DISYEMBRE 14 NG madaling-araw, ginising ako ng sakit sa tiyan. Walang pangalang hapdi at kirot. Inom ng dalawang antacids. At naglagay ng mainit na tubig sa tiyan. Ngunit ni katiting na ginhawa, wala akong naramdaman.
Nagpasugod agad ako sa ‘di kalayuang ospital. Mag-uumaga na. Katakut-takot na examination. Turok dito, turok doon. Dextrose sa kaliwang kamay. X-Ray at Ultrasound. At presto! May kakagawan ang nabubulok nang mga bato sa gallbladder. Kailangang agad-agad ang operasyon. Halos pagsukluban ako ng mundo.
Bata pa ako ay takot na sa doktor at ospital. ‘Pag ako ay naglilikot, ang panakot ni Inay: Sige, susumbong kita sa sanidad. Buong buhay ko, noon lang ako naospital. At ang siste, hiwa agad.
Alas-5:00 ng umaga nang i-wheelchair ako sa operating room. ‘Di ko alam kung bakit ‘di man lang ako kinabahan. Hawak ko ang isang rosaryo. Sa hanay ng kagaya kong ooperahan, nakausap ang isang binatang pangala’y Frisco. “Pangalawang operasyon ko na sa bukol sa liver. Malabo.” Dito ako kinabahan.
Tumagal nang dalawang oras ang operasyon. Ngunit nu’ng ilabas na ako sa operating room, namangha ako sa maraming doktor na naghihintay sa akin. Balisa ang mga mukha. At may tinitingnan na aparato sa likod ko. Sabi ng isang doktor: “’Wag kang mabibigla. Ngunit nagkaroon ka ng allergy sa isang antibiotic. Nagkaroon ka ng massive organ failure.”
Dahil under sedation pa ako, hindi ko masyadong naintindihan ang masamang balita. Maya-maya pa ay dinala na ako sa ICU. Round-the-clock ang check up. Misis at anak ko, walang tigil ang pagro-rosaryo.
Ang isa kong paboritong pelikulang Ingles ay may title na “Somebody Up There Likes Me”. Sa aking malubhang kaso, alam ko na mahal ako ni Lord. Kaya iniligtas niya ako sa siguradong bingit ng kamatayan. Pagkaraan ng dalawang araw, nakalakad na ako. Normal na. At sa sumunod na tatlong araw, pinauwi na ng mga namamanghang doktor.
Bakit ko sinusulat ito? Upang ipaalala sa inyo na wala tayong hawak sa minuto o oras ng ating hiram na buhay. Anytime puwede tayong pumanaw upang kailanman ay ‘wag nang bumalik sa malupit na mundong ibabaw.
Naisip ko na maaaring may misyon pa ako sa mundo. Naalala ko ang maliliit na taong aking tinutulungan. Mga streetchildren. Mga abandoned and rejected people. Sila ang nag-intercede sa akin kay Lord.
Hindi ko malilimutan ang aking karanasan sa Pay Ward No. 402. Ang haplos ng pagmamahal ng aking kabiyak at mga anak ang nagsilbing gamot na nagpalakas sa akin. Ang panalangin ng mga kaibigan ay tumulong nang malaki.
Sa edad kong 68, malayo na rin ang nalakbay ko sa mundo. Maraming pangarap na natupad. Marami ring nasawi. Kung sakaling tuluyan akong pumanaw, ang konsolasyon ko ay mag-iiwan ako ng maraming butil ng magagandang alaala. ‘Di lamang sa aking pamilya, kamag-anak at kaibigan.
Nakita ko ang kadiliman sa buhay ng maraming tao. At hindi ako nagpatumpik-tumpik upang mag-ilaw ng kandila sa kanilang kapakanan. Sumama akong lumaban sa isang diktador, muntik nang magbuwis-buhay upang ang kalayaan ay makamtan. Hindi ako naghangad ng maraming kayamanan. Sapat lang ang aking pinagpawisan upang mabuhay nang tahimik, makatulong sa kapwa, at magpapuri sa Diyos.
Pay Ward No. 402. Isang silid ng madamdaming alaala. Halos isang linggong pamamalagi ko, alam kong nakausap ko ang Diyos. Naramdaman ko ang haplos ng pagmamahal ni Mama Mary. At mga santong ang mga pangalan ay araw-araw kong dinadambana sa isang sulok ng aking bahay.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez