ISA NA namang maituturing na karangalan para sa PhilHealth ang magawaran ng Anti-Red Tape Act (ARTA) Breakthrough Agency Award para sa taong 2014 ng Civil Service Commission (CSC) para sa dekalidad at natatanging serbisyo para sa mga kliyente nito bilang pagtugon sa probisyon na isinasaad sa ARTA.
Para sa kaalaman ng ating mga tagasubaybay, ang ARTA ay naglalayong mapabilis ang transaksyon sa gobyerno sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas pinadaling mga proseso. Nilalayon din nito na maiwasan at lutasin ang katiwalian sa mga ahensiya at makapagbigay ng karampatang kaparusahan sa mga empleyadong masasangkot sa anumang katiwalian.
Ang CSC, bilang tagapangasiwa ng ARTA ay nagsasagawa ng Report Card Survey, kung saan ang isang ahensiya ay sinusukat sa pamamagitan ng pagkuha ng feedback mula sa mga kliyente at kung sinusunod ng mga ahensiya ng gobyerno ang kanilang Citizen’s Charter.
Ano ba itong Citizen’s Charter? Ang Citizen’s Charter ay nagsisilbing patnubay/gabay ng bawa’t kawani ng gobyerno kung paano nila dapat isagawa ang kanilang mga tungkulin sa kanilang mga kliyente. Makikita rito ang detalyadong pamamaraan na may kinalaman sa transaksiyon kabilang ang iba’t ibang serbisyo; haba ng oras na isinagawa ang serbisyo; mga kinakailangang bayarin at mga pamamaraan kung paano nireresolba ang isang reklamo.
Isa rin sa mga sinusuri ng nasabing survey ay ang pagsunod sa probisyon ng ARTA tulad ng pagpapatupad ng No Noon-Break Policy, no fixing activities, ang pagsusuot ng mga nameplates ng mga frontliners at ang pagkakaroon ng public assistance at complaints desk.
Upang mas lalong masuri kung ang mga pamantayang nabanggit ay totoong sinusunod ng bawat ahensiya, kinakalap din ang komento ng publiko sa pamamagitan ng Contact Center ng Bayan.
Tunay na napakahalaga ng bawat komento ng ating mga mamamayan para sa ikagaganda at ikabubuti ng serbisyo ng pamahalaan. Kaya lubos kaming nagpapasalamat sa ating mga kababayan na laging sumusubaybay sa aming mga serbisyo upang matagumpay na maisakatuparan ang isinasaad sa batas.
Sa limang ahensiya na nakatanggap ng Anti-Red Tape Act Breakthrough Agency Award, nakakuha ang PhilHealth ng “Excellent” rating na umabot sa 47.83 percent para sa 66 na tanggapan nito sa buong bansa.
Ang karangalan pong ito ang mas lalong nagbibigay ng inspirasyon sa amin upang patuloy naming gampanan nang buong katapatan ang aming adhikain na mabigyan ng kaginhawaan ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng maayos at tuwid na serbisyo tuwing sila ay bumibisita sa aming opisina.
Para sa karagdagang impormasyon, tumawag lamang sa Corporate Action Center ng PhilHealth, 441-7442 o magpadala ng e-mail sa [email protected]. Maaari ring bumisita sa www.facebook.com/PhilHealth o sawww.youtube.com/teamphilhealth.
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas