Patutsada

EWAN KUNG sino ang unang bumigkas nito. Kagaya ng mga salitang jeproks, T-bird o dwoya, mga salitang bigla na lang ginagamit ng marami pang gustong mang-insulto o mang-asar.

Kamakailan ang kampo ni dating Pangulong GMA ay nagwala sa patutsada ni P-Noy nu’ng bisita ng huli sa Australia. Wikang pabiro ni P-Noy, marami diumanong corrupt ang gumagamit ng wheelchair pagtakas sa bansa. Swak ang patusada ito kay GMA nu’ng nagtangka siyang lumabas ng bansa para takasan ang plunder case nu’ng nakaraang taon.

‘Di ito unang pagkakataon na ginawa ito ni P-Noy. Basta tuwing biyahe niya sa ibang bansa may “regalo” siyang patutsada kay GMA.

Umalma si Atty. Ferdie Topacio, abogado ng mga Arroyo: “Di naman kalbo, nagpapatawa.”

Umusok ang palitan ng patutsada ng magkabilang panig. Sinawsawan pa ng mga pasaway na media. Karambola.

Ano aking take dito? Walang masama sa patutsadahan sa gobyerno. Ganyan ang ating demokrasya. Freedom of speech. ‘Wag lang hahangga sa mainit na personalan. O physical violence, pati patayan. Pasalamat tayo. Napakalawak ng ating democratic space. Buti na ito keysa restrained tayo. Decriminalize libel, sabi ni Sen. Jinggoy Estrada. Why not? ‘Pag ikaw ay public servant, target ka ng insulto at patutsada. Tiisin mo. Resbak ka lang. ‘Di ka dapat onion-skinned.

Subalit, medyo may pagka-foul si P-Noy. ‘Wag nating ilabas ang baho ng ating bansa sa ibang bansa. Sa ating paligid na lang. Nakakahiya na ang ating mga away ay ipapagpag natin sa labas. Sa ganitong punto, mali si P-Noy.

Kailan ang patutsada ay sobra o mali? ‘Di ko alam. Basta ang patutsada – generally – ay part and component ng isang healthy democracy. Sa U.S., grabe ang patutsadahan ni Obama at Romney. Sa UK at ibang parliaments, may nagsusuntukan pa nga. ‘Di puwede ito sa ating Lower House. Lalamang si boxing champ Pacquiao. He, he, he.

SAMUT-SAMOT

 

ANG P6.7 bilyong casino complex sa Roxas Blvd. ay matatapos na. Panahon ito nu’ng GMA administration at pinagpatuloy ni P-Noy. Tinitiyak ng mga gaming investor na ang complex ay dadagsain ng foreign high rollers at maaaring ang ‘Pinas ang maging gambling mecca ng Asya, sunod sa Macau. ‘Di ko maintindihan kung bakit masyadong lublob ang ating interes sa gambling. Gambling breeds many form of evil. Puwede namang asikasuhin ang pagpapaganda ng tourist spots o pagpapatayo ng factories sa mga rural areas.

TAYO LANG yata sa buong mundo ang labis na addicted sa bakasyon. Nakaraang buwan, mahigit na walong araw ang bakasyon. Kada kibot, bakasyon. Kaarawan ng sinu-sino, bakasyon. Nakadi-disrupt sa kalakalan at ‘di pabor sa hanap-buhay ng arawang manggagawa. Imbes na vacation, bakit ‘di production. Sa U.S., mabibilang mo ang official vacation. Fourth of July at Thanksgiving Day lang. Namana natin ito sa kultura ng Español, our former colonizer. Dapat baguhin ito.

NAPALATHALA NA kahit na-stroke na nang ilang beses ang ‘sang tao, puwede pa ring makipag-sex. In fact, sexual act is the best exercise. Lahat ng organs, gumagana lalo na ang mga ugat sa puso. Sa aking edad, ‘di na problema ito. Kusang tumigil ang apetite sa sex.

FAD NGAYON ang stem cell therapy. Nababalita, miracle cure diumano ito. Cancer, diabetes at iba pang debilitating diseases kagaya ng aging ay kaya raw gamitan nito. Ngunit kamakailan, nagbabala ang DOH na ang therapy ay nasa experimental stage pa lang kaya ‘wag agad padadala sa mga balita. Sa U.S. at iba pang progressive countries, controversial pa ang procedure. Bukod sa napakamahal, mara-ming unknown health risks na nakapag-e-endanger ng buhay. Ayon ako sa DOH.

MAHIGIT NA 12 house and lot ang pinamigay ng Wil Time Bigtime variety show ni Willie Revillame nu’ng selebrasyon ng 2nd anniversary. Ang premyo ay handog ni Sen. Manny Villar. Ang nakapanalo ay halos taga-lalawigan kasing layo ng Surigao del Sur at Antique. Biro mong kapalaran ito sa mga mahihirap na nanalo. Nangangahulugan din ito na mara-

ming nanonood sa variety show. ‘Di pa laos si Willie at lalong binibiyayaan siya ng magandang kapalaran.

SAMANTALA, SI megastar Sharon Cuneta ay tila nasa dapit-hapon na ang kanyang showbiz career. ‘Di humahatak ang kanyang panghapong programa sa TV5. Tanggapin natin sa buhay ay weather-weather lang. ‘Wag nang pilitin kung talagang laos na. Nakakaawa lang sa sarili.

PINAKAMAHIRAP NA sakit ang kabag. ‘Yon bang may umiikot na hangin sa tiyan. Napakahapdi at ‘di mo malaman ang gagawin. Simula nang inalis ang aking gall bladder, pabalik-balik ang kabag. Aalis ng isa o dalawang buwan, pagkatapos biglang babalik. Kasama rin nito ang parating pang dighay at pag-utot. Walang gamot ‘pag minsan kundi magtiis.

DALAWANG BIYAYANG langit ang nakamit natin nakaraang buwan. Una rito ay ang canonization ni San Pedro Calungsod. Dalawa na ang santo natin. Pangalawa ang paghirang kay Manila Archbishop Chito Tagle bilang Cardinal. Tayo lamang ang Katolikong nasyon sa Asya. Pakiwari ko’y may special na pagmamahal sa atin ang Mama Mary. Malimit tayong iligtas sa kalamidad at sakuna. ‘Di gaya sa ibang Katolikong bansa, ang ating simbahan ay puno ng devotees araw-araw, lalo na kung linggo. Pambihirang devotion sa ating pananampalataya ay tatak ng ating pagiging Katoliko. Ikarangal natin ang magkasunod na biyaya.

DAPAT NANG lubayan ng batikos at insulto si da-ting Pangulong GMA. Napakahirap na ang kanyang sinapit at ‘di biro-biro ang pinagdaraanan niya ngayon. Si dating First Gentleman ay tuluyan nang nawala sa eksena. Dati-rati, nakikita siya sa tabi ni GMA ‘pag nagpapagamot o dumadalo sa paglilitis. Siya man ay hinambalos na rin ng matinding karma. Nasaan na ang dating nakapaligid na mukha sa dating First Family? Parang bulang naglaho. Ilan na lang ang nagpakatatag at nanatili sa kanilang piling. Ganyan talaga ang gulong ng buhay.

EXERCISE, EXERCISE, exercise. Tuwi akong kokonsulta kanino mang manggagamot, ‘di nawawala ang ganitong payo. Tatlong beses isang linggo na lumalakad nang pinagpapawisan ay sapat na. Ang mahalaga ay pagpawisan. Ang pawis ang nilalabasan ng toxic wastes sa ating katawan. Dapat tumalima rito ang lahat lalo na ang mga elderly o senior citizens para mapangalagaan ang wastong kalusugan.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleCristine Reyes then and now boom!
Next articleMag-ingat kay hepe!

No posts to display