PARA SA AMIN, puwedeng i-build up ng GMA-7 si Paulo Avelino to be the next leading man nila, kaya sana ay tama ang proyektong Ina, Kasusuklaman ba Kita? na ibinigay sa kanya. And nagsisimula pa lamang ang serye sa Kapuso kaya maaga pa para sabihin nating palamuti lang siya rito ng mag-inang bida na sina Jean at Jennica Garcia, o magiging markado ang role.
May dating naman si Paulo, maalagaan lang ng magagaling na director, eh, mahahasa rin ang acting. Right projects ang kailangan niya and maybe, konting “kilig” factor for the fans at hindi maging “bland” o matabang ang career nito na wala man lang napag-uusapang lovelife.
Naging close pala si Paulo kay Jennica noong gawin nila ang isang episode for Dear Friend last year. Inamin din naman ni Paulo na muntik na niyang ligawan si Jennica that time. Pero may mga pangyayari raw na pumigil sa kanya para ituloy ang panliligaw.
Natorpe nga ba si Paulo kay Jennica?
“Aaminin ko na na-attract ako kay Jennica noong mga panahon na ‘yon. Maganda siya and she’s very mabait. Kaya sino ba namang lalaki ang hindi magpu-fall for Jennica, ‘di ba?
“That time naman kasi, matagal na silang wala ni Mart (Escudero, Paulo’s batchmate in StarStruck) kaya mukhang okey naman siguro kung manligaw ako.
“Pero may mga pangyayari nga that prevented me from pursuing Jennica. So, I decided na huwag nang ituloy ang panliligaw ko kay Jennica. Out of respect na lang sa nakapaligid sa amin. But kami naman ni Jen, we’re okay and we’re friends naman. Hindi naman siguro siya papayag na maka-partner ako kung hindi kami okey.”
Mukhang may kinalaman si Mart at ang nababalitang girlfriend ni Paulo na si LJ Reyes sa hindi niya pagtuloy na ligawan si Jennica? Magkakasama pa man din sina Paulo, Jennica at LJ sa Ina, Kasusuklaman ba Kita?
“Si Mart, kaibigan ko ‘yan. Siguro nga nirerespeto ko ang pagkakaibigan namin, pero wala naman siyang sinabi sa akin na huwag kong ligawan si Jen. It’s just that I respect our friendship na nabuo noong StarStruck days pa namin.
“With LJ naman, hindi ko naman siya girlfriend, e. Tulad nga kay Jennica, we’re good friends. We’re close, but never ko pa rin naman siya nililigawan. ‘Tsaka magbarkada sila ni Jennica,” saad ni Paulo.
Ngayong magkatambal na sila sa isang soap, kakayanin kaya ni Paulo na hindi ma-develop ulit siya kay Jennica?
“Wala akong ipinapangako na hindi ako made-develop sa kanya!” Sabay-tawa niya. “Hindi ko alam… bahala na kung ano ang mangyari. Sa ngayon, gusto ko ang pagkakaibigan namin ni Jennica,” pagtatapos ni Paulo.
PAREHONG TUMAKBO SINA Dingdong Dantes at ang love nitong si Marian Rivera sa 5000 km division sa matagumpay na Book Run 2010 ni Dingdong kahapon (Linggo) sa The Fort, Taguig City, mereseng mga puyat sila sa kanilang mga trabaho at as early as 5 or 6 nang umaga ay nagsimula na ang fun run.
Ito ay ang culmination ng Project Aklat ni Dingdong under National Bookstore, sa pakikipagtulungan ng kanyang sariling Yes Pinoy Foundation na may “Oplan: Restore Paaralan”, kung saan ang na-generate na funds at old books from 2000 participants ay ido-donate sa mga less fortunate students na nasalanta ng typhoon Ondoy.
Ilang taon na rin namang may “puso” itong si Dingdong para sa mga kabataang kailangan ng tulong. Ayon daw kasi sa Department of Education, humigit-kumulang sa P3 billion o tatlong milyong libro sa mga elementary and high school campuses ang halaga ng mga nawala sanhi ng kalamidad last year.
Tuwang-tuwa ang participants nang makitakbo sina Dong at Marian, for the spirit of health and wellness na rin at for a good cause nga.
Kabilang sa ilang celebs na tumakbo rin sa nasabing fun run sina Paolo Paraiso, Miriam Quiambao, Luis Alandy, Gabby Eigenmann, Boy2 Quizon, Carl Guevarra, at Arthur Solinap.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro