NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Pakikalampag naman po ang mga kinauukulan para masaway ang mga illegal vendor sa kahabaan ng L. Rivera sa Blumentritt dahil nakasasagabal na po sa mga sasakyan. Ang tatapang pa ng mga vendor kapag nag-parking ka saglit ay nagagalit na sila na akala mo ay pag-aari na nila ang kalsada.
Hihingi po sana ako sa inyo ng tulong para mapaalis ang mga nagkalat na vendor dito sa talipapa ng Brgy. Pembo, Makati City. Grabe ang traffic mula 10:00 am hanggang 9:00 pm pero dedma lang iyong mga taga-barangay. Sana po ay maaksyunan.
Isa po akong concerned citizen, irereklamo ko lang po ang grabeng traffic sa intersection ng Tejero, General Trias, Cavite. Sana po ay makalampag ang kinauukulan para mabigyan ng solusyon ang trapiko dahil inaabot nang oras bago makatawid sa nasabing intersection. Grabeng abala po ang dinaranas ng mga commuter.
Isusumbong ko lang po sana iyong talamak na holdapan diyan sa Pier 4. Sana po ay maaksyunan ninyo dahil kawawa naman po kaming mga pasahero ng barko galing Visayas.
Pakikastigo naman po ang mga kotong cops sa bandang 6th Avenue, Caloocan dahil grabeng mangotong lalo na sa madaling-araw.
Reklamo ko lang po ang mga bangketa dito sa Buaya, Lapu-lapu City, Cebu dahil ginawa nang paradahan ng mga padyak at motorsiklo kaya ang mga tao ay sa gitna na ng kalsada dumaraan.
Reklamo ko lang po iyong illegal terminal sa tapat ng police station sa Alabang sa tapat ng South Station. Kahit nakabalandra sa daan ay hindi hinuhuli o sinasaway ng mga pulis. Nakaharang na nga sila sa pedestrian lane ay roon pa sila nakapuwesto sa no loading and unloading area.
Concerned Citizen po ako, reklamo ko lang po iyong sa barangay namin sa San Martin de Porres, Parañaque City dahil walang ilaw at CCTV rito. Noon pa man ay may naholdap at napatay na po rito at nitong kailang lang ay may naholdap ulit na dalawang babae at nasaksak pa nga ang isa. Malapit lang din po sa barangay ang pangyayari, pero hindi nahuli dahil walang CCTV at ilaw sa Service Road. Ang liwanag lang po na nanggagaling sa expressway ang nagbibigay ng konting liwanag sa kalye. Sana po ay maaksyunan ng kinauukulan. Salamat po.
Gusto ko lang pong ireklamo ang mga walang kuwentang staff ng aming health center dito sa Brgy. C.A.A., Las Piñas City dahil walang ginawa kundi mag-cellphone at mag-laptop. May isa pang staff na namemera sa pagpapahikaw ng baby. Gusto po sana namin na maaksyunan ninyo.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Luneshanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo