Patas ba si Sen. Drilon?

IMPEACHMENT, ANG kahulugan nito sa wikang Tagalog ay akusasyon, kaya nga sa Impeachment o akusasyon laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona ay kasalukuyang isinasagawa sa Senado ang Impeachment Trial o Pagdinig sa Akusasyon upang mapatunayan kung talagang nararapat ngang sibakin o dapat bang manatili sa puwesto ang inaakusahang si Corona.

Kulang, parekoy, ang espasyo natin kung iisa-isahin ang mga nilalaman sa Articles of Impeachment na isinumite ng mga kongresista laban kay Corona.

Sa batas, ang walong akusasyon na kanilang inihain at kasalukuyang pinatutunayan sa nasabing pagdinig, kung may isa man lang sa mga ito ang mapatunayang totoo ay sapat na para masibak ang Punong Mahistrado.

Dahil ito ay maliwanag na “betrayal of public trust”.

Sa wikang Tagalog, panlilinlang sa tiwala ng publiko!

Sa salitang kanto, panghuhudas! As in, panlilinlang ni Hudas sa ating Panginoong Hesukristo!

Unawain natin, parekoy, ang isang opisyal ng pamahalaan ay iniluklok sa puwesto upang gampanan ang tungkulin na iniatang sa kanya sang-ayon sa ating mga umiiral na batas.

Sinumang hindi na gumanap ng naaayon sa batas sa kanyang sinumpaang tungkulin ay maliwanag na nanghudas sa tiwala ng publiko!

Huwag nating kaligtaan na sa nagaganap na paglilitis sa Senado ay hindi lamang si Corona ang nakasalang, kundi maging ang kredibilidad ng bawat senador.

Lahat ng senador ay nanumpa bilang “senator-judge” o senador-hukom dito sa Impeachment Trial.

At lahat sila ay nanumpa, na bilang mga hukom ay nararapat lamang na bawat isa sa kanila ay maging parehas, patas at walang kinikilingan.

In short, neutral or impartial!

Katumbas ito, parekoy, sa salitang nanumpa sila sa batas at sa publiko na bilang mga hukom sa Impeachment Trial ay nararapat lamang na sila ay maging impartial o walang kinikilingan.

Op-kors, nagtitiwala ang publiko dito sa kanilang pinanumpaan.

Na sa sandaling kumiling ang sino man sa mga senador-hukom na ito, pabor man o kontra sa akusado ay maliwanag na “betrayal of public trust”.

Sa madaling salita, panlilinlang sa tiwala ng publiko. Sa kantong pananalita, panghuhudas sa publiko!

Sa panahong ito, ini-impeach o inaakusahan ng “defense team” ni Corona si senador-hukom Franklin Drilon na kumikiling na umano ito laban kay Corona at pabor sa prosecution.

Ang pananaw na ito ng tribu ni Corona sa pa-ngunguna ni dating Supreme Court Associate Justice Serafin Cuevas ay may kaugnay na pananaw mula sa publiko na nagsusuri sa kaganapan sa Senado.

Si dating Senador Francisco “Kit” Tatad na may malalim ring pang-unawa sa ating mga batas ay may kahalintulad na opinyon. Na hindi na patas, hindi na neutral o impartial si Sen. Franklin Drilon.

Kaya nga, noong Huwebes ay pinuna ni Tatad si Drilon hinggil sa impartiality o cold neutrality na siyang nararapat makita ng publiko mula kay Drilon at/o bawat senador-hukom.

Dapat sigurong magsilbing “wake-up call” kay Sen. Drilon ang pangyayaring ito upang maituwid ang mga bagay na maaaring maghatid sa taumbayan tungo sa isang opinyon.

Na siya ay guilty rin sa “betrayal of public trust”. O sa salitang kanto, “panghuhudas sa publiko”!

Sabi nga ni Senate President Juan Ponce Enrile, “reform your question”.

As in, umayos ka! Hak, hak, hak!

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood din ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09321688734. 

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleDirect Hire—Dadaan pa ba sa POEA?
Next articleBawal Umihi Dito

No posts to display