MAPUTI NA ang buhok, kulubot na ang balat, mahina na ang tuhod, makakalimutin, maigsi ang pasensya, at iba pa.
Bagama’t may katotohanan, ito ay ilan lamang sa mga katangiang masakit marinig para sa ating mga mahal sa buhay na nakatatanda. Subalit, dapat nating tandaan na ang pagtanda ay parte na ng sistema ng ating katawan. Hindi natin ito mapipigilan at lalong hindi natin maibabalik ang nakaraan.
Simula ika-1 hanggang ika-7 ng Oktubre 2015, ating ipinagdiriwang ang Linggo ng Katandaang Pilipino o Elderly Filipino Week (EFW) alinsunod sa Proclamation No. 470 serye ng 1994 sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa espesyal na okasyong ito para sa mga mahal nating nakatatanda, kami sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay nakikiisa sa makabuluhang pagdiriwang na ito. Ang team PhilHealth ay katuwang sa mga sumusunod na aktibidades para sa mga nakatatanda tulad ng: Walk for Life na gaganapin sa Quezon City Memorial Circle (October 1); Forum for the Retirees na gaganapin sa DSWD New Lobby (October 2); Dalaw Kalinga sa GRACES and Haven for Elderly, Visit to Visitorless, Indigent, Sick, Older Prisoners (VISO) sa Muntinlupa Correctional for Women; Ulirang Nakatatanda Awards at Thanksgiving Mass (October 3-4); Disaster Preparedness for Senior Citizens sa Bulwagang Amoranto, Quezon City Hall (October 6); Talakayan – Forum on Social Insurance sa SM Megamall (October 7); gayundin ang pribilehiyo ng libreng sakay sa LRT, MRT, at PNR (October 3-4).
Kami’y nagpupugay sa mga mahal nating senior citizens dahil bahagi sila sa malaking pagbabago at pag-unlad ng ekonomiya ng ating bansa.
Isa ang PhilHealth sa mga ahensyang may programa para sa mga nakatatanda.
Una na rito ang pagkakaroon ng Lifetime Member Program kung saan maaaring mapabilang ang mga retirado at pensyonado na nakapaghulog ng hindi bababa sa 120 buwanang kontribusyon sa PhilHealth. Habambuhay na silang may coverage nang hindi na kailangan pang magbayad ng prima.
Bukas din ang Senior Citizen Member Category para sa mga Pilipinong may edad 60 taong gulang at hindi kailanman naging miyembro ng programa o ‘di kaya ay hindi sapat ang naihulog na kontribusyon. Sila ay awtomatikong kasapi sa bisa ng Republic Act 10645 o ang mandatory PhilHealth coverage of all senior citizens.
Subali’t kung ang isang senior citizen ay mayroon pang regular na pinagkukunan ng kita, siya ay magpapatuloy pa rin ng kontribusyon sa PhilHealth at patuloy na makakukuha ng benepisyo bilang kasapi sa ilalim ng programang pormal o impormal na ekonomiya.
Kung sakali naman na ang senior citizen ay kasama na sa talaan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) o Listahanan ng DSWD at gayundin sa Sponsored Program, ay hindi na sila sakop ng RA 10645 dahil sila ay kasalukuyang miyembro na ng programa.
Anu-ano naman ang mga benepisyong maaaring makamit ng ating mga senior citizens?
Sila ay maaaring magkamit ng mga dekalidad na serbisyong medikal katulad ng outpatient at inpatient benefit packages, Z benefit packages para sa mga malulubhang sakit, mga special benefit packages tulad ng Animal Bite Package, Outpatient Malaria Package, TB-DOTS Package, HIV-AIDS Benefit Package, MERS-CoV, at Ebola Packages. Maaari rin silang magkamit ng discounted pneumococcal vaccines mula sa mga vaccine access points at ang No Balance Billing policy ay tiyak na kanilang mapapakinabangan kung sakaling magkasakit at maospital sila sa pampublikong pasilidad na accredited ng PhilHealth.
Bukod dito, nakikiisa rin sa pagdiriwang ng EFW ang aming mga PhilHealth Regional Offices sa buong kapuluan.
Mahalin at respetuhin natin ang nakatatanda dahil malaki ang naging kontribusyon nila sa bawat isa sa atin dahil minsan din silang naging bata, estudyante, empleyado at magulang na humubog sa atin at sa kasalukuyang henerasyon. Kung ano man tayo ngayon utang natin sa kanila ang ating buhay, kaya’t matuto tayong gumalang sa nakatatanda sa atin.
Para sa karagdagang impormasyon sa Senior Citizen at Lifetime Member Programs ng PhilHealth, maaari kayong makipag-ugnayan sa alinmang pinakamalapit naming opisina o kaya tumawag sa aming Corporate Action Center (CAC) sa numerong (02) 441-7442. Maaari rin mag email sa [email protected] at bumisita sa aming official website: www.philhealth.gov.ph o sa aming mga social media accounts: www.facebook/PhilHealth at www.twitter/@teamphilhealth.com.
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas