NANANATILING tahimik hanggang ngayon ang FPJ’s Ang Probinsyano lead actor and director na si Coco Martin tungkol sa mga naging akusasyon sa kanya ni Robin Padilla na lumabas sa kanyang Instagram account.
Mensahe sa amin ng isang malapit sa aktor, “Hindi magsasalita si Coco. Hindi rin niya papatulan si Robin.”
Marahil, kaya ginustong manahimik na lang ni Coco sa pandadawit ni Robin sa pangalan niya ay sa dahilang mataas ang respeto niya sa senior actor.
Matatandaan na nitong Miyerkules, February 19, sa sagot ni Robin sa isang netizen, ay idinawit nito ang pangalan ni Coco. Ikinumpara kasi ng netizen si Coco kay Robin at sinabing dapat daw ay gawing halimbawa ng aktor ang Primetime King na maraming natutulungang artista at katrabaho sa showbiz.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami kung sinu-sino ang mga artistang natulungan ng programang FPJ’s Ang Probinsyano ng ABS-CBN. Nabigyan sila ng panibagong pagkakataon para magkaroon ulit ng career at maging visible sa telebisyon.
Mensahe ng netizen kay Robin: “Pasensya napo kung di mo ako maintindihan at kung hinahalintulad kita kay coco pero mas da best at kapakipakinabang kung ang husay at galing mo ay ginamit mo sa maayos at mapayapang paraan.”
Maganda naman ang naging sagot ni Robin sa netizen. Ayon sa aktor, matagal na niyang ginawa ang pagtulong sa mga katrabaho lalo na nung aktibo pa siya sa paggawa ng pelikula. Kaya lang, kapansin-pansin na maging ang lumang isyu gaya ng diumano’y pambubuhos ni Coco ng tubig sa staff and crew ng FPJAP at ang diumano’y isyu ng aktor sa babaeng location manager ay kinalkal at ibinalik ni Robin.
Bahagi ng sagot ni Robin sa netizen: “Siguro po mainam sabihin niyo po kay direk coco na wag bubuhusan ng tubig yun mga crew na nakakatulog sa pagod at pagpatol sa location manager na babae.”
Samantala, sa text messages na ipinadala sa amin ng taga-Dreamscape Entertainment (content provider division ng ABS-CBN at producer ng FPJAP) ay muli nilang nilinaw ang tungkol sa “buhusan ng tubig issue.”
“Coco does not maltreat his staff and crew. Yung buhos tubig ay matagal na nilang laro sa mga teleseryes niya. Kapag napa-pack-up ang taping, buhusan ng tubig ang katuwaan nila,” paglilinaw ng nagpadama ng mensahe sa amin.
Dagdag pa niya, “Hindi lang naman sa Ang Probinsyano nangyari yung biruan nilang buhusan ng tubig. Kahit noon sa Juan dela Cruz, ginagawa na rin nila yan at wala namang napipikon.”
Apat na taon nang namamayagpag sa telebisyon ang FPJ’s Ang Probinsyano at wala pang malinaw na pahayag kung kailan talaga ito matatapos.