PARANG BARKADA, NAKIPAGKUWENTUHAN sa amin si Phillip Salvador. Naging sentro ng usapan ang legendary director na si Lino Brocka. Ang classic film na Cain at Abel ang launching movie pala ni Kuya Ipe with Direk Lino. After this film, kinilala ang husay at galing niya as an actor. Kung sakaling gawing teleserye ang nasabing pelikula, sino kaya sa mga artista natin ngayon ang puwedeng magsiganap?
“Bagay kay Diether Ocampo ‘yung role ko, John Lloyd Cruz ‘yung role ni Boyet (Christopher de Leon). Bea Alonzo (Carmi Martin ), Jodie Sta. Maria (Baby Delgado), Gloria Romero (Monaliza).
“Jaguar is one of my favorite movies na ginawa namin ni Direk Lino. Wala nga akong kaalam-alam na ginawa pala ‘yun ni Piolo Pascual (Manila). Hindi ko alam na ni-remake pala niya kasi hindi ko napanood, may nagsabi lang sa akin,” say niya. Hanggang ngayon buhay pa rin sa puso’t isipan ni Phillip at ng masang Pinoy ang mga obra ni Lino. Maging ang movie industry, dinarakila ang pagiging icon director ni Brocka. Sa bawat pelikulang kanyang ginawa naisasalarawan niya through his film ang tunay na mukha ng buhay, maging ang lipunang ating ginagalawan.
Ilang direktor na nga ba ang nagtangkang maging Lino Brocka ng bagong henerasyon pero pawang bigo lahat sila. May mga nagpipilit maging Brocka sa bawat proyektong kanilang isinasapelikula. Ginagaya ang istilo, nagpapaka-artist sa pagdidirek – ang resulta, pawang basurang hindi dapat panoorin.
“Kasi, si Lino lang ‘yung direktor na kung ano ‘yung gusto niyang gawin, gagawin niya. Iba ‘yung vision niya as a director and at the same time as an artist, malalim. Pipilitin niyang humanap ng producer para lang magawa ‘yung pelikula. Sacrifice lahat ‘yung budget. Ang importante, magawa ‘yung pelikulang gusto niya. Si Lino lang ‘yung ganu’n kasi ‘yung iba. Siyempre, ang producer natin ngayon, kakaunti lang ‘yung nagpro-produce ng pelikula. Gusto nila, commercial. That time, bihira lang gumawa ng commercial na pelikula si Lino.”
“Nand’yan pa naman sina Olivia Lamasan, Joel Lamangan, Chito Roño, Mel Chionglo at Maryo de los Reyes. How I wish na mabigyan sila ng ganu’ng proyekto. Sila ‘yung nakikita kong puwedeng gumawa ng ganu’n. Sa totoo lang, if I will be given a chance to direct, maganda ‘yung material, I’ll do it!” Kuwento ni Kuya Ipe na masayang-malungkot.
“Kasi, nasundan ‘yung Baler after one year, ito ngang Panday. Gusto ko sanang magka-teleserye para maiba naman uli. Sana this year magtuluy-tuloy na ang paglabas ko sa film at television. May offer, kailangan lang maging maingat ako sa pagtanggap ng project. Kilala naman ninyo ako, napakaimportante kasi sa akin ‘yung project at ‘yung role na gagampanan ko. Secondary na lang ‘yung talent fee, mapag-uusapan naman ‘yun basta worth doing, ‘yun ang importante. Gusto ko ‘yung role na very challenging na nahihirapan ako. ‘Yung role na hindi ko pa nagagawa, mas mahirap, mas gusto ko. Nadu’n ‘yung challenge as an actor and I hope makagawa ulit ako,” sundot pa niya.
Hindi man aminin ni Phillip, may offer pala ang GMA7 at Kapamilya network for a soap. Hindi lang namin sigurado kung alin sa dalawang network ang tatanggapin ng actor. Ang importante, mapapanood uli natin si Kuya Ipe sa isang makabuluhang teleserye this year. Let’s wait and see na lang.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield