Nag-premiere noong August 12 sa Trinoma ang Star Cinema movie na And I Love You So na pinagbibidahan nina Sam Milby at Bea Alonzo. Successful ang event dahil dinagsa ito ng fans at press people. Dinaluhan ito ng mga pangunahing bida ng pelikula.
Marami lang ang nagtaka dahil first time na nag-premiere ang isang Star Cinema movie sa Trinoma at hindi sa isang SM Cinema na kadalasan ay sa SM Megamall pa ginaganap.
Ayon sa isang source, may problema ngayon sa pagitan ng pamunuan ng Star Cinema at SM Cinema. Tinukoy ng source na financial ang dahilan kung kaya nagdesisyon ang film outfit ng ABS-CBN na huwag ipalabas ang And I Love You So sa lahat ng sinehan ng SM.
Since 2003 pa raw, hindi nagkakatugma ang financial statement ng SM at ng Star Cinema in terms of remittance na pabor sa huli. Dagdag ng source, may collectibles pa raw ang Star Cinema sa SM na hanggang ngayon, hindi pa nito nababayaran.
Wala raw kinalaman ang ‘love scenes’ nina Bea at Sam kung bakit hindi ipinalabas ang pelikula sa SM Cinemas. In fact, R-13 pa ang ibinigay na classification dito ng MTRCB.
Siniguro na lang ng mga namamahala sa Star Cinema na mapapanood pa rin ang And I Love You So sa 120 theaters nationwide.
by Eric Borromeo