Dear Atty. Acosta,
GOOD DAY po! Ako po si Ranilo ng Bulacan. Ihihingi ko lang po ng payong legal ang kasal ko sa dati kong asawa. Apat na taon na kaming hiwalay ngayon at may dalawang anak. Ang panganay ay nasa kanya at ang bunso ay nasa akin. May GF po ako ngayon pero ‘di kami nagsasama. Gusto ko pong pakasalan ang GF ko ngayon, kaya lang po kasal ako sa dati kong asawa. 1997 po kami ikinasal at ako po ay 17 years old lang, siya po ay 20. Ang alam ko po pineke lang ng aking mga magulang ang edad ko para kami ay makasal. Isang dahilan po ba iyon na peke ang a-ming kasal? Paano po kung naipasok ng aking mga magulang ang aming marriage license sa NSO? Maaari po ba akong magpakasal sa GF ko ngayon kung peke naman ang aking kasal sa dati kong asawa? O makakasuhan po ako ‘pag nagpakasal ako sa GF ko ngayon? Gusto ko po sanang malaman ang mga dapat kong gawin para mapakasalan na ang GF ko nang hindi kami makakasuhan. Inaasahan ko po ang inyong mainit na pagtugon. Salamat po sa payong legal na inyong maibibigay sa akin.
Ranilo ng Bulacan
Dear Ranilo,
ANG PINAKAMAINAM na gawin ninyo sa pagkakataong ito kung nais ninyo talagang magpakasal na sa ibang tao, ay maghain ng kaukulang petisyon sa hukuman upang ipadeklarang walang bisa ang inyong kasal. Ayon sa batas, hindi pa maaaring magpakasal ang sinumang mas bata sa edad na labing walong (18) taong gulang. (Art. 5, Family Code of the Philippines) Kung ito ang nangyari sa inyong kaso, ang inyong kasal ay walang bisa sa mata ng ating batas dahil wala pa kayong legal na kapasidad magpakasal noong ito ay isinagawa. [Art. 35(1), Family Code of the Philipines] Gayunpaman, kahit na tinuturing na walang bisa mula sa simula ang inyong kasal, hindi maaaring basta-basta na lamang kayong magpapakasal na muli. Ayon sa batas, kung kayo ay dati nang ikinasal at walang bisa ang nasabing kasal, maaari lamang ulit kayong magpakasal sa iba kung kayo ay nakakuha na ng deklarasyon mula sa hukuman na talaga ngang walang bisa ang inyong unang kasal. (Art. 40, Family Code of the Philippines) Hindi maaaring ang mga partido lamang ang magsasabi na walang bisa ang kanilang kasal, kailangan patunayan pa ito at tanging ang hukuman lamang ang legal na makapagsasabi na walang bisa nga ang isang kasal.
Kapag kayo ay nagpakasal nang walang naunang deklarasyon ang hukuman na walang bisa ang inyong naunang kasal, maaari kayong kasuhan ng bigamy at dagdag pa roon, wala ring bisa ang inyong magiging pangalawang kasal.
Samakatuwid, kung nais na ninyong muling magpakasal sa ibang tao, kailangan ninyo munang maghain ng petisyon upang ipadeklarang walang bisa ang inyong kasal. At upang masimulan ang prosesong ito, kinakailangan ninyo ng isang abogado na tutulong sa inyo sa paggawa at pagsumite ng nabanggit na petisyon at kakatawan sa inyo sa harap ng hukuman. Kung inyong mapapatunayan sa pagdinig ng kaso na totoong kayo ay labing pitong (17) taong gulang pa lamang noong kayo ay ikinasal, walang magiging rason ang hukuman upang hindi ibigay ang deklarasyong inyong hinihiling.
Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.
Nawa’y kami ay nakatulong na maliwanagan kayo sa inyong suliranin.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta