Pesteng stray cats

SABI NG APO ko, ‘di ko dapat patulan ang mga pesteng stray cats. ‘Di ako sumang-ayon. Araw-gabi pulutong ng stray cats labas-masok sa hardin. Naghahabulan sa bubong. At natutulog sa loob ng makina ng kotse. Laking perhuwisyo!

Ganyan ang epidemya ng stray cats sa aming Pasig subdivision. Mga basura sa kalye kinakalkal. Mga mababahong dumi kinakalat sa lansangan. Kawawalis mo lang ng paligid ng bakuran, sa isang iglap, marumi na naman.

Kahit sa mga upscale subdivisions, mga stray cats, problema rin. Kamakailan, napabalitang 50 stray cats ang pinagbabaril at napatay sa Forbes Park. Ito’y umani ng hiyaw at galit sa mga pet lovers. Sa akin, dapat lang. Sus, araw-gabi talagang perhuwisyo.

Nu’ng bata pa ko, pusa ang aking paboritong pet. Sa loob ng bahay nakatira, kumakain at dumudumi sa tamang lugar. Nakapag-alaga ako ng mahigit 50 pusa hanggang sa aking pagkabinata. Ibang uri ang pusa noon. Ngayon mababaho, matatapang at makukulit. Naputol ang aking pag-aalaga nu’ng nagka-asthma ang aking kapatid. Payo ng doktor, huwag mag-alaga ng pusa. Tapos.

Subalit may isang benepisyo sa pagdami ng stray cats sa aming subdivision. Nawala ang mga daga! Dati-rati nagtatakbuhang ang mga malalaking daga. Nanggugulantang sa hardin at kahit pasilyo ng bahay. Nagtatakbuhan din sila sa loob ng kisame at lumang cabinet.

Bukas mag-uusap ang homeowners’ association tungkol sa problema. Ewan kung anong nararapat. Hirap hulihin ang mga pesteng animal. Anong say n’yo?

SAMUT-SAMOT

MAY MGA ARAW na tuyo ang isip sa paksang dapat isulat sa pitak na ito. Kahit anong gawin, walang pumasok sa ulo. Very mentally agonizing. Ito ang tinatawag na mental drought ng manunulat. Subalit may mga araw na may mga paksang pumapasok sa isip. Kaya hablot agad ng panulat. Baka mawala ang inspirasyon at paksa.

PAGKATAPOS NG MISA kahapon sa Christ the King Church sa Quezon City, napag-usapan namin ng isang matagal nang kaibigan ang paksa ng kamatayan. Pareho kaming senior citizens. Masasakitin. At naghihintay ng tawag sa departure area ng buhay. Payo niya: “Huwag kang matakot sa kamatayan. Gabi-gabi – sa pagtulog – nagsasanay tayo ng pagkamatay, ‘di ba? Pagtulog mo, parang patay ka na. ‘Di mo alam kung mumulat pa ang mga mata kinabukasan.”

Makatuwiran. Nagpapaalis sa akin ng takot araw-gabi. Kailangang sumunod sa utos ng Diyos at gumawa ng mabuti. Walang dapat ikatakot. Amen.

SOBRANG HIGH PROFILE si DoJ Sec. Leila de Lima. Halos lahat ng isyu, pinapatulan. Sa dami nila, tanong ng ‘di iilan, kung ano na ang kanyang nagawa. Imbestigasyon, kaliwa’t kanan. Subalit anong resulta?

PANIG AKO SA pag-iimbistiga sa mga tax evaders na mga doktor. Daang libo linggo-linggo ang kinikita ng maraming top doctors. Subalit ‘di ba n’yo napapansin, bihira sa kanila ang nagbibigay ng official receipts. Get them, Commissioner Henares.

PINAAABOT KO ANG pakikiramay sa pamilya ng yumao kong kaibigan, Jerry Esquivel. Mahigit kaming 20 taong magkasama sa Unilab, pinakamalaking pharma sa Asia. Pumanaw sa edad 64 dahil sa sakit sa puso. Nakakalungkot ‘pag isa sa hanay ng iyong edad ay pumapanaw. Ngunit talagang ganyan ang buhay. Walang inuugatan. Kaya ang tao, ‘di dapat maging palalo at gawing diyos and kuarta at kapangyarihan. Lahat ay may hangganan.

NALUNGKOT DIN AKO sa balita na terminal case na sa colon cancer ang college friend kong si Butch del Castillo, isang batikang manunulat. Marami kaming dalisay na pinagsamahan ni Butch. Hanggang matapos ang aming kurso, kami’y magkasama pa rin sa pagsusulat. Dati siyang Business Editor ng Manila Standard at kasalukuyang columnist sa Business Mirror. Naniniwala ako sa milagro.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleMagsikentot kayo!; at ang P2-B loan ng Pasay
Next articleIba ang apelyido sa birth certificate

No posts to display