SINA KRISTINE AT Clarisse Patrimonio ay balik-eskuwela na, kung saan muling mag-aaral ang dalawa sa National University. Kinuha ang dalawang tennis player ng naturang unibersidad. Ito ang mga babae sa buhay ni Alvin Patrimonio, ang kanyang mga anak na sumunod sa kanyang yapak. Hindi nga lamang sa larangan ng basketball, kundi sa paglalaro ng tennis.
Sina Tintin (palayaw ni Kristine) at Clarisse ay lumalaban na rin sa mga international competition. Ayon nga kay alvin, “I’m very proud as a father for having daughters who really love sports. Actually ‘pag may laban ang mga anak ko, lagi akong nasa likuran nila para suportahan sila, tulad ng ginagawa nila noong panahong naglalaro pa ako.”
Ayon naman kina Tintin at Clarisse, very excited na sila sa pagbabalik-school, especially to meet different people.
Maraming nagtatanong, kung bakit sa dinami-rami ng university, NU ang napili ng magkapatid na paglaruan at maging miyembro ng athletes ng school? Hindi kaya mas maganda ang offer ni Mr. Henry Sy ng SM sa magkapatid na Patrimonio? Sa totoo lang, naging in demand ang NU nang bilhin ito ni Mr. Henry Sy at lalong maraming nagkainteres dahil gumanda na ang unibersidad.
Isang dahilan kaya tinanggap ng magkapatid ang NU, ay ang offer sa kanilang isang franchise ng SM Hypermart. ‘Yun lang.
KILALA PA BA ninyo ang tatlong ex-PBA players na sina Sonny Cabatu, Alvin Teng at Atoy Co. Nasaan na nga ba ang mga PBA legends na ito?
Si Cabatu ay abala sa kanyang negosyo sa Quezon City, at tumutulong din siya sa career ng kanyang anak na si Jun-Jun Cabatu na naglalaro sa PBA D-League. Nakapaglalaro pa rin naman si Sonny sa mga iba’t ibang liga sa ibang bansa bilang import. Kasa-kasama ang mga dating kasamahan na nagsisipaglaro sa PBA noon.
Si Alvin Teng naman ay abala rin sa kanilang negosyong construction, at may mga anak na basketball players din. Ang eldest na lalaki na si Jeric Teng ay naglalaro rin sa PBA D-League sa kampo ni coach Pido Jarencio, at ang isa pang anak na si Jeron ay naglalaro sa Xavier School, at miyembro ng RP Youth Team sa 18-under. Katunayan nakapagtala si Jeron ng 122 points sa isang laro, at very proud parents sina Alvin at Susan teng sa kanilang anak.
Ang mga babaeng anak ni Alvin ay pawang professional na rin na nagtatrabaho sa isang malaking kumpanya. Ano pa ba ang hihilingin nilang mag-asawa para sa kanilang mga anak? Ilang panahon na lamang at tutuntong na sa PBA si Jeric Teng. At itong si Jeron Teng ay pinag-aagawan na rin ng iba’t ibang unibersidad sa husay at galing sa paglalaro ng basketball. Marami ang nagsasabi na mas mahuhusay ang mga anak ni Alvin kaysa sa kanya.
Samantala, si Atoy Co, tulad ng dati ay abala pa rin sa pagiging pulitiko. Noong nakaraang halalan ay hindi siya pinalad na manalo bilang councilor sa Pasig. Abala rin siya sa pag-aasikaso ng kanilang restaurant. Professional na rin ang mga anak ni Atoy na pawang mga lalaki. Sayang nga lamang at walang nagmana kay Co para sumunod sa kanyang mga yapak na lumaro ng basketball.
Ang pagkakaalam namin, may isa siyang anak na DJ. Happy naman si Atoy Co sa kanyang pamilya na napalaki sa maganda ang kanyang mga anak. Well-active pa rin si Atoy sa paggi-guest sa mga TV shows at pelikula. Mahilig kasing umarte ang dating player ng PBA.
CONGRATULATIONS SA KAMPO ng NLEX na sa kauna-unahang pagkakataon, sila ang sumikwat ng kampeonato sa 1st PBA D-League Foundation Cyp noong Thursday. Pinangunahan ni Coach Boyet Fernandez ang team, tinalo ng NLEX ang Cebuana Lhuiller. After ng panalo, tumuloy ang grupo ng Road Warriors sa Kamayan Edsa para sa victory celebration. Dumating sa kasiyahan ang may-ari na si Mr. Manny V. Pangilinan, kasama si Mr. Ricky Vargas at iba pang matataas na tao sa SMART at PLDT. Nand’yan din sina Mr. Pato Gregorio, NLEX Asst. Team Manager, Allan Gregorio at si Mr. Ronald Dularte, Team Manager ng NLEX.
GREETINGS: BELATED HAPPY Father’s Day sa lahat ng tatay sa mundo. At sa mga taga-lokal ng Tangdang Sora, Caloocan, kayo ay aming inaanyayahan na dumalo sa gagawing pamamahayag ngayong alas-8:00 ng gabi.
Sports Buzz
By Malou Aquino