KAYBILIS TALAGA ng panahon. Biruin ninyo, nasa ika-pitong araw na pala tayo ng unang buwan ng taong 2015! Kung kaya’t bago ko makalimutan, hayaan n’yo po munang batiin ko kayo ng isang Manigong Bagong Taon!
Ang taong 2015 ay Year of the Green Wooden Sheep (or Goat) batay sa Chinese Calendar. May dala raw suwerte at kasaganaan ang taong ito dahil ang tupa o kambing ay kumakatawan sa pagkakaisa, magandang pagsasamahan at kahinahunan.
Kayo ba ay naniniwala naman sa suwerte? Ako, personally ay naniniwala rito. Subalit lagi po nating tatandaan na anuman ang nangyayari sa ating buhay, mabuti man o hindi ay epekto ng mga bagay na ating isinasagawa. Siyempre, ang magandang kapalaran ay bunga ng ating masidhing pagitiyaga, pagsisikap at paghihirap.
Subalit sisiguraduhin ko sa inyo na ang Team PhilHealth ay talagang nakalaang maging masuwerte sa taong ito dahil sa kahit na sandamakmak ang hirap at mga intrigang pinagdaanan ay narating pa rin nito ang kanyang ika-20 taon ng pagkakatatag. Ito ay ipagdiriwang sa ika-14 ng Pebrero ng taong ito, na may temang “Ensuring Universal Coverage for Al Filipinos.”
At kaugnay ng pagdiriwang na ito ay magkakaroon ng ikalawang Nationwide Simultaneous Run sa Pebrero 15, 2015 na gaganapin sa sumusunod na 13 lugar sa bansa: Baguio, Dagupan, Tugegarao, Lucena, Olongapo, Quezon, Lipa, Naga, Iloilo, Cebu, Tacloban, Davao at Koronadal. Inaasahang mga 60,000 runners ang makikilahok mula sa nasabing mga lugar.
Tinawag na PhilHealth: Ready…TSeKaP…Go!, ito ay isang paraan upang lubusang makamit ang Kalusugang Pangkalahatan ng Aquino administration. Nilalayon din nito na mapataas ang kamalayan ng publiko sa mga benepisyo at serbisyong ipinagkakaloob ng PhilHealth sa mga miyembro nito.
Ang nasabing simultaneous run ay bukas sa lahat ng Pilipino at maging sa mga dayuhan na may magandang kundisyon ng pangangatawan. Maaari silang magparehistro sa alinman sa apat na kategorya: 3K, 5K, 10K, o 20K. Ang mga interesadong lumahok ay maaaring mag-download ng registration forms mula sa run2015.philhealth.gov.ph, isumite ang forms at magbayad ng registration fees sa PhilHealth regional at local health insurance offices ng kanilang nais na run-site.
‘Yung mga nais na sumali sa Quezon City at Iloilo City editions ay maaaring magrehistro online sa run2015.philhealth.gov.ph.
Ang makakalap na pondo mula sa registration fees at sponsorships ay magbibigay-benipisyo sa halos labintatlong lokal na institusyon, pangunahin na rito ang vulnerable sector ng lipunan. Ngayon pa lamang po ay tanggapin ninyo ang aking pasasalamat sa inyong suporta para sa magandang adhikaing ito.
Nais ko ring pasalamatan ang ating major sponsors: People’s Television 4, Pfizer, Solar News Philippines, at Tupperware Brands, at minor sponsors dito sa NCR: Tiger 22 Media Corporation, Philippine Veterans Bank, Businessworld, Banco de Oro at The Generics Pharmacy.
Muli, nais ko pong ipaalala na bukas na ang registration para sa PhilHealth Run 2015. Ang mga UHC advocates at interasadong mananakbo ay maaaring mag-log-on sa run2015.philhealth.gov.ph para sa iba pang mga detalye.
Bago po ako magtapos ay nais ko pong iwanan kayo ng isang quote mula kay Marcus Aurelius Antoninus, isang Roman Emperor mula 161 -180 AD: “Very little is needed to make a happy life; it is all within yourself, in your way of thinking.” Sa sinabing ito ni Marcus Aurelius Antoninus, hinahamon ko po ang lahat na lumikha ng masayang 2015!
Sumaatin nawa ang puspos na ligaya at biyaya ng Panginoong Diyos sa pagpasok ng Bagong Taon. Lagi po nating tatandaan, sa Alagang PhilHealth, kayo ang Number 1!
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas