LIBU-LIBONG MGA OFW ang nahaharap sa iba’t ibang kaso sa abroad. Marami-rami sa kanila ang naaresto at nakabilanggo. Merong mga nasa death row at naghihintay na lang ng takdang araw ng pagbitay sa kanila.
Dahil dito, ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang para sila matulungan. Gumugugol ang gobyerno at pribadong sektor ng milyun-milyong piso para maikuha sila ng mga abogado, mabayaran ang blood money at maibigay sa kanila ang lahat ng legal assistance. Ngunit may hangganan ang kayang gawin ng pamahalaan at pribadong sektor. ‘Di ganoon kalaki ang pondo natin para matugunan lahat ang problemang legal ng ating mga kababayang OFW. Kung kaya’t mahalagang magtakda ng priority o mga pamantayan ang pamahalaan kung sinu-sino ang dapat unahing tulungan. Mahalaga ring tukuyin natin kung sino ang hindi dapat tulungan.
Halimbawa, dapat bang pag-aksayahan ng pondo ng pamahalaan ang mga kababayan nating nangibang-bansa para magsagawa ng krimen? Nand’yan ang mga sangkot sa droga, human trafficking, sex slavery, sugal, murder at iba pang paglabag sa mga batas sa ibang bansa. Kamakailan, halimbawa, tatlong Pinoy ang naaresto dahil pinatay nila ang tatlong kapwa Pinoy dahil sa agawan sa teritoryo sa Jueteng sa kahariang Saudi. May kababayan tayo sa Africa ang nakulong dahil sila ang may hawak sa sindikato ng sex slavery at ipinapasok ang mga Pinay roon para gawing mga prostitute. Dapat bang tulungan ang mga ito?
Samantala, libu-libo ang mga kababayan nating nakakulong dahil sa mga krimen na ‘di naman nila ginawa. Na-frame up lang sila ng kanilang mga employer. Marami rin ang mga stranded na kababayang gusto nang umuwi pero walang pera o pamasahe. ‘Di ba’t ito ang mga dapat tulungan?
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo