HINDI LANG pala ang pagbalik sa pag-arte ang totoong dahilan kung bakit umuwi ng Pilipinas si Patricia Javier kasama ang kanyang asawa at 2 anak na lalaki.
“Gusto ko ulit mag-work, gusto kong bumalik sa pag-arte at thankful nga ako sa Dreamscape at sa ABS-CBN kasi kinuha nila ako sa Doble Kara. Pero may iba pang dahilan kung bakit kami nandito sa Pilipinas ngayon ng mga anak ko at kung bakit nag-decide kami ng asawa ko na rito na mag-stay for good.
“Bilang mother kasi, iisipin mo talaga ‘yung kapakanan ng mga anak mo, ‘di ba? Iba kasi sa Amerika, ibang magpalaki do’n ng mga anak. Eh, 2 boys ang mga anak ko… medyo nakakatakot,” pahayag ni Patricia.
“Kasi do’n, parang natakot ako in a way na ‘yung mga bata, bata pa lang… alam mo ‘yon, ‘yung tipong sumasagot na sila sa mga magulang nila. Tapos puwede ko silang mapagalitan. Kasi do’n, pag pinagalitan mo ang bata magsusumbong sa kaklase, tapos lagot kaming mag-asawa, lagot ako, eh, dinidisiplina mo lang naman,” paliwanag pa niya.
“At saka, kasi gusto kong matutunan nila yung “po” at “opo”, ganyan. Ayokong tawagin ako ng anak kong Patricia, ‘di ba?” dagdag pa niya.
Naintindihan daw naman ng asawa niya ang desisyon niyang sa Pilipinas palakihin ang mga anak kaya ibinenta na nila lahat ng properties sa Amerika para rito na magsimula ng panibagong buhay.
BILIB KAMI sa effort na ginagawa ng ABS-CBN para i-restore ang ilang natitirang classic films na hindi na inabutan ng mga younger generation tulad ng Karnal, Oro Plata Mata, T-Bird At Ako, Hindi Nahahati Ang Langit, at marami pang iba. Sa kauna-unahang pagkakataon, ipalalabas din sa publiko ang iba pang restored films sa Rockwell Cinemas.
Nagsimula na ang one week run sa Rockwell ng ilang classic films nu’ng Miyerkules (Aug. 26) at matatapos ito sa Sept. 1 (Tuesday). Naka-schedule na ipalabas dito ang Sana Maulit Muli, One More Chance, Got To Believe, Tanging Yaman, at iba pa.
“Natutuwa kami na nakikiisa ang Rockwell sa aming proyekto. Sana ay simula pa lang ito ng marami pang exhibitions naman ng restored films,” sabi ni Leo Katigbak, head ng ABS-CBN Film Archives and Restoration.
Taong 2011 nang simulan ng ABS-CBN Film Restoration Project ang pagre-restore ng classic films para mapanatiling buhay ang cinematic history ng mga Pilipino. Katuwang ang Central Digital Lab, ito ang pinakaunang restoration na ginawa mismo sa bansa.
Higit 100 titulo na ang nai-restore ng ABS-CBN Film Restoration Project, kung saan ilan sa mga ito ay naipalabas na sa international film fests, naipalabas sa bansa via red carpet premieres, naere sa free-to-air at cable television, natunghayan sa pay-per-view at video-on-demand, nabili sa DVD, at na-download maging sa iTunes.
Para sa mga gustong ulitin ang pelikulang Sana Maulit Muli nina Aga Muhlach at Lea Salonga at ang One More Chance nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz, catch it again sa Rockwell Cinema.
La Boka
by Leo Bukas