SA MGA nangyayari ngayon sa ating kapaligiran, partikular ang mga malalakas na bagyo at paglindol, dapat lang na isipin natin kung anong sektor ng ating lipunan ang pinakanaaapektuhan ng mga delubyong ito.
Pansinin natin na sa bawat trahedya ay laging ang mga mahihirap nating kapatid ang pinakanagdurusa sa lahat ng sektor ng ating lipunan. Bakit kaya pati sa mga peligrong dala ng kalikasan ay mga mahihirap pa rin ang nadedehado? Kung baga, kung sa batas ng tao ay sinasabing pumapabor ito sa mga mayayaman, bakit tila pati ang batas ng Diyos ay pabor pa rin sa mga may kaya sa buhay. Ito ang gusto kong pag-usapan sa artikulong ito.
Ayon sa mga pag-aaral na lumalabas ngayon, kahirapan din o poverty ang dahilan kung bakit mas laging nalalagay ang buhay ng mga mahihirap sa peligro ng kalikasan. Ang pangunahing salik ng kahirapan bilang dahilan ng peligrong ito ay ang pinipili nilang lugar para sila ay manirahan.
Hindi natin maikakaila na ang mga lugar na ligtas tirahan ay hindi bukas sa pagpili ng mga mahihirap. Bunsod ng kapitalismo ay naging mahal ang manirahan dito kaya naitataboy nito ang mga maralita para manirahan sa mga lugar na walang masyadong naninirahan.
Sa Kamaynilaan ay makikita ang mga mahihirap sa mga lugar katulad ng mga tabing-ilog, sapa at ilalim ng mga tulay ng kalsada. Bawal man ang manirahan sa mga lugar na ito, nagtitiyaga ang mga maralitang Pilipino dahil wala silang ibang mapagpipilian. Ang peligro ng pagtaas ng tubig sa mga lugar na ito ay nalalaman nila ngunit pikit-mata nila itong tinatanggap.
Kaya noong dumating ang bagyong Ondoy at habagat ay maraming mga tulad nila ang nalunod sa pagbaha dahil sila ang unang apektado ng sakuna. Pagkatapos ng ganitong delubyo sa buhay nila, tatanggapin na lang nila ang ganitong kapalaran hanggang sa susunod na sakuna.
Ang ibig sabihin, hangga’t nananatili silang mahirap ay mananatili sila sa peligro na dulot ng kalikasan gaya ng bagyong Yolanda.
SA MGA probinsya naman ay masisilip din ang kahirapan kung saan nakatira ang mga maralita. Ang mga kababayan nating mangingisda at kanilang mga pamilya ay nananatiling nakatira sa tabi ng dalampasigan at hindi sa kapatagan.
Bukod sa dagat nanggagaling ang kanilang ikinabubuhay ay sapat din lamang ang kita para sa pang-araw-araw nilang buhay. Hindi na nila makakayanan ang mamuhay sa kapatagan dahil dagdag gastusin pa ito. Sa ganitong sistemang panlipunan nagpapatuloy ang kaapihan ng mga maralita. Ito rin ang naglalapit sa kanila sa tiyak na peligro sa kanilang buhay.
Alam ng ating pamahalaan ang peligro na dulot ng lokasyon na tinitirikan ng kabahayan ng ating mga mahihirap na kababayan. Ang malayong agwat sa antas ng kabuhayan nila sa mayayaman ang lumulikha ng kapalaran ng mga mahihirap na malapit sa peligro.
Ngunit, ang kapalarang ito ay nasa pagpili ng tao at ng pamahalaan. Makikita ang pagpiling ito sa mga binibigyang prayoridad ng pamahalaan sa tuwing maglalaan ito ng pondo para sa mga proyekto kada taon.
Napapanahon na para bigyang pansin ng pamahalaan ang anggulo na ito sa ating lipunan. Ang problema ng mundo sa climate change ay hindi dapat balewalain dahil ang bansang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa buong mundo na higit na apektado sa problemang ito.
Bukod sa pagtalima ng gobyerno sa mga iminumungkahi ng Department of Science and Technology para labanan ang climate change, dapat ding pag-isipan ng gobyerno ni PNoy ang puntong inilahad ko ngayon.
Hangga’t nananatili ang labis na kahirapan sa bansa at nanatiling nakatira ang mga kababayan natin sa mga lugar malapit sa tubig, mananatili ang peligro sa buhay ng mga mahihirap.
Shooting Range
Raffy Tulfo