NALOLOKA NA AKO d’yan sa gumagawa ng Twitter account ko, huh!
Mabuti at tinatawagan ako ng mga alaga ko para kumpirmahin kung talagang Twitter account ko ‘yun na pinapasulat ko lang daw sa isang nagngangalang Megan. Kasi alam naman nilang wala akong kahilig-hilig sa ganu’n at hindi nga ako marunong mag-text.
Mabuti’t tumigil na iyang gumawa ng Facebook ko, pero ito naman ngayon ang Twitter account na napaka-active at kung anu-ano ang mga tinu-tweet nito.
Ang isa pang ikinaloka ko, lumalabas doon sa Twitter na nakikialam talaga ako sa isyu nina Aiko Melendez at Mayor Patrick Meneses.
Tinitira pa roon si Cristy Fermin at kamping-kampi kay Aiko.
May sarili naman akong pananaw sa isyung ‘yun, pero sa totoo lang mas concern ko si Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan na nadamay sa isyu ng dating magkasintahan.
Kaya huwag po kayong magpapaniwala sa mga naglalabasan du’n sa Twitter account na ‘yun dahil hindi talaga akin ‘yun, at lalo namang wala akong inuutusan para mag-tweet para sa akin. Ano naman ang mapapala ko d’yan?
At ang hitad, hinaharbatan pa ang alaga kong si Pauleen Luna ng pasalubong. Nakakaloka siya baka mamaya mas marami na siyang nahaharbat kesa sa akin. Lalo na’t malapit na ang birthday ko, nangungolekta na ako ngayon ng regalo baka mamaya sumisimple lang iyang poser ko na ‘yan, may nagegetlak pa pala.
Mukhang nakakatakot na nga ngayon ‘yang nasa Twitter na ‘yan dahil meron na raw mga kasong nakakakuha ng pera gamit ang ibang pangalan o grupo para kunwari nagpa-fund raising.
Kaya huwag na huwag kayong maniwala sa mga Twitter account ko, dahil never talaga ako magka-Twitter o kahit Facebook.
TINGNAN MO ‘YANG nagagawa ng Twitter na iyan? Nagdedemandahan na ang dating magkasintahang Mayor Patrick at Aiko.
Sumagot na nga si Aiko sa The Buzz at siya na mismo ang nagsabing never siyang nagduda sa kasa-rian ng Bulacan, Bulacan Mayor.
Dati raw sa babae siya nagseselos bakit ngayon sa lalaki na raw?
Kaya ipaglalaban daw ni Aiko ‘yang kaso na iyan kahit ipangutang pa raw niya para mapatunayan lang na hindi totoo ang ibinibintang sa kanya.
Basta ako uulitin ko, kay Mayor Enrico Roque lang ako naniniwala dahil nanahimik nga naman ang tao, nadadamay pa siya sa break-up na iyan nina Patrick at Aiko. Sana silang dalawa na lang ang humarap sa problema nila, hindi na nandamay ng ibang tao.
Tuloy parang totoo ngang sinasabi ng iba na politically-motivated ‘yang mga naglalabasang isyung iyan na obvious namang gusto lang siraan ang ibang tao.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis