ISANG PARI ang dumulog sa tanggapan ng T3 Reload noong nakaraang Miyerkules upang isumbong ang nangyaring panunutok at pagpapaputok sa kanya ng baril ng barumbadong pulis na nakilalang si PO3 Dennis Dela Cruz ng Molave Police Station sa Zamboanga del Sur.
Ayon kay Rev. Father Mario Sarsaba ng San Isidro Labrador Parish Church, nagkukuwentuhan sila ng kanyang mga kaibigan noong ha-tinggabi ng May 18 nang biglang nanghimasok ang isang nakasibilyang pulis sa bahay na kanilang kinaroroonan na tila may hinahanap na tao.
Walang pakundangan, magagaspang na komento ang lumabas sa bunganga ng balasubas na pulis bago ito umalis. Hindi siya pinatulan ng mga taong binastos niya.
Makaraan ang ilang minuto, lumabas si Father Mario kasama ang isang kaibigan para bumili ng balut – dito muli nilang naka-engkuwentro si Dela Cruz. Pero agad naman nila itong iniwasan.
HINDI PA man sila gaanong nakalalayo, narinig nila ang sigaw ng pulis na, “pisting yawaa kang pare, dili ako Katoliko.” Kasunod noon, nagpaputok ng tatlong beses si Dela Cruz.
Humarap si Father Mario sa gawi ng pulis at nakita niyang sa kanya nakaumang ang baril nito. Pinaputukan siya ng makailang beses pa ni Dela Cruz habang siya ay mabilis na umaatras. Mapalad namang hindi siya tinamaan.
Pero nang wala ng maatrasan at mapagkublihan si Father Mario, nakipagbuno siya kay Dela Cruz sa takot na mu-ling maiputok nito ang baril at may madamay pang ibang tao. Dahil doon, tumalsik ang baril ni Dela Cruz at hindi na nakapalag ito hanggang sa dumating ang rumespondeng mga pulis.
DINALA SILA pareho sa presinto. Pagdating doon, laking gulat ni Father Mario nang maramdaman niyang hindi pinapansin ng mga pulis ang kanyang reklamo laban kay Dela Cruz. Hindi rin nila kinumpiska ang baril nito sang-ayon sa COMELEC gun ban na umiiral sa mga panahong iyon.
Ang mas lalo pang ikinasama ng loob ni Father Mario ay nang malaman niyang kinabukasan nagdyu-duty pa rin si Dela Cruz na parang walang nangyari.
Hindi binigyan ng karampatang aksyon ng Chief of Police ng Molave na si P/Supt. Christine Sorrosa Tan ang ginawang kabulastugan ng kanyang tauhan. Ang matindi pa rito nga-yon, si Father Mario ang sinampahan ng patung-patong na mga kaso tulad ng “direct assault”, “challenging a person in authority to a duel” at “robbery” ng barumbadong pulis.
SINUBUKAN NAMING kunin ang panig nila Dela Cruz at ang kanyang hepeng si Tan ngunit tumanggi silang magbigay ng kanilang pahayag.
Nakapanayam naman namin ang PNP Provincial Director ng Zamboanga del Sur na si PS/Supt. Thomas Abellar at kanyang sinabing iimbestigahan at gagawan ng karampatang aksyon ang reklamo ni Father Mario laban kay PO3 Dennis Dela Cruz.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM. Ang WSR ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41.
Napanonood din ang inyong lingkod sa T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong at reklamo, mag-text sa 0908-87-TULFO at sa 0917-7-WANTED. Maaari ring magsadya sa WSR Action Center na matatagpuan sa 163-E Mother Ignacia Avenue, Brgy. South Triangle, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo