DAHIL SA pinauso ng dalawang dalagita sa isang social media na tinaguriang “mga pa-bebe” marami nang mga parody ang nilikha mula rito. Nagkaroon ito ng mga iba’t ibang bersyon gaya ng “pa-beki” na isang parodiya ng mga nabibilang sa third sex, at ang parodiya ng dalawang matabang babae na “pa-baboy”.
Hindi naman pahuhuli ang tema ng mga nagaganap na pulitikahan sa lipunan natin ngayon na tatawagin kong ang pa-pepe: patayan, pera, at eleksyon sa Pilipinas.
Isang nakakikilabot na P32.4-B ang maaaring magastos ng ating gobyerno sa darating na eleksyon sa 2016 at ito ay bunga ng napipintong rekomendasyon ng administrasyong Aquino para sa budget ng Commission on Elections (COMELEC) para sa 2016 na aabot sa P15.6 billion.
Kung idadagdag ang P16.8 billion na budget ng COMELEC ngayong taong 2015 ay susuma ito sa P32.4 billion. Ito ang ibinulgar ni Senator Francis Escudero na Senate Finance Committee Chairman.
MALAKING PERA ang inilalabas ng pamahalaan sa paglalagay ng mga elected officials kada 3 taon kung ikukumpara ito sa ginagastos ng pamahalaan para sa transportasyon ng mahigit kalahating milyong tao kada araw.
Hindi ba malaking kalokohan ito? Ang mas nakaaalarma ay taun-taon na lamang at tuwing sasapit ang eleksyon ay palaki nang palaki ang ginagastang pera para sa eleksyon.
Maraming mga sektor sa gobyerno ang mas nangangailangan ng pondo gaya ng edukasyon. Mas pakikinabangan pa ng pamahalaan at bayan ang mga talinong pinayayabong ng edukasyon kaysa mga pulitikong nakakukuha pa rin ng puwesto sa gobyerno.
Kalaunan ay pagnanakawan lang tayo ng mga abusadong nahalal na pulitiko, na ginastusan natin ng bilyun-bilyong piso para sa eleksyon nila.
ELEKSYON DIN ang nagdala sa hukay sa mga miyembro ng media na nag-escort sa mga kaanak ni Esmael Mangudadatu na maghahain sana ng certificate of candidacy, na pinaghihinalaang pinaslang ng mga Ampatuan.
Ito ay pinakamalaking kaso ng pagpatay na may kinalaman sa eleksyon o tinatawag na election violence. Ang Maguindanao massacre ay bumilang na ng maraming taon ngunit hanggang ngayon ay mailap pa rin ang hustisya sa pamilya ng mga biktima, lalo na ang mga naiwang pamilya ng taga-media.
Ngayong namatay na sa sakit, diumano ayon sa kanyang mga abogado, si Andal Ampatuan Sr., tuluyan na nga bang maibabaon sa limot at hukay ni Andal Sr. ang hustisyang hinihintay ng mga kaanak ng biktima?
Ayon sa isang jurisprudence at pati na rin sa isinasaad ng ating Saligang Batas, ang natural death o pagkamatay ng akusado, gaya ni Andal Sr., ay itinuturing na rin na pagka- dissolved ng kaso dahil ang “death”ay itinuturing na “the ultimate punishment.”
Ang problema at agam-agam ng mga naiwang pamilya ng mga biktima ay paano na ang civil case laban kay Andal Ampatuan Sr.? Paano na mababayaran ni Andal Sr. ang moral damages para sa mga pamilya ng biktima kung magkakataong mahatulan ng guilty si Andal Sr.
Nangako naman ang Department of Justice (DOJ) na itutuloy ang civil case laban Andal Sr. kahit namatay na siya. Sana lang ay mapabilis na ang pagresolba sa kaso ng Maguindanao massacre dahil baka ang susunod na mamatay ay ang mga kaanak ng biktima at hindi na nila masilyan ang hustisyang kanilang inaasam-asam.
MAY MGA ugong-ugong naman na balita na baka pineke lang umano ang pagkamatay ni Andal Sr. Napakalaking ginhawa naman ang matatamasa ni Andal Sr. kung sakaling totoo ang kumakalat na hinala. Sa ganitong paraan na lang marahil maaaring lusutan ni Andal Sr. ang hinaharap na asunto, dahil tiyak naman na sa likod ng rehas ang kanyang mga huling araw sa mundo. Paano nga ba matitiyak ng pamahalaan kung totoo ang kamatayan ni Andal Sr. o peke lamang?
Ito naman ang halos nagkakalapit na kapalaran ng mga pulis at sundalo sa Pilipinas. Ang ‘rub out’ay hindi na bago sa Pilipinas. Kadalasan ay ginagamit ito upang mapagtakpan ang isa pang krimen. Isa itong paraan para patahimikin nang habang buhay ang mga maaaring magsangkot sa isang tiwaling pulis. Bakit ba tila lagi na lamang ganito gustong tingnan ng mga tao sa paligid ang sitwasyong kahalintulad ng nakunan ng isang CCTV ng Lungsod ng Maynila.
Bakit kung ang mga pulis o sundalo ang nakataas na ang kamay ay binabaril pa rin ng mga kalaban, gaya na lang ng nangyari sa Mamasapano massacre, at pilit itong binibigyang pag-unawa, kaakibat ang iba’t ibang paliwanag gaya ng ito ay encounter, misyon na walang koordinasyon sa MILF, etc. Pero kung ang mga kriminal ang nalalagay sa ganitong sitwasyon ay ipinagtatanggol pa ang mga ito at napagbibintangan pa ang sundalo at pulis na “rub out” ang nangyari.
DAPAT AY parusahan talaga ang mga nasasangkot na pulis na ito sa isang ‘rub out’ para hindi na sila pamarisan. Ngunit dapat ding pag-aralan nang husto ang konteksto ng “rub out”. Maaaring malinaw pa sa sikat ng araw ang nakuhang footage ng CCTV, kung saan binaril ng pulis ang isang suspect habang sumusuko na ito at nagtataas ng kamay, ngunit hindi natin alam ang konteksto nito. Maaaring may sinasabi ang kriminal sa umaarestong pulis na nagdala sa pulis upang magdesisyon na dapat niyang kalabitin ang gatilyo.
Malinaw naman sa protocol ng PNP at ng iba pang organisasyong pang-militar, sa Pilipinas man o sa ibang bansa, na hindi dapat barilin at patayin ang isang suspect na sumusuko na sa pulisya.
Kaya rin hindi basta-basta babalewalain ito ng isang pulis, puwera na lamang kung siya ay napilitan dahil sa isang makatuwirang aspeto na nagdala sa kanya upang isiping dapat na siyang magpaputok ng baril. Sa pagkakataong ito, dapat naman sigurong tingnan nang maigi ng bagong PNP Chief ang kontekto ng mga pulis na nasangkot at kanilang kapakanan.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay mapapanood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo