TAMANG-TAMA, huling araw ng Enero, ibig sabihin, papasok na ang Pebrero, buwan ng pag-ibig. May naisip ka na ba kung saan mo dadalhin ang iyong special someone? O kung bitter ka naman dahil NBSB o NGSB ka, mag-date na lang kayo ng barkada? O i-date mo ang iyong pamilya? Saan n’yo nga ba puwedeng ipagdiwang ang Araw ng Mga Puso? May naisip ka na ba? Aba, aba, aba… ako mayroon na! Mayroon ka pang 15 na araw para mag-ipon para ipasyal at i-treat ang iyong mga mahal sa buhay sa mga patok na patok na mga restaurants dito lang sa Quezon City.
Anu-ano nga ba ito?
- Casa Verde
Ang Casa Verde ay puwedeng puntahan sa UP Town Center. Ito ay isang uri ng American style restaurant kung saan sikat na sikat ang kanilang giant milkshake, Brian’s Rib, the Mighty Ton and Death by Chocolate. Ang Casa Verde ay nababagay sa mga magbabarkada at magpapamilya na magsasalu-salo sa darating na February 14 dahil good for sharing lagi ang mga orders dito.
- Señor Pollo
Ang Señor Pollo naman ay matatagpuan sa Scout Rallos. Ito ay isang Latin inspired restaurant. Kilalang-kilala ito sa kanilang Famous Latin Chicken. At kung ikaw naman ay first timer sa Señor Pollo, bukod sa Famous Latin Chicken, subukan din ang kanilang Roast Chicken with Spicy Rice and Chimichuri on the sides. ‘Yun nga lang, siguraduhin n’yo na huwag na kayong magdala ng sasakyan para hindi na maabala sa parking.
- RUB Ribs and BBQ
Kung puno man ang Señor Pollo sa Scout Rallos, sa Rub na lang kayo magtungo, gaya ng Señor Pollo, ribs din ang iyong kainin doon. Subukan ang kanilang Raki’s BBQ Ribs with spice fried rice at Pizzadilla. Samahan mo rin ng fried oreos bilang dessert.
- Bannaple Pies and Cheesecakes
Ang Bannaple ay maraming branches dito sa Maynila. May mga branches rin ito sa mga malls gaya sa SM North EDSA. Ang nasabing restaurant ay isang uri ng dessert cafe. Sine-serve dito ang mga freshly baked pies at cheesecakes. Kapag kayo ay dumayo rito, suguraduhin n’yo na kalilimutan n’yo munang mag-diet at subukan ang Banoffee Pie at Apple Caramel Crumble Pie. Sa tuwing pupunta kayo sa Bannaple, siguraduhin n’yo lang na agahan ninyo dahil laging nagkakaubusan ng mga upuan dahil dinudumog agad ito ng mga tao.
- Cyma
Kung gusto n’yo ng kakaiba, subukan ang Cyma na matatagpuan sa Trinoma Mall. Ito ay isang Greek and Mediterranean inspired restaurant. Subukan ang kanilang mga flavorful at flaming dishes gaya ng Rola Salata Salad, Moussaka at Cyma Lamb Chops. ‘Yun nga lang, ‘pag nag-to go ka o nag-take out, sasabihin ko na sa inyo na may karagdagang singil ito.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo