“WALANG PAIN, happy heart naman. Bilang fit ako, masaya naman ang puso ko.” Ito ang naging pahayag sa amin ni Paulo Avelino nang makausap namin ito sa presscon ng sana Bukas Pa Ang Kahapon na mapapanood ngayong Hunyo.
Kinumusta namin ang lagay ng kanyang puso pagkatapos maudlot ang papausbong sana nilang relasyon ni KC Concepcion, kung saan pinaghanda niya ito nu’ng nakaraang kaarawan nito nu’ng April 7 at pumunta pa sa New York ang aktor para dalawin ang aktres. Ikinuwento naman ni Paulo na ginusto nilang i-level up sana ang relasyon nila ni KC, pero dala ng distansiya ay nagdesisyon sila na mas mabuti pang huminto na lang siya sa panliligaw rito.
Sa ngayon, walang panahon para manligaw sa kahit na sino, sa halos araw-araw na taping ng Sana Bukas Pa… at sa kagustuhan na mag-focus muna sa taping ng nasabing serye, walang balak na pumasok sa panibagong pakikipagrelasyon ni Paulo.
Sexy at daring ang role bilang Patrick sa serye, puspusan ang naging pagwo-work out na ginawa ni Paulo para sa nasabing role kung saan nakahabol naman ito sa pagsisimula ng taping ng nasabing serye. Labis-labis ang pasasalamat sa kaparehang si Bea Alonzo dahil nabuo ang karakter bilang Patrick dahil sa pagtanggap na ginawa sa kanya ng aktres. Bilib na bilib ang aktor sa bait, galing makisama at husay ni Bea bilang isang aktres.
Kung dati, mailap sa mga press, ngayon ay mas bukas at mas madali nang kausapin si Paulo. Ngayon mas nakita ng aktor ang kahalagahan at tulong na naibigay sa kanya ng media, mula pa nang magsimula sa isang talent search program sa Kapuso network hanggang ngayon na nasa bakuran na siya ng ABS-CBN.
ISANG BAGONG programa sa GMA News TV ang nirerekomenda namin na dapat na mapanood ng mga manonood, partikular na ng mga kabataan dahil sa kabutihang asal na tinuturo nito. Ito ang Young Minds Inpired o YMI na mapapanood tuwing Linggo, 8:30-9:00 ng umaga. Hosts ang magkapatid na sina Bobbie at Brad Mabilog at ang pinsan nilang si Nico Evangelista, kahanga-hanga ang iba’t ibang segmnets ng show tulad ng Idol Kabataan, Yakang-Yaka at Tunog Kabataan kung saan lahat ay tumatalakay kung paano maging isang mabuti at responsableng kabataan hindi lang sa pamilya kundi sa komunidad.
Nakabibilib ang tatlong hosts dahil bukod sa pagiging mabubuti at responsableng kabataan, napakatalento nila, kung saan tinalo man ang kanilang album ng album ni Ogie sa 2011 Catholic Mass Media Award, binigyan sila ng citation dahil sa values na nakapaloob sa kanilang mga awitin.
Napakinggan din namin ang compositions ng grupo gaya ng Pandesal, Idol Kabataan, Sa Tabi Mo na talaga namang napahanga kami sa ganda ng liriko at musikang nilapat dito. Naniniwala kami na malayo ang mararating ng grupong ito basta mabigyan lang sila ng pagkakataon at tsansa.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA