DRESSED IN V-shaped white shirt and faded maong shorts at nakatsinelas, parang extension ng bahay ni Pauleen Luna ang malaking studio ng GMA.
Itinaon niyang live airing ‘yon ng Startalk, bitbit ang isang folder na naglalaman pala ng portfolio ni Mara Sotto, anak ni Maru at pamangkin ng kanyang nobyong si Bossing Vic. Matagal na palang nasa pag-iingat ni Pauleen ang folder na ‘yon, kung saan parang paninda niyang inilalako si Mara na aniya’y mahusay raw mag-host.
Natural, hindi pinaligtas ng kanyang manager na si Lolit Solis ang sorpresang pagdalaw ng alaga. “O, feeling mo, ikaw na si Mrs. Sotto?” bungad agad ni ‘Nay Lolit. Sagot naman ni Pauleen, “At least, nakakatulong naman ako sa kapwa ko.”
Walang limang minuto ang itinagal ni Pauleen sa studio, bigla tuloy naming naalala ang artikulong lumabas nu’ng Sabado ring ‘yon sa isang tabloid. Interview ‘yon kay Dina Bonnevie who, in fairness, was quoted to have said nice words for Pauleen.
“Bakit, ano’ng sabi niya?” tanong ni Pauleen who gave us a quizzical look. Sabi namin, maganda naman, nothing really foul.
Obvious na hindi pa rin kumbinsido si Pauleen, much less interested to grab a copy of the tabloid para basahin ang mga tinuran ni Dina.
“Napanood ko kasi ‘yung interview niya sa The Buzz, eh. Hindi ko nagustuhan. Hayaan mo na lang siya,” nakangising pamamaalam niya sa amin.
Dina’s reference to Pauleen in any interview cannot be helped, may masasabi at masasabi si Dina sa kasalukuyang girlfriend ng kanyang ex-husband. And it can be Pauleen or anybody.
Besides, showbiz knows Dina Bonnevie well enough. She doesn’t mince words kesehodang may matatamaan. Kung kay Gretchen Barretto rin lang naman who’s press-unfriendly, dito na kami sa half-Filipino, half-Swiss actress.
(BABALA: PRODUKTO o figment of imagination lang ng manunulat na ito ang inyong mababasa, nasa inyo ang panghuhusga)
ISANG INDIE movie ang umani ng maraming parangal sa katatapos lang na Puwedeng Dakilain Ang Filipino (PDAF) awards. Bukod kasi sa mga tinamo nitong tropeo sa iba’t ibang kategorya ay napili rin itong opisyal na kalahok ng bansa sa SCAM-dinavian International Film Festival.
Makakakumpitensiya ng ating official entry ang mga pelikulang gawa sa Norway, Sweden at Denmark, at maging ang Ireland na sakop ng Scandinavian Peninsula.
Kuwento ito ng isang nakapiit na umano’y utak ng pork barrel scam na nagkamal ng bilyun-bilyong piso mula sa mga idineklarang pekeng NGO sa pakikipagkuntsaba sa ilang mga mambabatas.
Dahil nakabilanggo, tinanggalan siya ng karapatang makipagkomunikasyon sa kanyang pamilya, mga kaibigan at mga kakilala sa pamamagitan ng cellphone.
However, ang konstitusyunal na karapatang-pantao ay hindi naman ipinagkait sa naturang preso. Sa pamamagitan kasi ng pluma o ballpen ay magagamit niya ito para lumiham sa mga taong nais niyang paratingan ng kanyang mga saloobin.
Masalimuot ang kuwentong nakapaloob sa indie film na ito, na palibhasa’y for international release ay sinadyang gawing Ingles ang pamagat nito para sa foreign audience.
Ang title: PEN AT SOLEMN JAIL. If jumbled: JANET LIM NAPOLES.
Pepperoni
by Ronnie Carrasco III