Pasyenteng Ayaw Palabasin sa Ospital

Dear Atty. Acosta,

GOOD MORNING po. May tanong lang po ako tungkol sa aming sitwasyon ngayon. Naaksidente po ang asawa ko. 45 araw na po kami sa ospital. Na-amputate po ang kaliwang hita ng asawa ko hanggang singit. Sa dami ng ginastos po namin sa gamot at sa dugong isinalin sa kanya, naubos ang aming ipon na Php350,000.00. Ngayon po, p’wede na siyang umuwi pero idi-discharge lang daw po siya kung babayaran namin ang professional fee ng doktor na Php592,000.00. Dahil po sa walang-wala na talaga kaming pambayad, nakiusap po ako kung p’wedeng installment. Maaari po bang i-detain ang pasyente gayong nakikiusap naman po kami at handang pumirma ng promissory note? Hindi naman po kami tumatakas sa aming obligasyon. Sana matulungan po ninyo kami sa aming problema.

Len

 

Dear Len,

KAMI AY nahahabag sa sinapit ng iyong asawa. Gayunpaman, hindi dapat mawalan ng pag-asa sa kabila ng nangyari. Sa halip, patuloy ang paglaban sa buhay. Kaugnay nito, nais naming ipabatid sa iyo na hindi naaayon sa batas ang pagde-detine sa isang pasyente ng isang ospital na ang dahilan lamang ay hindi nabayaran ng pasyente ang kanyang bill sa ospital.

Ang Republic Act No. 9439 o mas kilala sa tawag na “Anti-Hospital Detention Law” ay ang pinakabago nating batas na nagbabawal sa mga ospital at medical clinics na mag-detine ng mga pasyente sa kadahilanang hindi mabayaran ang mga bayarin sa hospital at medical expenses.

Nakasaad sa Section 2 ng nasabing batas na:

SEC. 2. Patients who have fully or partially recovered and who already wish to leave the hospital or medical clinic but are financially incapable to settle, in part or in full, their hospitalization expenses, including professional fees and medicines, shall be allowed to leave the hospital or medical clinic, with a right to demand the issuance of the corresponding medical certificate and other pertinent papers required for the release of the patient from the hospital or medical clinic upon the execution of a promissory note covering the unpaid obligation. The promissory note shall be secured by either a mortgage or by a guarantee of a co-maker, who will be jointly and severally liable with the patient for the unpaid obligation. In the case of a deceased patient, the corresponding death certificate and other documents required for interment and other purposes shall be released to any of his surviving relatives requesting for the same: Provided, however, That patients who stayed in private rooms shall not be covered by this Act.

Malinaw sa nabanggit na batas na hindi maaaring pigilan ng ospital ang paglabas ng iyong asawa kung siya ay magaling na at p’wede na talagang ilabas ayon sa kanyang doktor at kung ang iyong asawa ay hindi sa isang pribadong kwarto namalagi. Ang ta-

nging dapat ninyong gawin ay magbigay ng promissory note kung saan inyong ipinapangakong babayaran ang balanse sa ospital. Kung sakaling hindi pumayag ang ospital, maaari ninyong kasuhan ang mga taong lumabag sa nasabing batas sa hukuman. Dagdag pa rito, maaari rin kayong magsampa ng Petition for Writ of Habeas Corpus upang makalabas ng ospital ang iyong asawa.

Kung wala kang kakayahang kumuha ng pribadong abogado para sa pagsampa ng mga nabanggit na kaso, maaari kang magsadya sa aming District o Regional Office na malapit sa lugar kung saan naroon ang nasabing ospital upang matulungan ka ng a-

ming tanggapan (Public Attorney’s Office). Kalimitang matatagpuan ang aming mga District o Regional Office sa Hall of Justice ng City o Municipal Hall ng bawat bayan. Pakidala na lamang ang mga mahaha-lagang dokumento tulad ng hospital bills at medical record ng iyong asawa.

Nawa ay nabigyang kasagutan namin ang inyong katanungan.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous article(Papa P Vs Mega Star)
Next articleAljur Abrenica, laging isinasama si Kylie Padilla sa mga desisyon niya

No posts to display