may pimples kayo, kapag tumataba kayo, kapag umiitim kayo, kapag nag-fly away ang buhok n’yo, at kapag ang liit n’yo… tama ako ‘di ba? Nariyan din ang stress na nakukuha natin sa ating mga “love interest” kung tawagin. Nai-stress kayo sa jowa n’yong matampuhin. Nai-stress kayo sa nililigawan n’yong pakipot. Ang matindi pa riyan, kahit ‘di mo pa kilala iyong tinitipuhan mo, nai-stress ka na dahil natotorpe ka kapag nariyan na siya.
Paano mo nga naman siya makikilala kung pinangungunahan ka ng hiya. Tapos, may sumalisi sa iyo na may gusto rin sa kanya. Lagot, stress talaga ‘yan! Kahit anong uri pa ng stress ang kinahaharap ninyo, isa lang ang nagiging epekto niyan na in na in sa mga bagets ngayon… ang pagtaba dulot ng pagiging stress eater.
Paano nga ba maiiwasan ang pagiging stress eater? O iyong “emotional eating” din na tinatawag? Kung ‘di n’yo pa alam, hayaan n’yong bigyan ko kayo ng tips na talaga namang epektib!
Pagkain ng potato chips, mani, at snack mix
Base sa isang artikulo na aking nabasa, ayon kay Susan Albers, isang psychologist, kapag tayo ay galit dulot ng sobrang stress, natural sa katawan natin ang magtakam sa kahit anong crunchy at maalat-alat na pagkain. Kaya, imbes na chichirya tulad ng mga cheese curls ang kainin na talaga nga namang nakatataba, palitan na lang ito ng potato chips, mani, at snack mix.
Maglibang
Kapag napakataas ng adrenaline rush mo dulot ng sobrang stress. Imbes na kumain ka ng mga tsokolate na pampakalma o kaya magkulong sa kuwarto habang nguya nang nguya, bakit hindi mo subukang maglibang? Iyong tipong, maghahanap ka ng ibang pagkakaabalahan na iyong kumikilos o gumagalaw ka tulad ng pagdya-jogging, pamamasyal, at paglalaro ng Wii o Xbox. Epektibong solusyon iyon para ‘di mo maisip na umupo na lang sa isang tabi at kumain ng iyong mga comfort food.
Food swapping
Kapag sinabing stress, kaakibat na nito ang pagkain ng ice cream. Ito ay dahil sa ang ice cream ay may kakaibang pampakalma na talaga nga namang pinatunayan na ng mga research. Kaya nga lang, ang ice cream ay napakatamis na nakatataba. Paano kung araw-araw kayong stressed dahil araw-araw kayong pumapasok, so… araw-araw rin kayong kakain ng ice cream? Tiyak na tataba ka talaga kapag ginawa mo iyan. Kaya ang maganda diyan, imbes na ice cream, bakit hindi mo subukang palitan ito ng yogurt o all natural fruit shakes?
Iilan lamang ‘yan sa mga tips na makapag-iiwas sa iyo sa pagiging stress eater. Pero ang pinakamagandang solusyon pa rin diyan ay ang ikaw mismo ang tutulong sa sarili mo. Dapat maging positibo ka sa buhay at huwag mong ituring na stress ang isang bagay. Minsan din kasi, kahit hindi naman talaga nakai-stress pero may mind set tayo na “P’re, nakai-stress naman iyan” mai-stress ka talaga. Huwag masyadong nega, mga kapatid! Tandaan, ang stress ay nasa isip lang iyan!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo