ANG BUWAN ng Pebrero ay may samu’t saring kahulugan para sa iba’t ibang kabataan. Iba’t ibang paghahanda ang kanilang ginagawa sa pagdiwang ng Araw ng mga Puso.
Para sa mga Forever Alone o mga taong lagi na lang mag-isa sa buhay dahil mas pinipili nila ang mag-isa o dahil ayaw lang talaga sa kanila ng ibang tao, ang Pebrero ay binubuo ng dalawampu’t pitong araw lamang na para bang elevator na kung doon walang 13th floor, sa kalendaryo naman nila walang February 14.
Para naman sa mga NBSB o No Boyfriend Since Birth, malaking pagsubok pa rin sa kanila ang pagharap sa Pebrero dahil magmula nang ipinanganak sila hanggang ngayon, hindi pa rin sila handang pumasok sa isang relasyon. Siyempre alam mo na, masyadong takot masaktan. Masyado nilang pinoprotektahan ang kanilang mga puso.
Para naman sa mga taong may ka-MU o Mutual Understanding, aba! Kilig-kiligan ang peg ng mga taong ito lalo na kapag pinag-uusapan ang Pebrero. Sila rin ‘yung mga taong nag-aabang kung sa pagsapit ba ng Pebrero kung ang dating MU lang ay le-level up na sa isang sersyosong relasyon.
Para naman sa mga taong nasa isang ekslusibong relasyon, sila ‘yung mga taong tipong kahit limang buwan pa lang bago sumapit ang Pebrero, nagpaplano na sila kung anong date ang gagawin sa Pebrero 14. Sila rin ‘yung mga taong may date nga, butas naman ang bulsa.
Para naman sa mga man-hater o mga taong masyadong nasaktan sa kanilang nakaraang relasyon, pagdating ng Pebrero 14, tatlo lang ang maaari nilang gawin. Una, matulog nang buong araw. Pangalawa, uminom kasama ang tropa nang makalimot. At ang pinakamalala, pangatlo, ipagdasal ang kaluluwa ng kanilang yumaong ex. Ganyan sila kadesperadong makalimot. “Bitter” nga kung tawagin.
Pero kung tutuusin ang Araw ng mga Puso ay hindi lang para sa dalawang tao. Hindi ‘yun limitado sa kanila. Hindi lang ‘yan para sa mga crush, MU, boyfriend, girlfriend. Para ‘yan sa lahat. Lahat naman tayo may puso, lahat naman tayo nagmamahal. Maraming paraan ang puwedeng gawin sa pagdiwang ng okasyon na ito. At hindi porke’t sinabi na February 14, date agad sa iyong boyfriend o girlfriend. Dahil lahat naman puwede mong i-date basta’t mahal mo sa buhay. Kung single ka, hindi ‘yan problema at kailanman hindi ‘yan pinoproblema. Puwede ka namang makipag-date kasama ang iyong barkada. Puwede mo ring i-date ang iyong nanay, tatay, ate, kuya, bunso o kaya buong pamilya na! Kung tutuusin nga, mas masaya ang maramihan.
Ang Araw ng Mga Puso ay hindi lang para sa dalawang taong nagmamahalan. Ito ay para sa lahat ng taong umiibig sa kanilang mga pamilya at kaibigan. Hindi mo kailangang humanap ng ka-date ‘pag sasapit ang Pebrero 14. Dahi kahit saan ka lumingon, may ka-date ka kaagad. At sila ang mga taong laging nariyan para sa iyo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo