KUNG TOTOO ang mga ibinigay na pahayag ni Atty. Persida Acosta, chief ng Public Attorney’s Office (PAO), sa media hinggil sa pagkamatay ni Dennis Aranas, suspek at testigo sa pagpatay sa broadcaster-environmentalist Gerry Ortega, dapat sibakin sa puwesto si Chief Superintendent Serafin Barreto, Jr., director ng Bureau of Jail Management and Penology ng Calabarzon.
Si Aranas ay natagpuang nakabigti sa loob ng kanyang selda sa Quezon Provincial Jail. Ayon sa BJMP, si Aranas ay namatay dahil sa “asphyxia by hanging”. Ito rin ang lumabas sa ginawang autopsy ng NBI sa bangkay ni Aranas.
Pero ayon kay Acosta, nakitaan ang bangkay ni Aranas ng mga pasa sa kanyang mga braso at binti na nagpapahiwatig na ito ay pinatay. Nakitaan din ito ng mga tama sa kanyang mata. Ito ay ayon na rin ay Dr. Erwin Erfe, ang director ng PAO forensic lab.
Si Aranas ay nakulong sa Quezon Provincial Jail dahil sa ibang kaso pero siya’y umaming sangkot sa Ortega murder case at nagsilbing lookout. Si Aranas ay nagboluntaryong maging state witness sa kaso pero siya’y pinakawalan sa witness protection program matapos masangkot sa iba pang kasong murder.
Ang itinuturong utak umano sa pagpatay kay Ortega ay ang dating governor ng Palawan na si Joel Reyes na ngayon ay nagtatago na kasama ang kanyang kapatid na isa rin sa mga sinasabing mastermind.
Hindi lang dapat sibakin sa kanyang puwesto si Chief Superintendent Barreto, dapat siya’y paimbestigahan din at sampahan ng mga kaukulang kaso kung totoo ngang pinatay si Aranas sa loob ng kanyang selda.
Ngunit hindi lang pala pikon itong si Barreto kundi isa ring dakilang tanga. Nagalit si Barreto kay Acosta dahil sa pakikialam daw nito sa pagkamatay ni Aranas. Ayon pa kay Barreto, ang trabaho lang daw dapat ng PAO ay magbigay ng legal assistance.
Pero ang hindi alam ng bopol na ito na si Aranas ay kliyente ng PAO, at bilang kliyente, kasama rin sa obligasyon ng PAO na siguruhin ang maayos na kalagayan at kapakanan nito sa loob ng kulungan.
Para na rin sa karagdagang kaalaman ni Barreto, puwedeng makialam ang PAO sa iba pang mga kabulastugang nangyayari sa loob ng Quezon Provincial Jail tulad halimbawa ng pangongotong sa mga preso ng mga bastonero para sa karapatang sila’y magkaroon ng dalaw – kung ito man ay nagaganap doon.
Puwede ring pakialaman ng PAO, halimbawa, kapag ginagamit ng mga opisyal ng BJMP sa Calabarzon ang mga preso para gawing mga construction worker sa kanilang mga pinapagawang bahay – kung mayroon mang ganitong mga pangyayari roon.
Mas makabubuti para kay Barreto ang tumahimik na lamang at huwag kontrahin ang ginagawang imbestigasyon ng PAO tungkol sa pagkamatay ng kanilang kliyente, at tumulong na lang upang lumabas ang katotohanan.
Dahil kapag nagpapakita siya ng pagkapikon sa paggawa ng PAO ng kanilang trabaho, baka hindi lamang isipin ng taumbayan na siya ay tanga kundi may mas malalim pang dahilan na siya lamang ang nakaaalam.
Si Reyes ay madalas batikusin at isangkot ni Ortega sa billion pesos Malampaya fund anomaly sa kanyang radio show sa Puerto Princesa City, Palawan noong siya ay nabubuhay pa.
Ang Malampaya funds ay pondong natatanggap ng Palawan na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso kada taon mula sa national government para sa share nito sa mga natural gas na nae-extract sa Malampaya, Palawan.
Shooting Range
Raffy Tulfo