NABIGLA NAMAN AKO sa nabalitaan kong nagpatiwakal daw itong si Viveka Babajee.
Naalala ‘nyo pa ba si Viveka Babajee? Siya ‘yung dating Ms. Mauritius na nasangkot din sa Manila Filmfest scam na na-mastermind ko nu’n, ‘di ba?
Nabalita nga sa Startalk nu’ng kamakalawa lang na nagbigti raw itong si Viveka sa kanyang condo unit sa Mumbai, India. Sikat na model doon si Viveka kaya naging news sa bansang ‘yun na nagpatiwakal ito sa pamamagitan ng pagbigti sa kanyang sarili.
Ang balitang lumabas, maaaring nagpatiwakal daw ito dahil sa sobrang depression nang paghihiwalay nila ng kanyang boyfriend.
Medyo nakapanghihilakbot lang dahil nataon pa ito ngayong buwan ng Hunyo, kung saan mga ganitong panahon din nangyari ang MFF scam, labing-anim na taon na ang nakararaan.
Naging close friend din ito ni Ruffa Gutierrez, kaya tiyak na nalungkot din ito sa naturang balita.
CONGRATULATIONS SA WINNERS ng kauna-unahang MTRCB Film Awards na binuo ni Chairman Consoliza Laguardia.
Mas happy nga ako dahil finally nagwagi rin ang alaga kong si Alfred Vargas bilang Best Actor, ka-tie si Lou Veloso sa pelikula nilang Colorum.
Hindi nakarating si Lou kaya nasolo ni Alfred ang pagkapanalo, ‘di ba? Hindi rin sumipot si Gov. Vilma Santos na nagwagi namang Best Actress sa pelikulang In My Life, kung saan doon din nagwaging Best Supporting Actor si John Lloyd Cruz. Si Isabel Lopez naman ang Best Supporting Actress mula sa pelikulang Kinatay at ang Best Director ay si Raymund Red sa indie movie niyang Himpapawid.
Ito nga lang MTRCB Film Awards ang may tatlong Best Pictures. Ang Panday ang nagwaging Best Film in Action/Fantasy, ang Himpapawid naman ang Best in Drama at ang Last Supper No. 3 sa Comedy.
Happy rin kami siyempre para kay Mother Lily na ginawaran ng Lifetime Achievement Award. Congratulations kay Mother Lily!
Magandang project itong iiwan ni Chairman Laguardia at sana nga masundan ito ng kung sino mang susunod na chairman ng MTRCB.
NABIKTIMA NAMAN NG Basag-Kotse Gang si Pauleen Luna habang nag-i-Eat… Bulaga! ito nu’ng kamakalawa lang.
Bago pa naman ang kotse nitong Chrysler, pagkatapos binasag lang para nakawan siguro. Pero wala naman daw nakuhang importanteng bagay dahil dala naman ni Pauleen sa studio ang bag nito at mga importanteng gamit.
Ang nangyari pa, naiwan nu’ng nagbasag ng kotse ang shades niya kaya malaking bagay ‘yun para ma-trace kung sino ang may kagagawan.
Ayaw namang ipursige pa ni Pauleen na magdemanda sa kung sino man ang may gawa nu’n dahil tiyak na hindi naman ito mababayaran. Ipaaayos na lang daw niya ang kotse niya at magpasalamat na lang siya dahil wala namang nakuhang importanteng bagay at safe naman siya. Medyo nakaabala lang sa kanya dahil diretso na sana siya sa taping ng Trudis Liit, naabala pa siya dahil inimbestigahan pa ng mga pulis.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis