Philippine Theatre UK

Migrants-The-Movie Ramon-Castillanes-TenosoSIKAT SA buong mundo ang London hindi lamang sa mga historical buldings at iconic landmarks. Hindi ka mauubusan ng pwedeng gawin kung ika’y turista tulad na lamang ng panonood ng musicals. Kilala ang West End sa pagtatampok ng mga naglalakihang theatrical shows katulad na lamang halimbawa ng Miss Saigon na pinangunahan ng ilang mga Pilipinong artista na talaga namang dinudumog ng mga turistang sadyang dumadayo pa mula sa iba’t – ibang bahagi ng mundo.

Sa karamihan ng mga magagaling na artista at grupong nagtatanghal sa entablado, isang grupong Pilipino ang aking nakilala at nakadaupang palad. Nakapanayam ko ang Philippine Theatre UK (PTUK) isang grupong naitatag noong 2002. Sa pangunguna ni Ramon Castillanes Tenoso at ng kanyang mga kaibigan. Ang grupo ay ang nag-iisang natatanging aktibong Filipino Theatre sa Europe sa ngayon. Nakapag-produce na ang grupo ng nasa 15 original plays na isinasadula sa wikang English.

ANG PTUK

 

AYON KAY Direk Ramon, artistic director at lider ng grupo, layunin ng PTUK na mapalaganap at maiangat ang profile ng mga Filipino at British artists. Nagbibigay ang grupo ng libreng training para madevelop anf self-confidence,

team building, creative thinking, theatre production at method acting.

Ang mga kasapi ay mula sa iba’t-ibang backgrounds at edad at ito ay boluntaryong ginagawa. Walang bayad o sweldong tinatanggap ang mga miyembro. Ang layuning mapalawak ang impluwensiya ng sining at pagmamahal ang nagiging pundasyon at inspirasyon ng samahan sa patuloy nilang pagpupunyagi sa larangan. Ayon pa kay Direk Ramon, na parang isang malaking pamilya ang grupo. Sama-sama silang nagtutulungan upang maisaayos ang production. Pinagbubuti ng lahat ang mga aspeto ng pagtatanghal, mula sa stage design, costume, mga ilaw, musika at tunog hanggang sa pag-arte ay kinakailangang dekalidad at pulido.

ANG DIREKTOR

 

SI DIREK Ramon, na nagkamit ng Master’s Degree of Psychology sa Unibersidad ng Pilipinas ay may malawak na karanasan sa teatro. Nag-aral sya sa London ng Religion at Sociology, Counseling at Art Therapy. Naigawad din sa kanya ang high profile management training position sponsored by the Independent Theatre Council.

Sa edad na 13, naisulat na nya ang ang kanyang kauna-unahang play, ang “The Creation.” Sya rin ang kauna-unahang Pilipinong nag-adapt ng nobelang El Filibusterismo ni Dr Jose Rizal, na isinadula sa entablado noong 1998. Mula noon marami na syang naisulat na mga dula na may temang political, mapa Drama at Comedy. Kabilang na dito ang The Enchanted Bird (Ibong Adarna) na naitanghal noong Enero sa Chelsea Theatre.

KASALUKUYAN AT HINAHARAP

 

MALIBAN SA mga palabas sa entablado, aktibo rin ang PTUK sa mga charity works. Isa dito ang ginanap na fund raising sa Garland Pub noong nakaraang June. At bilang paggunita sa mga nasalanta ng bagyong Haiyan, nagpalabas ang grupo ng Candle of Remembrance pin na maari ring makatulong sa mga nasalanta ng bagyo.

Maaring sadayin ang Facebook page ng Philippine Theatre UK sa mga nais na sumuporta sa Candle of Remembrance.

Sa kasalukuyan, naghahanda ang grupo para sa isang film na may pamagat na “Migrants.” Ang “Migrants” ay isang palabas sa entablado at nauna nang naisadula mula Dec 14 – 15 2012 sa London. Ang pelikulang “Migrants” ay pagsasalarawan ng isang matibay na pagkakaibigan sa gitna ng isang socio-political conflict. Ito ay nagpapakita ng inspirasyon sa gitna ng mga pagsubok at pakikipaglaban sa buhay. Ang pelikulang “Migrants” ay naiguhit sa “Guni-guni” noong Agusto ng taong kasalukuyan at nasimulan ang unang bahagi ng filming noong

September. Plano ng grupo na mai-release ang Migrants, at maisali sa isang international competition sa 2015.

Sa ngayon, may nasa 28 aktibong myembro ang PTUK (Filipino and Bristish actors) na pinangungunahan ng Artistic Director/Playwright – Ramon Castillanes Tenoso; Managing Director – Maurice Newbery; Lead Executive Director (Migrants -The Movie) – Zen Limuco; Production Manager – Alvy Camanzo; Marketing Manager – Myla Arceno; Assistant Marketing Managers – John Beglin and Celia Shearer; Production Co-ordinator – Armin Natividad; Costume Manager/Designer – John Beglin and Ticket Officer – Ghey Adriano.

Patuloy pa rin silang nangangalap ng suporta at tulong maging mga kasapi upang sumama at makilahok sa kanilang pagtatanghal. Sa anumang detalye, maaring makontak si Direk Ramon sa email: [email protected] o sa kanilang Facebook page: www.facebook.com/philippinetheatreuk.

By Julz Labao


Previous articleHome for Christmas
Next articleDERRT: Sagip Delubyo sa Pinas

No posts to display