PDA BA ‘kamo? Aba, alam na alam ng mga bagets ‘yan! Paano ba naman, kapag sinabing PDA o Public Display of Affection, mga kabataan agad ang maiisip mo. Sila kasi ang mga pangunahing tao na nasasangkot sa PDA. Ang mga bagets kasi, mabilis magpadala sa bugso ng damdamin. Gusto nilang makita at maipagmalaki sa mundo na nagmamahalan sila. Kaya nga lang, hindi maiiwasan na kung minsan hindi na ito kaaya-ayang ipakita sa madla sa mga pampublikong lugar.
Nakakatawang isipin na may nabuong “bromance” sa bokubularyo nating mga Pinoy. Ultimo mga kalalakihan, may PDA na ring nagaganap. Ito ay ipinakita sa bagong YouTube video ng pinakasikat na internet action star ngayon sa bansa na si Ramon Bautista. Pero sa pagkakataong ito, kasama na rin niya ang isa sa pinakasikat at pangunahing leading man sa bansa na si John Lloyd Cruz. Ito ay pinamagatang “Head and Shoulders’ PDA Naman Dyan!: The Bromance”. Ipinakita rin ang mga eksenang bromance kung saan sobrang nakakailang ito para kay John Lloyd.
Una ang “bro hug”, ‘yung tipong nanonood ang dalawang magkaibigang lalaki ng basketball game at nang manalo ang team na kanilang sinusuportahan, dali-daling nagtatatalon sa saya at nagyakapan bigla. Naku, hashtag medyo awkward nga ‘yan!
Pangalawa, ang “bro high five,” ‘yung pagkakataon na bigla na lang kayo nagkasundo sa isang bagay, ayun, nag-apir kayo o high five pero tumagal ito nang mahigit limang segundo. Hashtag medyo awkward na naman ‘yan!
Pangatlo, ang pagsuntok sa chin o baba na may kasamang haplos, ‘yung eksena na sa sobrang gigil mo sa kanya, mahinang sinuntok mo siya sa pisngi pero nauwi ito sa haplos papuntang baba. Hashtag medyo awkward talaga ‘yan! Ultimate bromance na ‘yan, mga Bro!
Pero alam n’yo ba, dahil sa mga nabanggit ko sa itaas, nagdulot ito ng isang panibagong kahulugan sa acronym na PDA? Kung dati ito ay kilala bilang Public Display of Affection, ngayon may bago na! Ito ay PDA o ang Paglalambing na ‘Di Awkward.
Ito ay naimbento sa pagnanais na ang bromance moves tulad ng mga nabanggit ko ay hindi na pagtawanan, pandirihan o maging dahilan pa ng pagkailang ng mga kalalakihan sa kanilang barkada.
Sa mga huling parte ng video, binigyan ito ng solusyon nina John Lloyd at Ramon. Mayroon silang eksena roon na may tinatawag na “put your head on someone’s shoulder” o ang paglagay ng ulo mo sa balikat ng isang tao, hashtag hindi awkward!
Tulad ng nasa video, halimbawa nasa jeep kayo at biglang preno si manong driver, mapapasiksik ka sa katabi mo! Gawin itong hindi awkward sa paglagay ng iyong ulo sa kanyang balikat. Magagawa mo rin ang PDA moves na ito kapag naghihiraman kayo sa isang earphones at nakikinig ng paborito niyong kanta.
Ang PDA o Paglambing na ‘Di Awkward ay isang paalala na hindi lang sa girlfriend o boyfriend kayo puwedeng maglambing na hindi nakaiilang. Puwede rin ito sa mga kabarkada, maging kapwa lalaki o babae. Paalala rin ito na hindi porke’t masyadong magkalapit ang dalawang magkasintahan, Public Display of Affection na agad. Siyempre, kapag alam naman nilang hindi ito awkward, paglalambing lang iyan. Gayunpaman, ang pinaka-bottomline lang ng PDA, Public Display of Affection man iyan o Paglalambing na ‘Di Awkward, alamin ninyo ang limitasyon n’yo bilang magkasintahan o magkaibigan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo