Patay na ang Reklamo, May Kaso pa ba?

Dear Atty. Acosta,

AKO PO ay sinampahan ng kasong Serious Physical Injuries noong 2007. Ngunit noong 2009, namatay sa isang aksidente ang taong naghabla sa akin. Sa kanyang pagkamatay, inisip kong tapos na ang kaso ngunit nabalitaan ko na lang na may Warrant of Arrest ako. Maaari po bang umusad ang kaso kahit patay na ang nagreklamo?

Edmundo

 

Dear Edmundo,

SA KASONG Serious Physical Injuries, ang biktima ay nagsusumite ng isang Complaint-Affidavit sa Office of the City Prosecutor o Office of the Provincial Prosecutor ng lugar kung saan naganap ang krimen upang isalaysay ang pangyayari kaugnay ng krimeng naganap. Kalakip ng Complaint-Affidavit ang supporting documents at salaysay ng mga testigo. Kung may sapat na edibensiya upang isipin na maaaring may naganap na krimen ayon sa reklamo at ang inirereklamo ang maaaring gumawa ng krimen, ihahanda ng piskal ang kaukulang Information na isasampa sa korte (Rule 112, Rules of Court).

Mapapansin natin sa mga kasong kriminal na ang complainant ay ang People of the Philippines at hindi pangalan ng mismong biktima. Ang estado ang tumatayong complainant sa kasong kriminal dahil ang paggawa ng krimen ay itinuturing na insulto sa kapayapaan at katahimikan ng nakararaming mamamayan ng bansa. Ang tao na naging biktima ay nagiging pangunahing testigo lamang sa krimeng nagawa laban sa kanya (Tan, Jr. v. Gallardo, 73 SCRA 306). Sa kadahilanang ito, maaari pa ring umusad ang kaso kahit na wala na ang biktima o kung hindi na siya interesado na isulong ito. Maaari pa ring maparusahan kahit patay na ang nagreklamo lalo na kung may iba pang ebidensya para patunayan ang pagkakasala ng akusado sa krimen, katulad na lang ng pagkakaroon ng “eye witness” sa pangyayari.

Sa kabilang dako, malaki ang posibilidad na mapawalang-sala ang akusado kapag hindi makakapagtestigo ang biktima dahil wala nang sapat at mabigat na ebidensiya upang idiin ang akusado sa krimeng sinasabing ginawa niya. Maaari ring hingin ng piskal sa korte na ibasura na ang kaso kung sa tingin niya ay hindi na mapapatunayan ang pananagutan ng akusado.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleLihis ni Direk Joel Lamangan, most applauded sa Sineng Pambansa
Next articleJose Manalo, iwas ding magkomento sa sex video scandal ng ka-tandem na si Wally Bayola

No posts to display