MATATAPOS ANG araw at piyesta ng mga patay pero tiyak na hindi pa rin uusad ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Kongreso. Sinabi nga ni Senador Marcos na isang malamig na bangkay na lamang ang BBL. Sa kabilang dako naman, kailan lamang ay sinumite ni Cagayan De Oro Representative, Rufus Rodriguez ang bagong bersyon ng BBL na ngayon ay Basic Law on the Bangsamoro Autonomous Region (BLBAR). Aabot sa 48 unconstitutional provisions ang inalis mula sa BBL kaya sa tinghin ng MILF ay isang bago at ibang-iba na BBL ito at hindi nila ito kayang tanggapin.
Sa kabila nito ay umaasa pa rin si Rep. Rodriguez na babangon ito sa hukay sa Nov. 3 kapag nagbalik na ang mga kongresista mula sa masarap nilang baksayon. Ang deliberasyon para sa BLBAR ay nakatakda sa November 3 at Dec. 16, bago pa muling magbakasyon at magpasarap ang mga kongresista para sa Kapaskuhan. Kung makakukuha sila ng quorum ay mukang may konting pag-asa pang nalalabi para maipasa ito sa Kongreso at tuluyan nang maging isang ganap na batas.
Para kay Senador Marcos, hindi sapat ang oras at panahon para mapag-usapan nang husto ang BBL sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso. Ito ay dala ng iba pang mga usapin na mas importanteng talakayain at tapusin gaya ng 2016 budget na aabot sa 3 trilyong piso. Ipinunto rin ni Marcos na mahaba-haba pa ang tatakbuhin ng BBL dahil wala pa sa proseso ng amendments ang Senado at Kongreso. Isang mahabang balitaktakan pa ang mangyayari sa proseso ng interpellations para usisain ang mga provisions nito.
SI SEN. Marcos ay mayroon ding sariling bersyon ng BBL at tinawag niya itong isang substitute bill. Ayon sa kanya ay sasagutin nito ang mga kakulangan ng naunang bersyon ng BBL. Ngunit tila huli na ang lahat para sa alternative bill na ito dahil inabot na si Marcos ng deadline. Ang iba’t ibang mungkahing bersyon din ang nagpaptagal para maipasa ang BBL at hindi pa rin na gagarantiyahan ang pagsasabatas dito matapos na matapyas ang 48 probisyon nito.
Maging ang Moro Islamic Liberation Fronmt (MILF) ay hindi rin umaayon sa bagong porma ng BBL. Para sa kanila ay hindi nakakamit ng bagong BBL ang mga napagkasunduan ng gobyerno at MILF na kanilang hinabi noong sinisimulan pa lamang ang BBL sa ilalim ng nilikhang Bangsamoro peace panel committee ng pamahalaang Aquino.
Si Pangulong Aquino naman ay patuloy na umaasang maisasabatas ang BBL bago siya bumaba sa puwesto. Maraming mga nagsasabi na ang BBL ang itinuturing na legasiyang iiwan ni PNoy sa kanyang termino. Ngunit, sa kasamaang palad ay tila nanganganib na maunsiyami pa ang pangarap na ito ni PNoy. Isang Marcos na naman ba ang pipigil sa pangarap ng isang Aquino?
ANG DARATING na eleksyon sa Mayo pagpasok ng 2016 ay isa pang malaking hadlang para maisabatas ang BBL. Tiyak na mas makupad pa sa pagong ang pagdating ng mga kongresista sa mga pagdinig sa Kongreso dahil abala na ang mga pulitiko sa pamumulitika. Kailangan nilang tiyakin na sa susunod na botohan ay mananatili sila sa kanilang mga puwesto dahil dito nakatali ang kanilang mga kabuhayan.
Dito rin natin makikita sa ganitong mga pagkakataon na ang karamihan sa mga kongresista ay hindi seryoso sa kanilang mga trabaho. Talagang uunahin nila ang pangangampanya para sa sarili kaysa sa kanilang trabaho bilang mga mambabatas at lalong hindi rin nila uunahin ang kapakanan ng mga kababayan nating apektado sa matagal nang giyera sa Mindanao. Dapat sana nilang isipin na ito ay isang malaking tulong para sa mga kapatid nating Muslim sa Mindanao.
Ang pinakapinangangambahan ng MILF ay baka sa susunod na administrasyon ay makalimutan na ang lahat ng hirap nila sa pagbuo nitong BBL. Baka mauwi na naman sa wala ang mga sakripisyong naibuhos dito sa BBL. Kung tutuusin ay maraming buhay na ang naipuhunan dito at maraming mga batang umaasang gaganda na ang kanilang buhay kung maisasabatas ito.
MATAGAL NANG nakikibaka ang mga kapatid nating Muslim para sa kanilang karapatan bilang isang grupo na may sariling identidad. Dapat ay respetuhin natin ito. Panahon na para ipagkaloob natin sa kanila ang kulturang gusto nila pagyamanin. Ibigay natin sa kanila ang kanilang pagpapahalaga sa makalumang kulturang kanilang nais panatilihing buhay. Huwag natin ipagkait ang mga karangalan, kapangyarihan, at katawagang nagpapayaman sa mga konseptong Datu at Raja na tila mga kaluluwang nagpapatuloy ng kanilang pagdaloy sa mundong ito.
Iregalo na sana ng mga mambabatas natin sa mga kapatid nating Muslim ang pagpasa ng BBL bago sumapit ang Pasko. Dito natin maipapadama, bilang mga Kristiyano, ang tunay na kahulugan ng kapatiran sa ilalim ng iisang Diyos na sinasamba nating lahat.
Sa huli ay tiyak na tayong lahat ang makikinabang sa kapayapaang dulot ng BBL. Ang ekonomiya natin ay lalong sisigla sa oras na makapasok ang mga mamumuhunan sa Mindanao at makapagbigay ng mga trabaho sa mga naninirahan doon. Huwag sana nating patayin ang BBL. Bagkus ay buhayin natin ito sa pamamagitan ng pagsasabatas nito bago paman sumapit sana ang Pasko!
Shooting Range
Raffy Tulfo