AFTER the grand presscon of Sinag Maynila 2020 para sa kanilang ika-6 na edisyon ay nagkaroon ng announcement ang naturang film festival noong Sabado (Feb. 21, 7 p.m.) na hindi na kasali sa Sinag Maynila ang pelikula ng direktor na si Jay Altarejos.
Ikinagulat ng marami ang biglang pagkakatanggal ng pelikula ni Altarejos na Walang Kasarian Ang Digmang Bayan sa dahilang isa raw itong anti-Duterte film.
Ang pelikula ay pinagbibidahan nina Rita Avila, Sandino Martin, Arnold Reyes at Oliver Aquino.
Sa trailer ng pelikula ay may linya si Rita na, “Ako mismo ang papatay kay Duterte” na puwedeng hindi nagustuhan ni Direk Brillante na isang masugid na taga-suporta ni Pangulong Duterte.
Sa inilabas na statement ng Sinag Maynila ay sinabi nilang, “After thorough review, found that there is substantial deviation from the submitted and approved script and that the film is no longer a faithful representation of the approved screenplay.”
Kuwento ng publicist ng pelikula na si Josh Mercado, tinawagan agad siya ng direktor upon learning na tatanggalin na ang pelikula sa Sinag Maynila. Ayon daw kay Direk Altarejos, pinag-initan ni Mendoza na siyang tumatayong festival director ng Sinag Maynila, ang pelikula ng direktor dahil sa mensahe nito.
Katuwiran ni Mendoza, may mga tumawag daw sa kanila na investors ng Solar at ng Sinag Maynila na nagpahiwatig na hindi nila nagustuhan ang mensahe ng pelikula. Binigyan din daw ng instructions si Direk Jay kailangan niyang i-reshoot ang ibang eksena.
Obserbasyon naman ng iba, mukhang sa presscon pa lang ng Sinag Maynila ay hindi na nagustuhan ni Direk Brillante ang trailer ng pelikula at ang pagsusuot ni Direk Jay ng T-shirt ng ABS-CBN. Noong nire-review ang pelikula ay hindi rin daw ito pinanood nang buo ni Mendoza.
Lima ang full length film na kasali sa Sinag Maynila 2020 which will start on March 17 hanggang March 24. Pero dahil sa pagkatsugi ng Walang Kasarian ang Digmang Bayan, apat na lang ang natitira – He Who Is Without Sin ni Jason Paul Laxamana, The Highest Peak ni Arnel Barbarona, Kintsugi (Beautifully Broken) ni Lawrence Fajardo at Latay ni Ralston Jover.