NAGING emosyonal ang Pinoy Big Brother (PBB) celebrity housemate na si KD Estrada sa loob ng bahay ni Kuya nang matanggap niya ang isang package mula sa “outside world.” Ang package ay naglalaman ng kanyang high school diploma na may kasama pang sulat mula sa kanyang pamilya sa Parañaque.
Hindi naiwasang maglabas ng saloobin ang Star Magic artist na aminadong hindi madali para magbahagi ng kanyang totoong nararamdaman sa mga kasamahang housemates patungkol sa natanggap na package.
Mas pinili ni KD na tumalikod sa mga kasamahan habang nagsasalita para daw mas maging kumportable siya.
“Ngayong taon, bago ako grumadweyt, I stopped going to school. Wala… napagod lang ako sa online class. I didn’t like online class talaga,” pagbabahagi ng Squad Plus member.
Ayon pa sa binata, ang pakiramdam daw niya ay naging pabigat siya sa kanyang pamilya dahil hindi niya itinuloy ang kanyang pag-aaral.
Lahad niya, “I had an anxiety attack a few months ago na I was gonna fail. It’s all my fault. Dahil sa anxiety attack ko nilabas ko lahat ng nararamdaman ko sa parents ko. I felt I’m such a burden, na napakasama kong tao, naging burden ako sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko.”
Kapansin-pansin ang pagiging introvert ni KD sa loob ng PBB house. Mas gusto niyang mapag-isa at hindi masyadong nagso-socialize sa mga housemates.
“Sorry kung nararamdaman niyo na parang hindi ako nagsasalita kasi ayokong maging burden sa inyo,” sabi pa ng binata.
Emosyonal ding naglabas ng nararamdaman si KD sa confession room habang kinakausap ni Big Brother.
“I stopped going to school which is napaka-selfish na desisyon, di ba? Hindi ko alam kung anong naisip ko nu’n, eh. Ang tanga-tanga ko talaga,” pagtatapat niya kay Kuya.
“Kaya ngayon, I really want to go to college but my parents are scared that I’ll do the same thing, eh…
“Mom, Dad, sorry talaga. When I get back I promise I’ll make you proud. I’m gonna finish college. I’m gonna get a business and I’ll be a producer. Lahat yan, I’ll do that for you,” pangako niya sa mga magulang.
Pinayuhan naman si KD ni Kuya tungkol sa mental health.
“Maganda ang intensyon mo. Wag mong maliitin ang mga pinagdaanan mo. Sa panahon ngayon, KD, importanteng bagay ang mental health at isa ako sa mga sumusuporta nito.
“Yung pinagdaanan mo, hindi ka nag-iisa. Hindi mali at mas lalong hindi pabigat,” paalala sa kanya ni Big Brother.