ISANG KARAMDAMAN ang nagbibigay pangamba ngayon sa ating mga kapatid sa West Africa na kasalukuyang humaharap sa paglaganap ng isang epidemyang kumitil na ng maraming buhay na walang pagsasaalang-alang sa kasarian o edad ng isang indibidwal.
Ang karamdamang ito ay ang Ebola Virus Disease o EVD.
Noong 1976 unang nadiskubre ang EVD sa mga bansang Sudan at Zaire. Ang unang outbreak ng naturang sakit ay naitala sa Sudan na tumama sa 284 na katao at bumawi sa buhay ng 150 na dinapuan ng EVD. Paglipas lamang ng ilang buwan, ang pangalawang pag-atake ng Ebola ay nangyari sa Yambuku, Zaire na nagtala ng pinakamataas na porsyento ng pagkamatay. Tinatayang 88% ng mga apektadong indibidwal ang nangamatay dahil sa malubhang karamdamang ito.
Naitala ang pinakahuling mga kaso ng EVD sa ilang parte ng Estados Unidos noong nakaraang taon, kung saan ilang mga kawani ng kanilang kagawarang pangkalusugan ang nahawaan ng Ebola.
Bagama’t wala pang dokumentadong kaso ng Ebola sa ating bansa, ang PhilHealth ay naglaan na ng tulong na maaaring ipaabot sa ating mga kababayan kung sakaling sila ay dapuan ng nakababahalang sakit.
Upang patunayang totoo ang PhilHealth sa adhikaing bigyang proteksyon ang aming mga miyembro mula sa pinansyal na kagipitan na dulot ng iba’t ibang karamdaman, partikular na ang EVD, nakahanda na ang komprehensibong benepisyo sa mga miyembro at kanilang mga dependent upang magarantiya ang wastong pangangalaga sa may sakit at mapigilan ang pagkalat ng Ebola sa Pilipinas.
Ang PhilHealth ay may dalawang uri ng benefit package para sa mga kumpirmadong kaso ng Ebola na dumaan sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Sagot ng PhilHealth ang mga gastusin para sa laboratory procedures, mga gamot, at lahat ng aspeto ng pagsasala at pagkukumpirma ng impeksyon sa pasyente, confinement sa isang ospital na idinisenyo upang mapigilan ang paglaganap ng sakit, pamamahalang medikal, at iba pang pamamaraan upang maayos na mapangalagaan ang may sakit.
Nais din po naming ipabatid sa inyo na ang No Balance Billing Policy ay maaaring magamit para sa Ebola Virus Disease benefit packages ng PhilHealth.
Ang EVD Basic Package ay ibibigay sa mga pasyenteng kumpirmadong apektado ng nasabing sakit at may confinement na tinatayang hindi lalagpas ng pitong (7) araw. Nagkakahalaga ito ng P110,000.00 na mahahati sa Health Care Institution Fee (P85,400) at Professional Fee (P19,600). Bukod pa rito ang halagang P5,000 para sa ambulance conduction.
Kapag ang isang kaso ay kakailanganin ang mas masusing pagpapagamot at pag-aalaga, handa pa rin ang PhilHealth na magpaabot ng tulong sa pasyente. Ang EVD Extended Package ay nakalaan para sa mga kasong mangangailangan ng higit sa pitong (7) araw na confinement. Ang halaga ng benepisyo ay P16,000 kada araw paglampas ng unang pitong (7) araw na sakop ng EVD Basic Package. P13,200 naman mula sa halagang nabanggit ang magiging diskwento sa mga gastusing pang-ospital at P2,800 ang dapat maibawas sa singil ng mga duktor. Ang EVD Extended Package ay may karagdagang hanggang pitong (7) araw ng benepisyo o katumbas ng P112,000.
Naging epektibo na ang pagpapatupad ng mga nabanggit na benepisyo noong Enero 1, 2015.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paksa natin ngayon, tumawag sa aming Call Center sa (02) 441-7442, mag-email sa [email protected], mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth, o sa aming Twitter account, www.twitter.com/teamphilhealth.
Source: https://web.stanford.edu/group/virus/filo/history.html
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas