ANG PAGKALAGDA ng Bangsa Moro Peace Agreement ay maaaring magtungo sa kapayapaan sa Mindanao. Mahigit na apat na dekada ang malagim na nagugol sa digmaan at iba-yong kahirapan ng pamahalaan at Muslim rebels. Ipinagbunyi ng bansa at buong mundo ang makasaysayang lagdaan.
Ngunit bago makamit ang tunay na kapayapaan, malayo at baku-bako pang landas ang tatahakin. Ang mahalaga, ang unang hakbang ay naisagawa na.
Sa natatanaw nang bukas, ang Mindanao ay susulong sa karapat-dapat na pag-unlad. Mapapalitan ang putok ng baril at dagundong ng kanyon ng ingay ng farm tractors at makina sa factories. Ang nakatagong mineral at wealth ay mabubungkal at ang kita ay magpapaangat sa uri ng buhay ng Muslim at Kristiyano.
‘Yong ibang maliliit na factions ay dapat himuking ibaba ang sandata at makipagtulungan na. Naniniwala akong gagawin nila ito sa maganda at mahinahong pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan.
Libu-libong buhay ang nabuwis; ang hinagpis at daing ng mga naulila ay mga tinig na humihikbi sa langit. Ngunit matatapos na rin ang kadiliman ng gabi. Ang liwanag ng umaga ay nababanaag na.
Sa makasaysayang pangyayaring ito, dapat pa-purihan ang Pangulong Noynoy, sampu ng negotiating panels sa magkabilang panig ng pamahalaan at rebelde. Ang mga rebelde ay umangat sa kanilang personal interes, isinantabi ang personal na alitan at piniling tahakin ang nararapat. Sa kabilang dako, ang government peace panel ay dapat magpamalas ng hinahon, pasensya at statesmanship sa napakahirap at masalimuot na pag-uusap.
Ang apat na dekada ay nakapahabang panahon. Subalit dininig ang ating lahat na panalangin. Give peace a chance!
At sa Pangulo, isang peace award ang karapat-dapat. Bakit hindi?
SAMUT-SAMOT
UMUGONG ANG haka-haka na nagkaroon diumano ng lobbying ang multi-national cigarette firms sa Senado. Money changed hands daw. Ikinagulat ito ni Sen. Ralph Recto kaya agad-agad siyang nagbitiw as chair ng Committee on Ways and Means. Mabigat na akusasyon na magdudumi sa kanyang reputasyon. Ngunit nasaan ang katibayan? Sa U.S., legal ang lobbying. Napakaliit daw ang P15 billion sin taxes sa bersyon ni Recto. Ang hangad ni P-Noy ay P30 bilyon para gastusin sa universal health care. Abangan natin ang mga susunod na developments.
BILIB KAMI kay Comelec Chair Sixto Brillantes sa kanyang political will. Dinis-qualify niya ang mahigit na 30 party-lists na diumano ay ‘di sumusunod sa a-lituntunin ng batas. Kung anu-anong party-lists ang sumulpot. Panahon na upang ihiwalay ang ‘di karapat-dapat. Mga milyunaryo ang kanilang representante. Ang iba ay hawak ng vested interests. Kagaya ng Ang Galing ni Mickey Arroyo. Anong karapatan ni Arroyo na i-represent ang mga security guard? Mas lalong makabubuti kung makababalik tayo sa two-party system.
MAY MGA nagsasabing zarzuela diumano ang la-ging pagkakasakit ni dating Pangulong GMA ‘pag siya’y nahaharap o babasahan ng kaso. ‘Wag naman. Very cruel ‘yan. Nagbabadya lang ito na galit pa sa kanya ang karamihan sa mamamayan. Kaawa-awa na. Si dating PCSO Chair Manoling Morato ay ganyan din ang dahilan. May sakit kuno sa puso kaya confined sa St. Luke’s. Ang tapang-tapang ng taong ito. Ngayon, parang pusang nakabahag ang buntot. Ngunit dapat din siyang kaawaan.
5-PEAT ANG Ateneo sa katatapos na UAAP basketball tourney. Sa susunod na taon, ewan kung tsampyon pa sila. Nag-resign na si coach Norman Black at 3 sa mainstays. Hinala namin, ang UST at NU ang mamamayagpag sa 2012. Intact ang team at nagkaroon na ng experience. Dapat dagdagan pa ang membership sa UAAP para lalo maging exciting. Ang PBA? Nilalangaw as usual.
MAHIGIT ‘SANG linggo ko ring binuno ang malubhang sipon, ubo at kati ng lalamunan. Nasa epidemic proportion na ang sakit. Dala ng palitan ng ulan at tag-init dahil sa climate change. Sa totoo, walang medisina sa common colds. Ang gamot ay pahinga, maraming tubig at personal hygiene. Ang aking sinus ay suminga rin na nagdala ng clogged nose at forehead discomfort. Lahat halos ng sakit may gamot except ang pagtanda. He, he, he.
DALA RIN ng pagtanda ang pagiging malimutin. Sinabi mo. Matagal na pangyayari sa nakalipas, madaling naalaala.Subalit ang nangyari kahapon, ‘di basta-basta. Kaya ang utak ay dapat laging gamitin sa maraming bagay araw-araw. Para ring kotse. ‘Pag ‘di ginagamit, mahirap i-start.
LUBOS AKONG nahahabag sa kalagayan ng aking matalik na kaibigan, George Manalac, 77. Halos lahat ng sakit mayroon siya kaya pabalik-balik sa ospital. Buti na lang, sagot ang gastusin ng Unilab, dati niyang employer. Araw-araw, kinukumusta ko siya. Ma-limit paiyak na sabi sa akin, gusto na niyang sumuko. Pinagdarasal kong bigyan siya ng grasya ng Diyos na mapaglabanan ang kanyang kondisyon.
PAGSUKO SA kalooban ng Diyos ang tanging susi sa kapayapaan sa buhay. Lahat ay may panahon at dahilan. Kalimitan ang Diyos ay nakikipag-ugnay sa atin sa mga pangyayari sa buhay. ‘Di Niya kalimitan sinasagot ang dasal natin sapagkat maaaring makasama sa atin ang ating hinihiling. Ang pagkakasakit ay maaaring pagpapaalala sa kanya sa kamunduhan ng ating buhay. Kalimitan sa tagumpay at kasaganaan, nalilimutan natin Siya. Faith, charity and surrender. Mga panuntunang natutuhan ko sa Cursillo. Mahigit nang 4 na dekada ang nakararaan, subalit sa aking pakikibaka sa buhay, mga ito ang matibay kong armas at kalasag.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez