Pera + Eleksyon = Krimen

BAKIT TUMATAAS ang insidente ng krimen sa ating bansa? Bukod pa sa pang-araw-araw na krimen na nasasaksihan natin sa kalsada ay may malaking problema pala ngayon sa kidnapping kung saan ang mga Chinese businessmen ang pinupuntirya. Resulta nito ay maraming mga businessmen ang nangangamba na baka sila na ang susunod na target ng mga ito.

Ano na ba ang nangyayari sa ating bansa at tila samu’t saring mga problema ang sunud-sunod na naglilitawan sa panahaon ng administrasyong Aquino? Ito ba ay resulta ng pagiging mahina umano ng ating Pangulo bilang isang tagapangasiwa o manager ng buong bansa? Maaari ring gaya ng dati na sa tuwing lumalapit ang eleksyon ay tila dumarami ang insidente ng kidnapping at malamang ay malaki ang kinalaman nito sa mga sindikatong sumusuporta sa pondo ng isang politiko para sa pangangampanya.

Kung tama ang teyoryang ito ay talagang nasasadlak sa panganib, hindi lamang ang mga Chinese businessmen, kundi pati na rin ang buong bansa. Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang teyoryang ito at kung saan ito nag-uugat. Tatalakayin din natin ang maaaring solusyon sa seryosong problemang ito ng ating bansa at lipunan.

 

SABI NG isang philosopher na si Freidrich Hegel sa kanyang teyorya ng dialectics, makikita ng isang tao ang kabuuan ng kasaysayan sa pamamagitan ng prinsipyong deduction sa mga palagiang nagaganap sa ating lipunan, lalo’t kung babalikan lagi ang nakaraan. Ito ang framework na aking ginagamit kaya ko sinasabi na maaaring may kinalaman ang talamak na kidnapping sa tuwing palapit na ang eleksyon. ‘Ika nga ni Hegel ay “dialectic” ito.

Ipinapalagay ko na dahil sa malaki ang papel ng pera sa pagpopondo ng kampanya ng mga politiko rito sa ating bansa ay maaaring ginagamit ang pera mula sa kidnapping bilang “means” para makaupo sa puwesto ang isang tiwaling politiko at sa huli ay kumita ng mas malaking pera at makipagkuntiyabahan sa mga taong may iligal na gawain sa bansa gaya ng pagbebenta ng droga.

Ang mas malaking problema ay hindi nakikita ng tao ang motibo ng mga kandidatong politiko sa ating bansa dahil napagtatakpan ito ng mga magagandang political advertisement at perang ipinamimigay nila sa mga mahihirap sa pagsapit ng eleksyon. Ang mas malaking larawan ng problemang ito ay nagpapakita ng isang paikot-ikot na kasamaan, korapsyon, panlilinlang at kawalang hustisya sa mga biktima. Isang vicious cylcle lamang ang problema natin sa politika sa bansa.

NAGIGING GAWI ang ganitong kalakaran sa politika dahil mukhang epektibo ang kapangyarihan ng pera sa pagkakapanalo sa eleksyon. Mahirap ding hanapin ang grupong gumagawa ng kidnapping tuwing sasapit ang eleksyon dahil nawawala ang ganitong aktibidades kung matatapos na ang eleksyon. Ang pinakaepektibo na solusyon dito ay dapat ugatin ang pinagmumulan ng pamumuhunan gamit ang kidnapping. Ito ay walang iba kundi ang kapangyarihan ng pera sa eleksyon.

Palibhasa ay tanggap na rito sa ating lipunan na kung sino ang may pera ay siyang nakauupo sa kapangyarihan. Habang yumayaman sila ay lalong tumatatak ang kanilang pangalan sa politika dahil malimit din ang kanilang panalo sa eleksyon gamit ang kanilang pera. Kung ganito nang ganito ay walang mangyayari sa ating bansa at lalo lamang tayo malulubog sa kahirapan.

Habang ito ay hindi binabago ng COMELEC at habang walang batas para ayusin ito ay mananatili tayong tali sa problema. Ang problema, dahil ito ay isang vicious cycle, wala ring mga batas na maipapasa hinggil dito dahil ang mga tiwaling mambabatas na nanalo dahil sa pera lamang at suporta ng mga masasamang elemento ng ating lipunan, ay tiyak na hindi susuportahan ang ganitong batas.

Ang mga batas gaya ng Freedom of Information Bill (FOI) at “anti-dynasty law” ang ilan sa mga batas na malaki ang magagawa upang pigilan ang pagdomina ng mga makapangyarihan at mayamang kandidato sa eleksyon. Dapat din ay magkaroon ng pantay na laban at pagkakataon ang mga tunay na lingkod-bayan na tumakbo at manalo sa eleksyon sa kabila ng kanilang kawalang-pera at taga-pondo sa kampanya.

KUNG MAKAPANGYAYARI lamang ang “idealism” ng philosopher na si Plato hinggil sa kanyang paniniwala na “those who own cannot rule and those who rule cannot own” ay tiyak na mawawala ang korapsyon sa gobyerno at tuluyang mabubura ang kasamaan sa lipunan. Sa ganitong patakaran kasi ay magiging tapat na tagapaglingkod lamang ang mga lider ng bansa.

Kayang baguhin ang paghahari ng pera sa lipunan kung magiging pantay ang labanan sa eleksyon kung regulated ang pangangampanya. Halimbawa ay ang mga mayayamang kandidato na kayang maglabas ng malaking pera sa pangangampanya ay kailangang pag-utusan ng batas na magbigay ng katumbas na pera na ilalagak sa COMELEC upang gamitin ng COMELEC para pondohan ang kampanya ng mga mahihirap na kandidato.

Maaari ring maglagay ng campain fee ang COMELEC para sila lang ang maglalabas ng mga pangalan at TV advertisement para pantay-pantay ang lahat ng kandidato sa pangangampanya maging mayaman, mahirap, sikat o hindi man ang mga ito. Ang gobyerno ay puwedeng magbigay ng subsidiya o mismong sumagot sa campaign fee ng mga kandidatong tunay na mahirap at walang pera at taga-pondo sa eleksyon.

MAHIRAP NA kumbinasyon ang pera at eleksyon dahil ito ang pinagsisimulan ng maraming krimen gaya ng kidnapping na laganap sa tuwing sasapit ang eleksyon. Maraming paraan para maalis ang kumbinasyon na ito na dapat pag-isipan ng COMELEC. Posible ang pangangampanya na hindi sumisentro sa pera at kayamanan ng kandidato. Kung ang gobyerno, sa pangunguna ng COMELEC ang magpapatupad ng pag-regulate ng pangangampanya sa ganitong paraan.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleNagbayad na sa ahensya pero ‘di pa nakaaalis: Illegal recruitment?
Next articleMarissa Sanchez, ayaw nang patulan si DJ Mo Twister

No posts to display