Pilay

‘DI ‘YAN ang tunay niyang pangalan. Ngunit ‘yan ang tawag sa kanya ng lahat. Isa siyang ambulant vendor ng bottled water, chichiria, siga-rilyo, kendi at iba pa sa tapat

ng Medical City Hospital sa Pasig City. Init at araw, naroon siya, nagtitiyaga sa konting kitang barya. Pawisan, ngunit sa sunog na araw na mukha, may saya ang kanyang ngiti.

Isang dapit-hapon, huminto ako at bumili ng menthol candies sa kanya. Sinadya kong ‘di kunin ang sukli. Kinabukasan, nakaabang siya para ibalik sa akin ang sukli. Nu’ng sinabi kong tip sa kanya, masayang nagpasalamat. Doon nagsimula ang aming pakikipag-kaibigan.

Ewan ko kung bakit lagi kong nakakalimutang itanong ang kanyang tunay na pangalan. Mahalaga, ‘pag ako’y nakikita sa aking pulang sasakyan, ka-kaway siya. Mukhang laging may nakatapal na galak at ngiti sa kanyang mukha. Galak at ngiti na ‘di ko alam kung saan niya hinuhugot. Nakapagtataka dahil isang kahig, isang tuka ang araw-araw na buhay niya.

Nalaman kong nakatira siya sa isang entresuwelo sa Cainta. May apat na maliliit na anak at isang payat na asawang Bicolana na may malubhang sakit sa puso.

Sa mapalad na araw, kumikita siya ng mahigit na P100. ‘Pag umuulan, pinakamataas na ang bente pesos. Consignment lahat ang mga tinitinda niya.

Si Pilay ay may matagal nang kapansanan. Isang malalim at laging nagnananang sugat sa kaliwang paa. Sampung taon na po. ‘Di gumagaling. Nililinis ko na lang ng dahon ng bayabas at betadine. ‘Di po naman masakit. Paliwanag niya.

Dala ng matinding awa, pinatingnan ko siya sa charity ward ng Rizal Medical Center. Niresetahan lang ng antibiotic.  Pinatingnan ko rin sa free medical mission ng UNTV. Ganu’n din ang nireseta sa kanya. Hanggang sa naging okupado ako sa aking gawain at iba pang pangangailangan. Mahigit kalahating taong ‘di kami nagkita. Noong unang linggo ng Enero 2012, naisipan kong kamustahin siya. Dati pa ring hanap-buhay. Init, ulan, ‘sang kahig, ‘sang tuka. Ngunit naroon pa rin ang ngiti, kaibang saya.

Saan niya hinuhugot ang mga ito? At aking naisip: kahirapan ay ‘di balakid sa masayang kalooban. Naalala ko minsang sinabi niya: Wala akong takot o pangamba sa ano mang paghihirap pa. Ginagawa ko araw-araw ang aking makakaya. ‘Di ako pababayaan ng Diyos.

Ewan ko kung bakit nakakalimutan kong alamin ang tunay na pangalan ng aking kaibigan.

SAMUT-SAMOT

 

NAGKAKAROON NA ng konting direksyon ang pamumuno ni P-Noy. Ang isa sa mga economic catalyst – Public-Private Partnership Program (PPP) – ay umaarangkada na. Hopefully, late next year its benefits will be largely felt. Subalit susun-suson pa ang ating suliranin. Kung tutuusin, anong bansa ang walang suliranin? Ang U.S. ay nasa recession katulad ng Greece at iba pang bansa sa Europe. Japan ay ngayon lang bumabangon. Harinawa magtuloy ang ating buwelo.

PAMINSAN-MINSAN – AT on doctor’s advice – umiinom ako ng Stilnox, isang brand ng sleeping pill. Ito’y ‘pag di na talaga ako makatulog paggising sa madaling-araw. Tulog ko’y kalimitan 10 p.m. Subalit automatic nagigising ako 1:30 at 3:30 a.m. para magbanyo. Malimit din akong makatulog. Kaya napipilitan akong uminon ng medisina. Ngunit mahirap maging drug-dependent. Kaya para tuluy-tuloy ang tulog, kailangang mag-exercise araw-araw. Hirap ng pagtanda.

NAGPASALAMAT SI ka Satur Ocampo sa pitak natin sa kanya. Nakalimutan kong mabanggit na siya ang patnubay ko sa aking pagsusulat sa school organ ng Lyceum. By that time, he was a very accomplished writer both in English and vernacular. He was former editor of PCU school organ. Afer college, he worked as reporter and then business editor ng Manila Times. Napakahaba ng makahulugang panahong aming pinagsamahan.

 

MARAMING NAGUGULUHAN sa kung anu-anong pumapasok sa kukote ni boxing champ Manny Pacquiao. Lahat na lang, pinapasok at sinasawsawan. Kamakailan, napabalita na nakausap niya ang Diyos kaya siya’y isang Bible preacher. May lingguhang variety show siya sa GMA-7, kung saan namumudmod siya ng premyo at salapi. Minsan sa mga pahayagan, naka-uniporme siya ng army. Kamakailan, endorser siya ng malunggay energy drink. Ano ba talaga gusto niya sa buhay?

ANO NA ang ginagawang hakbang ng ating pamahalaan para maibsan ang power crisis sa Mindanao? Ilang growth centers sa region ang dumaranas ng apat hanggang anim na oras na brown-out.  Balitang mil-yun-milyon na ang nawawala sa kita ng mga kumpanya dulot ng crisis. ‘Pag tumagal ang ganitong sitwasyon at ‘di mabibigyan ng mabilis na solusyon ang ganitong kalagayan, maaaring mag lay-off ang mga kumpanyang ito at lumipat sa karatig na mga bansa sa Asya. Paging P-Noy at mga kaukulang awtoridad. Kumilos kayo nang mabilis at huwag mag-noynoying.

NALULUNGKOT AKO sa isang matalik na kaibigan na tila na nahikayat sa ibang pananampalataya. Dati-rati, matapat siyang Katoliko. Ngunit ngayon, kinakalaban niya ang pinag-uutos at pinaniniwalaan ng relihiyon. Siya ay dating kasama ko sa Unilab. Sa loob ng mahigit 30 taon, kaming dalawa ay debotong Katoliko. Ngunit nagkahiwalay na kami ng landas. Ipinagdarasal ko na maliwanagan ng Espiritu Santo ang kanyang isip at bumalik sa tunay na pananampalataya.

KUNG MAINTERESADO muli akong magbiyahe sa Amerika, dalawang lugar lang nais kong balikan: Vallejo, California at Houston, Texas. Ang Vallejo ay retirement country ng Pinoy ex-US Navy men. Parang Baguio ang klima, malinis, hitik sa halaman at very peaceful and progressive. May bahay rito ang kapatid ng aking maybahay. Houston is a bustling city, mainit ang klima. For medical check-up, dito dapat pumunta lalo na kung heart condition ang problema. Mahigit na ring isang dekada akong ‘di nakakabalik matapos ma-cancel ang passport at green card ko.

NAKAKAPAGOD ANG walang ginagawa. Ito ang common complaint ng mga retirees. Sabi ng aking manggagamot, dapat laging busy para makaiwas sa depression at mental retardation. Ibig sabihin, magkaroon ng busy regimen: walking sa umaga, makipagkwentuhan sa mga kaibigan o kapit-bahay, magbasa, makinig ng sweet music, mag-alaga ng hayop o halaman at magkaroon ng active spiritual life. Mental dementia ang karaniwang resulta ng inactive retirement life. Kailangan i-exercise ang utak. Mantakin mo si Senate President Juan Ponce Enrile ay 88 anyos na.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleHiwalay na nga raw, pero… Rayver Cruz, sunud-sunuran pa rin kay Cristine Reyes?!
Next articleBenepisyo sa Retirado

No posts to display