MAS BONGGA PALA itong Philippine Volcanoes na Rugby team ng ating bansa dahil panay ang panalo nila ngayon sa laban nila sa Shanghai, China.
Kababalita lang namin sa Startalk nu’ng nakaraang Sabado na tinalo nila ang team ng United Arab Emirates, kinagabihan natalo rin nila ang Korea.
Pasok na nga raw sila sa top 8 at mukhang aabot sila sa finals at makakalaban sila sa iba pang laban na gaganapin sa ibang bansa.
Marami nga ang nagsabing magaling itong Rugby team ng ating bansa, pero hindi sila gaanong kilala kung ikumpara sa Philippine Azkals na hindi naman umabot sa finals.
Hindi kasi familiar ang mga tao sa larong Rugby dahil ang pagkakaalam ng karamihan, laro ito ng mga mayayaman.
Pero ngayon ay sinisikap ng grupong ito na malaman ng ating mga kababayan dahil tuwing Lunes at Miyerkules ay nagbibigay sila ng libreng training sa mga kabataang may hilig sa larong ito.
Isa sa kilalang miyembro nitong Philippine Volcanoes ay si Andrew Wolff. Mabuti nga na rito siya nag-concentrate at hindi sa mga ka-cheapang isyung kinasangkutan niya.
Sinabi ni Andrew, may dugong Pinoy ang lahat ng miyembro ng Volcanoes, kahit karamihan sa kanila ay hindi rito lumaki kundi sa Australia.
Kahit mukha silang mga foreigner, Pinoy na Pinoy raw ang puso nila at gustung-gusto nila rito at proud daw silang ipaglaban ang ating bansa at magbigay karangalan sa larong Rugby.
Ngayon ay namamayagpag sila sa China kaya sana pagbalik nila rito ay mabigyan din sila ng importansya gaya nang ibinigay noon sa Azkals.
Nilinaw naman ng mga taga-Philippine Volcanoes na wala silang isyu sa Azkals. Iginagalang daw nila ang football na ito, pero nang tinanong sila kung willing ba silang lumaban sa Azkals kahit exhibition game, aba! Okay lang daw sa kanila at kayang-kaya raw nilang kalabanin itong Azkals.
Naku! Kung mangyari iyan, walang dudang lalampasuhin lang ng Volcanoes ang Azkals!
MAMAYANG GABI NA magsisimula ang bagong pang-Telebabad ng GMA-7 na Iglot. Ito bale ang kauna-unahang primetime show ni Claudine Baretto sa GMA-7, kaya dapat mag-rate ito.
Kung tingnan mo nga ang casting nitong Iglot, reunion ng mga dating Kapamilya stars. Bukod kasi kay Claudine, nandiyan si Jolina Magdangal, Marvin Agustin, Patrick Garcia at Pauleen Luna.
Sabi naman ni Marvin, parang reunion nga raw sila sa set at nabalik daw ang bonding nila noon. Parang ibinalik nga ang loveteam nina Marvin at Jolina na malapit nang ikasal kay Mark Escueta.
Pero walang selosang nangyari dahil sinasabi naman ni Mark na mahirap nang buwagin ang loveteam na ‘yun na nakasanayan na ng sambayanang Pilipino. Kaya isa siya sa natutuwa at bumalik ang tambalan ng dalawa.
Hindi ko lang sure kung iimbitahin nina Jolina at Mark si Marvin sa kanilang kasal. Pero tingin ko hindi.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis