PARA akong nanonood ulit ng That’s Entertainment sa Broadway Centrum sa preview ng Yorme (The Movie) produced by Saranggola Media Productions and directed by Joven Tan nung Wednesday, Oct. 13, 2021. Ang Yorme ay isang musical film na pinagbibidahan nina Raikko Mateo, McCoy de Leon at Xian Lim. Istorya ito ng buhay ni Manila Mayor Isko Moreno.
Bukod sa very entertaining na mga musical production numbers at ibang mga songs of hope nina Raikko, McCoy at Xian sa Yorme, maganda ring makita na nag-reunion sa pelikula ang mga dating sikat na members ng youth-oriented show ni Kuya Germs kahit pa cameo role lang sila.
Yung ibang mga taga-That’s ay halatang medyo nag-iba at nagbago na ang itsura but still, mare-recognize pa rin sila ng fans. Ilan sa nag-cameo sa Yorme ay sina Bryle Mondejar, Jojo Abellana, Jennifer Mendoza, Jovit Moya, Manolet Rippol, Jojo Alejar, Lovely Rivero, Keempee de Leon, Ricky Rivero, Karen Timbol, Jeffrey Santos at Maricar de Mesa.
Maganda ang role ng iba pang former That’s Entertainment members na nina Tina Paner at Monching Gutierrez na gumanap na magulang ni Isko. Si Jestoni Alarcon ay si Daddy Wowie Roxas, discoverer/manager ni Isko. At si Janno Gibbs naman ang nagbigay buhay sa karakter ni Master Showman at star builder na si German ‘Kuya Germs’ Moreno.
Kudos to Direk Joven, 2013 grand champion ng Himig Handog P-Pop Love Songs (para sa kantang Ano’ng Nangyari Sa Ating Dalawa) dahil ang gaganda ng mga kantang sinulat niya para sa musical film. Lumabas talaga ang hindi matatawarang galing niya pagdating sa lyrics at melody ng mga kanta.
Nakaka-LSS (last song syndrome) ang dalawa sa mga kanta ni Mccoy na Nais Ko at Artista Na Ako. Iba rin ang impact ng song ni Raikko titled Naniniwala Ako. At siyempre, ang Alam Ko Po Yon ni Xian. Boses talaga nilang tatlo ang ginamit sa kanilang mga kanta.
Kuwela din ang production numbers ni Janno bilang Kuya Germs suot ang glittery niyang coats na naging trademark na ng TV host. Of course, may konting kwento rin sa humble beginnings ng Master Showman.
Isa sa dapat abangan sa Yorme ay kung gaano kahusay si McCoy bilang actor at kung gaano kalakas ang kanyang screen presence sa movie. Talagang nag-shine siya sa kanyang mga eksena. Malaking bagay din siguro na isa siyang Tondo boy kaya naka-relate siya sa character ni Isko.
Bagama’t na-capture ng cinematography ng Yorme ang dagat ng kahirapan noon sa Tondo, hindi naman nawalan ng pag-asa si Isko na hanapin ang “silver lining” sa kabila ng hindi magandang sitwasyong pinagdaanan niya sa buhay.
Malapit nang mapanood ang Yorme sa mga sinehan at ibang streaming platforms. Abangan!