MALAPIT NA naman ang Pasko, ang kaarawan ni Hesukristo at gabi ng nag-uumapaw na pagkain sa hapag. Ang hindi mo lang maintindihan: sa dinami-rami ng Simbang Gabi na natapos mo at sa taun-taon na paghiling mo habang hinihipan ang kandila sa birthday cake mo, wala ka pa ring karamay at kayakap sa nagbabadyang malamig na bakasyon.
D’yahe ‘no? Naglipana ang mga night markets kung saan kibit-balikat mong itinatanggi na ayos lang na wala kang hawak na kamay, nand’yan naman ang barkada. Sino ba’ng kailangan ng kasintahan kung may DoTA naman? Bibili ka na lang ng PS4, mas low maintenance pa. Ikumpara mo naman sa panliligaw: bibili ka na nga ng sangkatutak na tsokolate, bulaklak at Blue Magic, wala pang kasiguraduhan na sasagutin ka n’ya ng matamis na “oo”. Iyong PS4, hindi ka iiwanan basta iyong alagaan. Ang babae, kahit na ibigay mo lahat, minsan handa ka pa ring iwan.
Sige lang sa defense mechanism, kailangan din natin ‘yan. Wala namang masama na ibaling ang pagtingin sa mga bagay na abot-kamay mo lamang. Hindi rin masama na maghangad ng higit pa, kaya kung gusto mong maghanap ng special someone, humayo ka. Pero huwag sana nating bigyan ng pagtatangi ang pagiging mag-isa. Masyado na nating binigyan ng pansin ang ating pagiging single na nakalilimutan na nating marami pang ibang parte ang buhay bukod sa pag-ibig at iba pang pisikal na kaligayahan na kalakip nito.
Ang Samahan ng mga Malalamig ang Pasko o SMP ay maaaring tingnan bilang isang malungkot na grupo na ang tanging silbi lamang ay pag-isahin ang mga malulungkot at mag-isa. Baguhin natin ang pakahulugan, bilang iba man ang ating paniniwala tungkol sa Pasko, pag-ibig at ligaya, ang tatlong ito ay posibleng makamit nang sabay-sabay.
Unang hakbang, tama na ang katititig sa salamin at kaiisip kung mayroon bang mali. Huwag mo na ring dagdagan ang iyong pasanin sa pamamagitan ng pagtitig sa mga nilalanggam na magkasintahan. Tulad ng sabi ko, walang masamang mag-asam. Pero may masama sa walang tigil na pagkukumpara na walang naidudulot bukod sa awa sa sarili.
Pangalawa, kumain ka nang maigi. Masarap ang mga handa, huwag sayangin ang pagkakataon. Pero huwag ding kalilimutan ang ehersisyo kung nais mo pa na bumalik sa paaralan o opisina sa darating na Enero. Ang ilang minuto sa bibig ay maaaring habang-buhay sa arteries, kaya hinay-hinay lang.
At ang huli, maghintay para sa takdang panahon. Hindi naipipilit ang pag-ibig at hindi rin laging darating ang taong ating hinahanap sa oras na ninanais natin. Sa mga mapapalad na nakahanap, maging masaya ka na lang para sa kanila. Sabihin mo sa iyong sarili na magiging masaya at mapalad ka rin sa love tulad nila… Nauna lang sila.
Malamig naman talaga ang Disyembre. Kailangan lang nating matutong yakapin ang ating sarili at mahalin ang anumang mayroon tayo. At siyempre, magpainit ng tubig pampaligo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo